Ang Kubà ng Notre-Dame: Pagkakaiba sa mga binago

nobela ni Victor Hugo
Content deleted Content added
Inilikha sa pagsalin ng pahinang "The Hunchback of Notre-Dame"
(Walang pagkakaiba)

Pagbabago noong 12:21, 5 Pebrero 2020

Ang Kubà ng Notre-Dame (Ingles: The Hunchback of Notre-Dame; Pranses: Notre-Dame de Paris, "Birhen ng Paris") ay isang nobela sa wikang Pranses ni Victor Hugo na inilathala noong taong 1831.

Ang Kubà ng Notre-Dame
May-akdaVictor Hugo
Orihinal na pamagatNotre-Dame de Paris
BansaFrance
WikaPranses
DyanraRomanticism, Gothic fiction
TagapaglathalaGosselin
Petsa ng paglathala
16 Marso 1831
Uri ng midyaHardback
Mga pahina940 (3 bolyum)
Dewey Decimal
843.7

Pamagat ng akda

Ang orihinal na pamagat ng nobela na Notre-Dame de Paris ay tumutukoy sa ang pangunahing tagpuan nito, ang Katedral ng Notre-Dama. Ang mas tanyag na pamagat nito sa wikang Ingles na The Hunchback of Notre Dame ay nagmula sa pamagat ng salinwika ni Frederic Shoberl noong 1833 at tumutukoy sa pangunahing tauhan ng nobela na si Quasimodo.

Banghay

Noong 1482 sa lungsod ng Paris, sa panahon ng paghahari ni Louis XI sa Pransiya, ang hitánang si Esmeralda (ipinanganak sa pangalang Agnes) ay tanyag sa mga kalalakihan dahil sa kanyang angking kagandahan. Kabilang sa mga kalalakihang ito ay ang kubàng si Quasimodo (ang tagatugtog ng kampana ng Katedral ng Notre-Dame), ang kanyang ama-amahan na si Claude Frollo (Arkidiyakono ng Notre-Dame), ang makisig na kapitan ng mga kawal ng Hari na si Phoebus de Chateaupers, at ang makatang si Pierre Gringoire. Natitigatig si Arkidiyakono Frollo dahil sa nararamdaman niyang pagkalibog kay Esmeralda kahit na siya ay isang pari. Inutusan niya si Quasimodo upang dukutin ang hitána ngunit nailigtas ni Kapitan Phoebus si Esmeralda at nadakip niya si Quasimodo. Si Gringoire, na nagtangkang iligtas si Esmeralda pero nagulpi ni Quasimodo, ay nadakip ng mga pulubi at dinala sa "Hukuman ng mga Himala" (Cour des miracles) upang bitayin ngunit nailigtas siya ni Esmeralda sa pamamagitan ng pagpapakasal sa kanya at maging kanyang asawa sa loob ng apat na taon.

Kinabukasan, hinatulan si Quasimodo ng parusang paghagupit sa harapan ng madla. Nang siya ay nauuhaw ay humihingi ng maiinom, nilapitan siya ni Esmeralda at binigyan ng tubig. Dito naantig ang puso ni Quasimodo kay Esmeralda.

Samantala, si Esmeralda ay nahuhumaling kay Kapitan Phoebus na, lingid sa kanyang kaalaman, ay ikakasal na sa mayamang dalagang si Fleur-de-Lys de Gondelaurier. Nagkatipan ang dalawa sa isang bahay-panuluyan at habang hinahalik-halikan ng Kapitan ang hitána, lihim silang pinagmamasadan ni Arkidiyakono Frollo na puno ng galit at pagseselos. Lumabas si Frollo mula sa kinatataguan nito at tinangkang patayin sa saksak ang Kapitan. Dahil agad na nakatakas si Frollo, si Esmeralda ang nadakip, naakusahan sa krimen, at nahatulan ng parusang kamatayan. Nang inihanda na si Esmeralda sa bitayan upang patayin, nagpadausdos si Quasimodo sa lubid ng kampana mula sa taas ng Notre-Dame at dagling dinala si Esmeralda patungo sa katedral upang maprotektahan siya sa ilalim ng batas ng santuwaryo⁠—hindi maaaring dakpin ang sinumang nasa loob ng Notre-Dame.

