Batok (tato)

mga katutubong tato ng Pilipinas

Ang batok, batek, patik, batik, o buri, bukod sa iba pang mga pangalan, ay mga pangkalahatang termino para sa mga katutubong tato ng Pilipinas.[1] Noong panahong prekolonyal, nagpabatok ng balat ang kapwang kasarian ng halos lahat ng pangkat etniko ng kapuluang Pilipinas. Tulad ng mga ibang grupo ng Austronesyo, ginamit ang mga kasangkapang may puluhan na tinapik ng mahabang pamukpok. May mga partikular na termino at disenyo para sa mga tato ang bawat pangkat etniko, na kadalasang ginagamit din sa iba pang mga anyo ng sining at mga dekorasyon tulad ng pagpapalayok at paghahabi. May mga batok na limitado lamang sa iilang bahagi ng katawan, at mayroon ding mga batok na tumatakip sa buong katawan. Naging simbolo ang mga batok ng pagkakakilanlan ng tribo at pagkakamag-anak, gayundin ng katapangan, kagandahan, at katayuan sa lipunan o kayamanan.[2][3][4]

Paglalarawan ng mga Kastila sa mga batok ng mga Bisayang pintado ("mga pininturahan") ng Pilipinas sa Kodiseng Boxer (c. 1590), isa sa mga pinakaunang paglalarawan ng mga Europeong eksplorador sa mga batok ng katutubong Austronesyo
Mga tradisyonal na batok sa isang babaeng Kalinga

Nawala ang karamihan ng mga tradisyon sa pagbabatok dahil naging Kristiyano ang mga Pilipino noong panahong Kastila. Nalimutan din ang pagbabatok sa ilang pangkat (tulad ng mga Tagalog at Moro) sa sandaling panahon bago ang panahon ng pananakop dahil sa (kamakailang) pagkukumberte nila sa Islam. Nakaraos ito hanggang sa ika-19 hanggang kalagitnaan ng ika-20 siglo sa iilang liblib na lugar sa Pilipinas, ngunit unti-unting nawala dahil sa modernisasyon at Kanluraning impluwensiya. Ngayon, isa itong tradisyon na lubhang nanganganib at pinapatuloy lamang ito ng ilang miyembro ng mga Kordilyerano ng mga kabundukan ng Luzon,[2] ilang mga Lumad ng mga kabundukan ng Mindanao,[5] at mga Sulodnon ng mga kabundukan ng Panay.[6][7]

Etimolohiya

baguhin
 
Larawan noong 1908 ng isang mandirigmang Bontok na may chaklag, batok ng mga mamumugot-ng-ulo, sa kanyang dibdib

Hinango ang karamihan ng mga pangalan para sa tato sa mga wika sa Pilipinas sa Proto-Austronesyong *beCik ("tato"), *patik ("batik-batik"), at *burik ("bulik").[6][8][9][10]

Paglalarawan

baguhin

Kilala ang mga tato bilang batok (o batuk) o patik sa mga Bisaya; batik, buri, o tatak sa mga Tagalog; buri sa mga Pangasinan, Kapampangan, at Bikolano; batek, butak, o burik sa mga Ilokano; batek, batok, batak, fatek, whatok (binabaybay ring fatok), o buri sa mga Kordilyerano;[2][3][11] at pangotoeb (binabaybay ring pa-ngo-túb, pengeteb, o pengetev) sa iba't ibang mga Manobo.[5][12] Inilapat din ang mga salitang ito sa mga magkatulad na disenyo na ginagamit sa mga hinabing tela, mga, palayok, at dekorasyon para sa mga kalasag, mga hawakan ng kasangkapan at sandata, mga instrumentong pangmusika, at iba pa..[2][3][11] Ginamit ang mga salitang ito na nilagyan ng panlapi upang ilarawan ang mga taong may tato, kadalasang magkasingkahulugan sa "kilala/dalubhasang tao"; tulad ng batikan sa Tagalog, binatakan sa Bisaya, at burikan sa Ilokano.[3]

