The Legend of Sleepy Hollow

Ang The Legend of Sleepy Holloway isang maikling kuwento ni Washington Irving[1][2] na nakalaman sa kanyang kalipunang The Sketch Book of Geoffrey Crayon, Gent., na isinulat niya habang naninirahan pa sa Birmingham, Inglatera, at unang nalathala noong 1820. Kasama ng piyesang "Rip Van Winkle", ang "The Legend of Sleepy Hollow" ay isa sa pinakamaagang mga halimbawa ng kathang-isip o piksiyong Amerikanong binabasa pa rin maghanggang sa kasalukuyan.

Ang Pagtugis ng Pugutang Mangangabayo kay Ichabod Crane (1858), iginuhit ni John Quidor. Isa itong paglalarawan ng isang eksena sa Ang Alamat ng Nakakaantok na Libis.

Nakatakda ang kuwento noong mga 1790 sa Olandes-Amerikanong maliit na pamayanan ng Bayan ng Tarry Town sa Bagong York, sa isang liblib na libis na Sleepy Hollow ("Nakakaantok na Libis") kung tawagin. Isinasalaysay nito ang kuwento hinggil kay Ichabod Crane, isang payat at napakamapamahiing pinuno ng paaralan mula sa Konektikut, na nakikipagkompetensiya kay Abraham "Brom Bones" Van Brunt, ang siga ng bayan, para sa kamay ng labingwalong taong gulang na dalagang si Katrina Van Tassel, ang anak na babae at nag-iisang anak ng mayamang magsasakang si Baltus Van Tassel. Nang papaalis na si Crane sa isang handaang dinaluhan niya sa tahanan ng mga Van Tassel sa isang gabi ng panahon ng taglagas, hinabol siya ng Pugutang Mangangabayo (Headless Horseman), na sinasabing ang multo ng isang kawal na Hesyano (Hessian) na napasabugan ng ulo ng isang ligaw na balang bola ng kanyon noong panahon ng isang hindi napangalanang labanan sa Amerikanong Digmaang Rebolusyonaryo. Palaging nangangabayo ang sundalong pugutang ito patungo sa pook ng labanan tuwing gabi upang hanapin ang kanyang ulo. Mahiwagang nawala mula sa bayan si Crane upang iwanan si Katrinang magpakasal kay Brom Bones. Napakaraming alam ni Brom Bones hinggil sa kuwentong naganap kay Crane. Bagaman iniwang bukas sa pagpapaliwanag ang kalikasan ng Pugutang Mangangabayo, ipinahihiwatig ng kuwentong si Brom Bones ang tunay na nagpanggap at gumanap bilang ang Pugutang Mangangabayo.[1][3][4]

Mga sanggunian

baguhin
  1. 1.0 1.1 Summary of The Legend of Sleepy Hollow Naka-arkibo 2009-01-30 sa Wayback Machine. ni Washington Irving, Reese.org
  2. The Legend of Sleepy Hollow Naka-arkibo 2008-12-05 sa Wayback Machine. ni Washington Irving, LitSum.com
  3. The Legend of Sleepy Hollow (Plot Summary), Answers.com
  4. Summary of the Legend of Sleepy Hollow, Plot Summary, TQNYC.org

Mga kawing panlabas

baguhin