Karapatang sibil at pampolitika

Ang mga karapatang sibil at pampolitika ay isang uri ng mga karapatan at mga kalayaan na nagsasanggalang o nabibigay ng proteksiyon sa mga indibiduwal mula sa hindi kinakailangang kilos ng pamahalaan at nagbibigay katiyakan o kasiguruhan sa kakayanan ng isang taong makiiisa sa buhay sibil at pampolitika ng estado na walang diskriminasyon o paniniil. Kabilang din dito ang paniniguro sa pagkakaroon ng proteksiyon ng tao ukol sa kanyang pisikal na integridad, pagiging patas sa pagpapatupad ng proseso ng batas; proteksiyon mula sa diskriminasyon batay sa kasarian, relihiyon, lahi, oryentasyong seksuwal; kabilang pa rin ang kalayaang pampananampalatay o pananalig ng isang tao, sa pagpapahayag ng mga pananalita, ng pakikiisa sa ibang tao, kalayaan sa pamamahayag; at partisipasyong pampolitika.

Sa ibang mga pakahulugan, maaaring tumukoy din ang karapatang sibil sa ilang iba't ibang mga bagay-bagay:

  • Mga karapatang legal o mga karapatang ibinibigay ng mga nasyon sa mga nasa loob ng kanilang hurisdiksiyon; minsan silang tinatawag na karapatang sibil sa mga hurisdiksiyon ng karaniwang batas. Kaiba ito sa mga karapatang likas o natural o karapatang pangtao, na itinuturing ng maraming mga iskolar o dalubhasa bilang na pinanghahawakan ng mga tao dahil likas nang maipanganak sila.
  • Ang mga karapatang sibil, sa mga hurisdiksiyon ng sibil na batas, ay mga karapatan o mga kapangyarihan maisasagawa sa ilalim ng batas na sibil, na kinabibilangan ng mga bagay na tulad ng kakayahan sa pakikipagkasundo o pakikipagkontrata. Sa mga hurisdiksiyon ng batas na sibil, ang mga pagdedemanda o mga demandahan sa pagitan ng pribadong mga partido para sa mga bagay na katulad ng hindi pagtupad sa kontrata o sinasadyang kamalian o pananakit ay kalimitang ipinadarama sa pamamagitan ng mga termino ng paglabag sa isang karapatang sibil.
  • Ang kilusang pangkarapatang sibil, isang kalipunan ng pambuong-mundong mga kampanya para sa pagkakapantay-pantay o ekuwalidad sa harap ng batas.