Karaniwang ibinatok ang mga heometrikong disenyo (mga linya, sigsag, chevron, damarama, umuulit na hugis); naka-istilong paglalarawan ng mga hayop (tulad ng ahas, butiki, agila, aso, usa, palaka, o alupihan), halaman (tulad ng damo, pako, o bulaklak), o mga tao; kidlat, bundok, tubig, bituin, o ang araw. Ang bawat mularan ay may pangalan, kadalasang may kuwento o kahalagahan sa likod nito, ngunit nalimutan na ang karamihan nito sa paglipas ng panahon. Ginamit din ang mga disenyong ito sa mga ibang anyo ng sining at dekorasyon ng kinabibilangang pangkat etniko. Sa katunayan, itinuring na pananamit mismo ang mga batok, at ang mga lalaki ay karaniwang nagsusuot lamang ng bahag upang maipakita ang kanilang mga batok.[2][3][13][11][5][14][15]

"Ang pangunahing pananamit ng mga Sebwano at lahat ng mga Bisaya ay ang pagtatato na napag-usapan na natin, kung saan ang isang hubad na lalaki ay parang nakasuot ng guwapong baluti na may napakahusay na pagkaukit, isang pananamit na pinahahalagahan at ang pinakaipinagmamalaki nilang kasuotan, na nagtatakip sa kanilang mga katawan na hindi man hihigit o mas kaunti kaysa kay Kristo habang nakapako sa krus, kaya't bagaman sa mga taimtim na okasyon ay mayroon silang mga marlotas (roba) na aming binanggit, ang kanilang pananamit sa tahanan at sa kanilang baryo ay ang kanilang mga batok at bahag, ang tawag nila sa telang ibinabalot sa kanilang baywang, na siyang uri na ginamit ng mga sinaunang aktor at gladyador sa Roma para maging disente." (Isinalin mula sa Ingles)

— Pedro Chirino, Relación de las Islas Filipinas (1604), [3]

Ang mga batok ay naging simbolo ng pagkakakilanlan ng tribo at pagkakamag-anak, gayundin ng katapangan, kagandahan, at katayuan sa lipunan o kayamanan. Karamihan sa mga ibinatok sa kalalakihan ay para sa mga mahahalagang tagumpay tulad ng pagkapanalo sa pakikidigma at pamumugot ng ulo, habang karamihan sa mga ibinatok sa kababaihan ay mga pampatingkad sa kanilang kagandahan. Pinaniniwalaan din na mayroon silang kakayahang magmahika o magprotekta (lalo na ang mga disenyo ng hayop), at nakakapagdokumenta ng personal o komunal na kasaysayan. Nagsilbing seremonya ng pagdaraan din ang sakit na dapat tiisin ng mga nababatukan. Sinasabi na kapag natiis ng isang tao ang sakit ng pagbabatok, matitiis niya ang sakit na mararanasan sa hinaharap, kaya naging isa itong simbolo ng pagkaadulto. Karaniwang pinaniniwalaan na umiiral pa rin hanggang sa kabilang buhay ang mga batok, hindi katulad ng mga materyal na pag-aari. Sa ilang kultura, pinaniniwalaan na nagbibigay-liwanag ang mga ito sa landas patungo sa daigdig ng mga espiritu, o nagsisilbing paraan para matukoy ng mga espiritung ninuno ang pagiging karapat-dapat ng isang kaluluwa na mamuhay sa kanila.[2][3][11][5][16]

Nag-iba-iba ang kanilang disenyo at pagkakalagay ayon sa pangkat etniko, pagkakaanib, katayuan, at kasarian. Halos nagtatakip sa buong katawan ang ibang batok, kabilang dito ang mga batok sa mukha na parang mga nakakatakot na maskara sa mga piling mandirigma ng mga Bisaya; habang limitado lamang ang ibang batok sa ilang bahagi ng katawan gaya ng mga batok ng mga Manobo na ipinagawa lamang sa mga braso, puson, likod, suso, at bukung-bukong.[2][3][11][5][17][16]

Proseso

baguhin
 
Apo Whang-od habang nambabatok sa tradisyonal na paraan ng mga Kalinga gamit ang mga tradisyonal na kasangkapang Austronesyo - ang karayom na may puluhan at ang pamukpok

Ipinagawa ang mga tato sa mga bihasang mambabatok gamit ang teknika na katangi-tangi sa mga Austronesyo. Ginamit ang maliit na pamukpok para tapikin ang karayom (iisang karayom o mga pinagsama-samang karayom) na perpendikular sa isang kahoy na puluhan na parang hugis-L. Mas matatag at mas madaling iposisyon ang karayom dahil sa hawakang ito. Sa pagtatapik, mabilis naglalabas-masok ang karayom sa balat (mga 90 hanggang 120 tapik bawat minuto). Ang mga karayom ay karaniwang gawa sa kahoy, sungay, buto, garing, metal, kawayan, o tinik ng sitrus. Nasusugatan ang balat dahil sa karayom at pinapahiran ito ng tinta na gawa sa uling o abo na hinaluan ng tubig, langis, at ekstrakto ng halaman (tulad ng katas ng tubo), o kahit apdo ng baboy.[2][3][13][11]

