Alamat ni Minggan
Sa alamat[1] ni Minggan ng Bayang Pantabangan na isinulat ni Elito Circa o Amangpintor, si Minggan ay isang Higanteng nilikha na nakatira sa bundok ng Sierra Madre. Siya ay masugid na manliligaw ni Mariang Sinukuan isang diwatang mabait, maganda at maaliw sa mga nilikha ng Panginoon.
Ang kuwento
baguhinSi Mariang Sinukuan ay nakatira sa bundok ng Arayat na di kalayuan sa bayan ng Pantabangan.
Ang laging kapiling ni Maria sa kanyang pag-iisa ay ang mga hayop sa kagubatan. Mahilig din siyang umawit at magmasid-masid sa kapaligiran at haplusin ang mga bulaklak.
Upang subukin ang pag-ibig ni Minggan, nagpagawa ito ng isang palaisdaan upang sa gayon ay makapiling niya ang mga isda sa tubig.
Sasangayon lamang si Maria o tatanggapin ang pag-ibig ni Minggan kung matutupad niya ang kanilang kasunduan na tatapusin ni Minggan ang paggawa ng palaisdaan "Dam" bago tumilaok ang manok sa madaling araw.
Di nag-atubiling naghanda at nagsimula sa paggawa ang mangingibig. Kung kaya ginamit ang kanyang kariton at naghakot ng maraming malalaking bato upang itabon at sarahan ang daluyan ng Tubig.
Malapit nang matapos ang malaking sara, biglang sumaisip ni Maria na ang lahat ng nilikha ay dapat na malaya, hindi dapat lagyan ng hawla o ikadena. Masdakila sana ang pag-ibig ni Minggan kung ang "kalayaan" ay kanyang isinaalang-alang. Sa gayong pagkakataon, malayo pa man ang umaga, inutusan na ni Mariang Sinukuan ang kanyang manok na tumilaok upang maging isang hudyat ng hindi pagsang-ayon sa pag-ibig ni Minggan.
Inakala ni Minggan na umaga na. Kung kaya nabigo ang pag-ibig ni Minggan kay Mariang Sinukuan. Masakit man kay Minggan, tinanggap niya alang-alang sa dalisay na pag-ibig niya kay Mariang Sinukuan.
Kaugnayan sa Kasaysayan
baguhinAno ang kaugnayan nito sa Pagkapapalubog ng dating Bayan ng Pantabangan?
Sa mundo natin ay maraming hiwaga, maniwala ka o hindi, maraming katanungan. Tulad ng mga tanong ng mga ninuno ng mga taga Pantabangan. "Apong, paano ninyong nasabing lulubog ang bayan ng Pantabangan, samantalang malayo tayo sa dagat?". Sagot ni Apong "Tandaan ninyo mga anak, balang araw magiging tubig ang inyong sinasaka at lilikas sa bundok ang Pantabangan.."
Sa panahong salat pa sa teknolohiya ang mga ninuno noon, ano ang naging batayan niya sa kanilang sinasabi?.
Marami sa atin na hindi batid na ang pasalinsalin na kuwento ay maaaring isang batayan ng pangyayari ngayon. Tulad ng Kuwentong Minggan at Mariang Sinukuan, ayaw man ni Maria na mangyaring masarhan ang daluyan ng tubig, kinakailangan, kinakailangang magsakripisyo ang bayan ng Pantabangan upang buhayin ang gitnang parte ng Luzon. Dakilang Pantabangan...
Makikita sa "AYA" ang DAMbuhalang sara ng tubig na gawa ng tao. AYA o Katabunan o Tabon ang tawag sa lugar na ito ng mga taga Pantabangan. Kung saan matatagpuan ang dalawang bundok na parang sinadyang itabon at isang bundok nalang ay magsasara na ang sapa. Ito daw ang hindi natapos na malaking sara na ginawa ni Minggan.
Kadalasan ding sinasabi ng mga matatanda dito na nagpapakita si Minggan na hatakhatak ang Kariton tuwing umaambon at nag-aagaw ang dilim at liwanag. Makikita rin ang mga higanteng yabag o bakas ng kanyang paa sa ibabaw ng malaking bato sa bandang Palayupay isang lugar sa Pantabangan.
Opiniyon at kuro-kuro
baguhinBumalik si Minggan noong 1973 upang tapusin ang pangakong dambuhalang sara ng tubig na patunay at simbolo ng kaniyang dakilang pag-ibig kay Mariang Sinukuan.