Nestorianismo

(Idinirekta mula sa Nestoryanismo)

Ang Nestoryanismo o Nestorianismo ay isang kilusan sa loob ng Kristiyanismo. Nasa likod ng doktrinang ito ang ideyang may dalawang mga persona si Hesus: ang isa ay si Hesus isang tao at ang isa pa ay ang pagiging Logos o Anak ng Diyos ni Hesus kaya't siya ay dibino o banal, sa halip na may pinag-isang pagkadiyos at pagiging tao sa iisang persona.[1] Si Nestorio (kilala rin bilang Nestorius), ang arsobispo ng Konstantinopla (Konstantinople) ang isa sa pinakalantad na tagapagtangkilik ng ideyang ito, na namuhay noong mula bandang 380 AD hanggang bandang 450 AD. Humiwalay si Nestorius sa Simbahang Romano Katoliko pagkaraan ng Unang Konseho ng Efeso na naganap noong 431 AD, kung kailan tinuligsa ng Konseho ng Efeso ang pananaw ng mga Nestoryano o Nestoriano, ang tawag sa mga tagasunod ni Nestorius.[1] Dahil dito nagkaroon ng pagkakahati sa Simbahan, na humantong sa pagkakaroon ng Asiryong Simbahan ng Silangan at ng Simbahang Bisantino. Dahil na rin dito, minsang natatawag na Nestoryano ang Asiryong Simbahan ng Silangan, na may pinanghahawakang pananaw na may dalawang mga "esensiya" (ang qnome) si Hesus na pinag-isa sa isang katauhan o persona (ang parsopa). Kumalat pasilangan ang Nestoryanismo mula ika-6 hanggang ika-7 mga daang taon, una sa Persa at pagdaka sa Indiya at Tsina. Sa kasalukuyan, umiiral ang bakas ng kilusan sa Iran, Turkiya, at Indiya.[1] Dalawang mga simbahan na lamang ang nagtuturo ng Nestoryanismo sa ngayon, ang Asiryong Simbahan ng Silangan at ang Simbahan ng Silangan at Ibang Bansa.

Mga sanggunian

baguhin
  1. 1.0 1.1 1.2 "Nestorians". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. 1977.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), Dictionary Index para sa titik na N, pahina 438.


  Ang lathalaing ito na tungkol sa Kristiyanismo ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.