 
Karayom na may puluhan, pamukpok, at lagayan ng tinta na ginagamit sa tradisyonal na batok

Bago ang pagbabatok mismo, karaniwang binabakas ng mga mambabatok ang disenyo sa balat gamit ang tinta. Ginagamit ang mga hibla ng tali o dahon ng damo bilang gabay. Sa ilang kaso, inilagay ang tinta bago ang pagpupukpok. Lalaki ang naging karamihan ng mga mambabatok, ngunit nagkaroon ng mga babaeng mambabatok. Sila ay alinman sa residente ng isang nayon o mga naglalakbay sa mga iba't ibang nayon.[2][3][13][11]

May isa pang pamamaraan ng pagbabatok ang mga Lumad at Negrito. Gumagamit sila ng maliit na kutsilyo o sinsel na may puluhan upang maghiwa nang maliit at mabilisan. Pagkatapos, pinapahiran ang mga sugat ng pangulay. Iba ito sa mga pamamaraan na gumamit ng pamukpok dahil namemeklat din ang balat sa prosesong ito. Gayunpaman, kapareho ang mga disenyo at pagkakalagay sa mga batok na ipinukpok.[5]

Ang pagbabatok ng balat ay masalimuot, matrabahong proseso na napakasakit para sa binabatukan.[15] Unti-unting naiipon ang mga batok, at maaaring tumagal nang ilang buwan bago makumpleto at gumaling ang isang padron. Kadalasan, naging sagradong kaganapan ang pagbabatok na may ritwal para sa mga anito , at binigyang-pansin ang mga pangitain. Halimbawa, kung bumahing ang mambabatok o ang babatukan bago ang pagtatato, naituring ito na tanda ng hindi pagsang-ayon ng mga espiritu, at kinansela o isinantabi ang sesyon. Binayaran ang mga mambabatok ng mga alagang hayop, pinagmanang abaloryo, o mahahalagang metal. Pinatira at pinakain din sila ng pamilya ng binabatukan sa panahon ng proseso. Karaniwang may pagdiriwang pagkatapos makumpleto ang batok.[3][2][13]

