Ang pagtanggal ng balat o pag-alis ng balat (Ingles: flay, flaying, sa mas buong diwa: flaying alive), na pinaiikli bilang balatan o talupan, ay ang paghiwa at pagtatanggal ng balat mula sa katawan. Sa pangkalahatan, sinusubok sa paraang ito ang mapanatiling buo ang inalis na bahagi ng balat. Kaugnay ito ng diwang talupan ng buhay, talupan habang buhay pa, talupan habang nabubuhay pa, talupan habang may hininga pa, balatan habang humihinga pa, o balatan ng buhay.

Sa dibuhong Ang Huling Paghuhukom na iginuhit ni Michelangelo, ipinakikita si San Bartolome na may hawak na isang panghiwa na sanhi ng kanyang pagkamartir at ang kanyang tinanggal na balat; ginawa rito ni Michelangelo ang larawan ng kanyang sarili bilang gumaganap na San Bartolome pagkaraang matalupan ito ng balat (binalatan ng buhay). Nagpapakita o nagsasalamin ito ng pagkamuhi o pagkainis ni Michelangelo dahil sa pagkapili sa kanyang ipinta ang "Ang Huling Paghuhukom."[1]

Maaaring talupan ng buhay ang isang hayop bilang paghahanda upang makain ng tao, o para balahibo nitong kasama ang balat, na mas kilala bilang "pagbabalat ng hayop".

Ginagamit ang pagbabalat ng tao bilang isang paraan ng pagpapahirap o parusang kamatayan, depende sa kung gaano karami ng balat ang tinanggal. Tinatalakay ng lathalaing ito ang pagtatalop sa diwa ng pagpaparusa, pagpapahirap, at pagpaslang, pagpatay, o pagkitil ng buhay, na kaugnay ng diwang balatan ng buhay. Mayroon ding mga pagtatala ng mga taong tinalupan pagkaraang mamatay, na pangkalahatang isinasakatuparan upang pababain ang uri o halaga ng pagkatao ng pinaslang, o hamakin, maliitin, siphayuin, at babuyin ang tao pirusahan ng kamatayan, katulad ng bangkay ng kaaway o isang kriminal, minsang kaugnay sa paniniwalang pampananampalataya (halimbawa na ang pagkakait ng pagkakaroon ng buhay sa kabilang-buhay); kung minsan ginagamit ang balat, dahil pa rin sa pagpigil, at para sa mga kagamitang pangsalamangka (halimbawa na ang anitan o pag-alis ng anit).

Kasaysayan

baguhin
 
Paglalarawan ng pagbabalat ng buhay na isinagawa kay San Bartolome.

Isang sinaunang gawain ang pagbabalat ng buhay. Mayroon mga pagsasalaysay ng mga Asiryo na pagbabalat ng buhay ng isang nabihag na kaaway o pinunong rebelde at pagpapako ng tinanggal na balat sa pader ng kanyang lungsod, bilang babala sa lahat ng mga iibig na labanan ang kanilang kapangyarihan. Tinatalupan ng mga Asteka ng Mehiko ang mga biktima ng rituwal na pagsasakripisyo, paghahain, o pag-aalay ng tao, na pangkalahatang isinasakatuparan pagkaraan ng kamatayan ng biktima. Paminsan-minsang ginagamit ang pagsusunog o paghihiwa ng balat mula sa katawan bilang bahagi ng pagpaparusang hahantong sa kamatayan ng isang traydor, habang nanonood ang madla, sa Europang midyibal. May isang katulad na paraan ng pagpaparusa ng kamatayan na ginamit noong bandang dekada ng 1700 sa Pransiya; isang episodyo nito ang muling inilahad ng masinsinan sa pagbubukas ng kabanata ng Discipline and Punish (1979) ni Michel Foucault. Sa panahon ng Britanyang midyibal, ang paglusbod sa kabanalan ng simbahan ay itinuturing na kalapastanganan o sakrilehiyo at ang orihinal na parusa ay ang mabalatan ng buhay. Pinasok ng Subpriyor at ng Sakrista ng Monasteryo ng Westminster ang loob ng Kapilya ng Pyx noong 1903, ang munimento ng kumbento at ang silid ng kabang-yaman, at nagnakaw mula sa mga nilalaman ng mga ito. Natuklasan may mga piraso ng balat ang pinto ng kapilya ng Pyx na nakakabit dito, pati na ang tatlong pinto sa rebestriya. Ang simbahan ng Copford sa Essex, Inglatera ay natagpuang mayroon ding nakakabit na balat ng tao.[2] Sa Tsina, may ibang anyo ng pagbabalat na isinasagawa, na kilala bilang mabagal na paghiwa o kamatayan sa pamamagitan ng sanlibong mga hiwa, na ginagawa noong bandang dekada ng 1905.

Tingnan din

baguhin

Mga sanggunian

baguhin
  1. Dixon, John W. Jr. "The Terror of Salvation: The Last Judgment". Inarkibo mula sa orihinal noong 2007-08-14. Nakuha noong 2007-08-01.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. Wall, J. Charles (1912), Porches and Fonts. Inilathala ng Wells Gardner at Darton, Londres. pahina 41 - 42.