Sa loob ng Notre-Dame, hinandugan ni Quasimodo si Esmeralda ng damit, pagkain, at kutson na mahihigaan. Nakaramdam ng awa si Esmeralda nang inilahad ni Quasimodo ang dahilan ng kanyang pagligtas sa kanya: ito ay bilang kabayaran sa kabutihang-loob na ipinamalas ng hitána sa kanya noong siya ay hinagupit sa harap ng madla. Sinabihan ni Quasimodo si Esmeralda na manatili sa loob ng katedral upang manatili siyang ligtas. Binigyan din niya si Esmeralda ng isang bakal na píto upang gamitin ng hitána upang tawagin siya. Nang malaman ni Frollo na nasa Notre-Dame si Esmeralda, pinasok niya ang silid ng hitána at tinangka niyang halayin siya habang pinakikiusapan niya siyang tanggapin ang kanyang pagmamahal. Dagling hinipan ni Esmeralda ang bakal na píto, at agad na dumating si Quasimodo at pingilan si Frollo. Nang mamukhaan ni Quasimodo ang kanyang ama-amahan, napuno siya ng takot at inihandog niya ang kanyang punyal kay Frollo upang siya ay parusahan, ngunit agad na inagaw ni Esmeralda ang punyal at itinutok kay Frollo na umalis na galit kay Quasimodo.

Pagkadaka'y ipinaalam ni Frollo kay Gringoire na nagkasundo na ang parlyamento ng Pransiya na bawiin ang karapatan ni Esmeralda na mabigyan ng santwaryo upang hindi na siya maprotektahan ng Notre-Dame at maituloy ang parusang bitay sa kanya. Ipinabatid ni Gringoire ang balitang ito kay Clopin Trouillefou, ang pinuno ng Hukuman ng mga Himala. Upang mailigtas si Esmeralda, tinipon ni Trouillefou ang lahat ng mga pulubi at hitáno ng Hukuman ng mga Himala upang sukubin ang Notre-Dame at pigilin ang nakaambang pagdakip kay Esmeralda.

Nagtipon ang mga taga-Hukuman sa harap ng Notre-Dame. Sa pag-aakalang sasaktan nila si Esmeralda, sinubukan ni Quasimodo na itaboy sila palayo ng katedral. Nang magsidatingan ang mga kawal ng hari upang dakpin si Esmeralda, nag-akala naman siyang nariyan sila upang iligtas si Esmeralda. Samantalang nagkakagulo sa labas ng Notre-Dame, dumating si Gringoire at isang hindi mamukhaang "kaibigan" niya upang ipuslit si Esmeralda palabas ng katedral. Nang sila'y nakalayo na, nauna sa paglalakbay si Gringoire at naiwang mag-isa si Esmeralda kasama ang di-kilalang "kaibigan" na inalis ang takip sa mukha. Napuno ng takot at galit si Esmeralda nang mamukhaan niyang si Arkidyakono Frollo pala ang kanyang kasama.

Sa huling pagkakataon, nakiusap si Frollo kay Esmeralda na tanggapin ang kanyang pagmamahal. Nang tinanggihan niya ang Arkidiyakono, dinala si Esmeralda ni Frollo kay Gudule, isang matandang babaeng nagluluksa dahil diumanong kinain ng mga hitáno ang kanyang nawawalang sanggol na anak na babae. Habang ipinagkakánulô ni Frollo si Esmeralda sa mga kawal ng Hari, nalaman ni Gudule na si Esmeralda pala ang nawawala niyang anak. Nagsidatingan ang mga kawal upang dakpin si Esmeralda at sa pagtatangkang pigilan sila napatay ng mga kawal si Gudule.

Nang makitang wala na si Esmeralda sa kanyang silid, nabalisa si Quasimodo at nilibot ang buong Notre-Dame. Nang marating niya ang pinakamataas na bahagi ng katedral, kanyang nakita si Frollo na pinanonood ang isang babaeng dinadala ng berdugo sa bitayan. Namukhaan ni Quasimodo ang dalaga: siya si Esmeralda. Isinagawa ng berdugo ang pagbitay kay Esmeralda, at namalas ni Quasimodo ang kamatayan ng hitána sa pagkabitin ng bangkay nito sa lubid. Nang kanyang namasdan ang paghalakhak ni Frollo habang pinanonood ang kamatayan ni Esmeralda, buong galit niyang tinulak ang Arkidiyakono na nahulog mula sa tuktok ng Notre-Dame sa kanyang kamatayan. Nilisan ng nagluluksang Quasimodo ang Notre-Dame at tinungo ang sementeryo na pinagtapunan ng bangkay ni Esmeralda na kanyang niyakap hanggang sa mamatay siya sa gutom.

Sa pagtatapos ng nobela, nakita ng ilang tao ang kalansay nina Quasimodo at Esmeralda. Nang may nagtangkang ihiwalay ang kalansay-babae na niyayakap ng kalansay ng kubà, nadurog ang kalansay ng kubà at naging abo.