Mga sanggunian

baguhin
  1. Wilcken, Lane. "What is Batok?" [Ano ang Batok?]. Lane Wilcken (sa wikang Ingles). Nakuha noong Agosto 2, 2021.
  2. 2.00 2.01 2.02 2.03 2.04 2.05 2.06 2.07 2.08 2.09 Wilcken, Lane (2010). Filipino Tattoos: Ancient to Modern [Mga Tatong Pilipino: Sinauna hanggang Moderno] (sa wikang Ingles). Schiffer. ISBN 9780764336027.
  3. 3.00 3.01 3.02 3.03 3.04 3.05 3.06 3.07 3.08 3.09 3.10 Scott, William Henry (1994). Barangay: Sixteenth-century Philippine Culture and Society [Barangay: Kultura at Lipunan ng mga Pilipino noong Ikalabing-anim na Siglo] (sa wikang Ingles). Ateneo University Press. pp. 20–27. ISBN 9789715501354.
  4. "The Beautiful History and Symbolism of Philippine Tattoo Culture" [Ang Magandang Kasaysayan at Simbolismo ng Kultura ng Pagbabatok sa Pilipinas]. Aswang Project (sa wikang Ingles). Mayo 4, 2017. Nakuha noong Hulyo 9, 2019.
  5. 5.0 5.1 5.2 5.3 5.4 5.5 Ragragio, Andrea Malaya M.; Paluga, Myfel D. (August 22, 2019). "An Ethnography of Pantaron Manobo Tattooing (Pangotoeb): Towards a Heuristic Schema in Understanding Manobo Indigenous Tattoos" [Isang Etnograpiya ng Pagbabatok ng Mga Pantaron Manobo (Pangotoeb): Tungo sa Eskemang Heuristiko sa Pag-uunawa sa Mga Katutubong Batok ng Mga Manobo]. Southeast Asian Studies (sa wikang Ingles). 8 (2): 259–294. doi:10.20495/seas.8.2_259. S2CID 202261104.
  6. 6.0 6.1 Salvador-Amores, Analyn. Burik: Tattoos of the Ibaloy Mummies of Benguet, North Luzon, Philippines [Burik: Mga Tato ng Mga Momyang Ibaloy ng Benguet, Hilagang Luzon, Pilipinas] (sa wikang Ingles). Sa Ancient Ink: The Archaeology of Tattooing, pinatnugutan ni Lars Krutak at Aaron Deter-Wolf, mga pa. 37–55. University of Washington Press, Seattle, Washington.
  7. Jocano, F. Landa (1958). "The Sulod: A Mountain People In Central Panay, Philippines" [Ang Mga Sulod: Taong Bundok sa Gitnang Panay, Pilipinas]. Philippine Studies (sa wikang Ingles). 6 (4): 401–436. JSTOR 42720408.
  8. Blust, Robert; Trussel, Stephen. "*patik". Austronesian Comparative Dictionary, web edition. Nakuha noong Hulyo 26, 2021.
  9. Blust, Robert; Trussel, Stephen. "*beCik". Austronesian Comparative Dictionary, web edition. Nakuha noong Hulyo 26, 2021.
  10. Blust, Robert; Trussel, Stephen. "*burik". Austronesian Comparative Dictionary, web edition. Nakuha noong Agosto 7, 2021.
  11. 11.0 11.1 11.2 11.3 11.4 11.5 11.6 Salvador-Amores, Analyn (Oktubre 29, 2017). "Tattoos in the Cordillera" [Mga Batok sa Kordilyera]. Philippine Daily Inquirer (sa wikang Ingles). Nakuha noong Hulyo 26, 2021.
  12. "Pang-o-tub: The tattooing tradition of the Manobo" [Pang-o-tub: Ang tradisyon ng pagbabatok ng mga Manobo]. GMA News Online (sa wikang Ingles). Agosto 28, 2012. Nakuha noong Hulyo 26, 2021.
  13. 13.0 13.1 13.2 13.3 Salvador-Amores, Analyn (2012). "The Recontextualization of Burik (Traditional Tattoos) of Kabayan Mummies in Benguet to Contemporary Practices" [Ang Rekontekstuwalisasyon ng Burik (Mga Tradisyonal na Batok) ng Mga Momyang Kabayan sa Benguet sa Mga Kontemporaryong Kasanayan]. Humanities Diliman (sa wikang Ingles). 9 (1): 74–94.
  14. Clariza, M. Elena (Abril 30, 2019). "Sacred Texts and Symbols: An Indigenous Filipino Perspective on Reading" [Mga Sagradong Teksto at Simbolo: Isang Pananaw ng Katutubong Pilipino sa Pagbabasa]. The International Journal of Information, Diversity, & Inclusion (sa wikang Ingles). 3 (2): 80–92. doi:10.33137/ijidi.v3i2.32593. S2CID 166544255.
  15. 15.0 15.1 Beckett, Ronald G.; Conlogue, Gerald J.; Abinion, Orlando V.; Salvador-Amores, Analyn; Piombino-Mascali, Dario (September 18, 2017). "Human mummification practices among the Ibaloy of Kabayan, North Luzon, the Philippines" [Pagmomomya ng tao sa mga Ibaloy ng Kabayan, Hilagang Luzon, Pilipinas]. Papers on Anthropology (sa wikang Ingles). 26 (2): 24–37. doi:10.12697/poa.2017.26.2.03.
  16. 16.0 16.1 Salvador-Amores, Analyn (June 2011). "Batok (Traditional Tattoos) in Diaspora: The Reinvention of a Globally Mediated Kalinga Identity" [Batok (Mga Tradisyonal na Tato) sa Diyaspora: Ang Muling Paglikha ng isang Pagkakakilanlang Kanlinga na Pinamagitan sa Mundo]. South East Asia Research (sa wikang Ingles). 19 (2): 293–318. doi:10.5367/sear.2011.0045. S2CID 146925862.
  17. DeMello, Margo (2007). Encyclopedia of Body Adornment [Ensiklopedya ng Pag-aadorno ng Katawan] (sa wikang Ingles). ABC-CLIO. p. 217. ISBN 9780313336959.