Ang Simponiya ng Alpes

musikang orkestral ni Richard Strauss

Ang Simponiya ng Alpes (Aleman: Eine Alpensinfonie; Ingles: An Alpine Symphony) ay isang musikang orkestral na nilikha ng Aleman na kompositor na si Richard Strauss noong 1915. Isinulat ito para sa isang malaking orkestra na may humigit-kumulang 125 na mga musikero at ang pagtatanghal nito ay karaniwang tumatagal ng halos 50 minuto.[1] Inilalarawan ng akdang ito ang halos labing-isang[2] oras na karanasan sa pag-akyat sa bulubundukin ng Alpes, mula madaling-araw hanggang sa pagkagat ng dilim.

Ang bulubundukin ng Alpes na inspirasyon ng musikang Ang Simponiya ng Alpes ni Richard Strauss

Ang inspirasyon ni Strauss sa paglikha ng Eine Alpensinfonie ay nagmula sa naging karanasang niya sa pag-akyat sa Alpes noong bata pa siya. Kasama siya sa isang grupo na umakyat ng bundok sa Alpes kung saan sila naligaw at naabutan ng malakas na unos. Isang malaking impluwensiya rin sa Eine Alpensinfonie ang kanyang paniniwala sa pilosopiya ni Friedrich Nietzsche, na kilala sa katwirang maaabot ng tao ang "moral na paglilinis" sa pamamagitan ng sariling lakas o gawa.

Instrumentasyon

baguhin
 
Si Richard Strauss, ang kompositor ng Simponiya ng Alpes

Ang musika ng Simponiya ng Alpes ay itinatanghal ng isang malaking orkestra na binubuo ng sumusunod na mga instrumento:

Mga bahagi

baguhin

Ang Simponiya ng Alpes ay may 22 mga bahagi (tinutugtog nang sunod-sunod at walang pahinga) na inilalarawan ang karanasan sa pag-akyat sa Alpes mula madaling-araw hanggang sa pagkagat ng dilim:

Pamagat (sa wikang Aleman) Salin sa wikang Filipino Buod
Nacht Gabi Ang panimula ng akda; isang mahinang musika sa eskalang B♭ na inilalarawan ang madilim pang tanawin ng bulubunduking Alpes sa madaling-araw. Ito ay dahan-dahang lalakas at sisidhi sa tunog at emosyon.
Sonnenaufgang Bukang-liwayway Ang tugatog ng sidhi sa panimula ng akda; inilalarawan nito ang maringal na pagbubukang-liwayway, nang unang lumitaw ang sinag ng araw sa kabundukan.
Der Anstieg Ang Pag-akyat Isang musikang tila pangmartsa; inilalarawan ang simula ng pag-akyat ng manlalakbay sa bundok. Ito ay may kasamang musika na tutugtugin ng mga instrumentong brass sa likuran ng entablado, upang ilarawan ang ingay ng mga mangangaso mula sa malayo.
Eintritt in den Wald Pagpasok sa Kagubatan May biglang pagbabago sa eskala at damdamin ng musika, bilang paglarawan sa pagdating ng manlalakbay sa kagubatang bahagi ng bundok.
Wanderung neben dem Bache Pagala-gala sa Tabi ng Batis Inilalarawan nito ang paglalakbay sa tabi ng batis; ito ay mabilis na sisidhi habang papalapit ang manlalakbay sa talon.
Am Wasserfall Sa Talon Ang tugatog ng sidhi sa Wanderung neben dem Bache, bilang paglalarawan ng pagdating ng manlalakbay sa isang talon at ang tilamsik ng tubig nito.
Erscheinung Aparisyon Inilalarawan nito ang aparisyon ng isang animo'y diwata o engkantadang nakita ng manlalakbay sa gitna ng mga tumatalsik na tubig ng talon.
Auf blumigen Wiesen Sa Mga Mabulaklak na Parang Inilalarawan nito ang paglalakbay sa isang mabulaklak ng parang.
Auf der Alm Sa Bulubunduking Pastulan Inilalarawan nito ang pagdating ng manlalakbay sa isang pastulan sa bundok at ang ingay ng mga hayop at ng kanilang mga pastol.
Durch Dickicht und Gestrüpp auf Irrwegen Naligaw sa mga Kasukalan May kabilisan at silakbo ang bahaging ito, bilang paglalarawan ng pansamantalang pagkaligaw ng manlalakbay sa gitna ng mga kasukalan sa bundok.
Auf dem Gletscher Sa Ibawbaw ng Glasyar Biglang babagal at magiging madamdamin ang musika sa bahaging ito bilang tanda ng pagdating ng manlalakbay sa isang glasyar at ang mapanganib niyang pagtawid dito.
Gefahrvolle Augenblicke Mga Mapanganib na Sandali Matahimik ngunit puno ng silakbo ang bahaging ito, bilang paglalarawan sa patuloy na pagharap ng manlalakbay sa matinding panganib habang papalapit na siya sa tugatog ng bundok.
Auf dem Gipfel Sa Tugatog Narating ng manlalakbay ang tugatog ng bundok; ilalarawan ito sa pamamagitan ng madamdaming kasukdulan ng musika.
Vision Pangitain Biglang magbabago ang eskala at emosyon ng musika habang tanaw ng manlalakbay ang nakamamanghang tanawin sa tugatog ng bundok at papalapit at pakapal nang pakapal ang mga ulop sa paligid niya.
Nebel steigen auf Lumitaw ang Mga Ulop Tatahimik at mapupuno ng misteryo ang musika, bilang paglalarawan at tuluyang paglitaw ng mga ulop sa paligid ng bundok.
Die Sonne verdüstert sich allmählich Ang Araw ay Unti-unting Nakukubli Inilalarawan nito ang dahan-dahang pagdilim ng araw habang lumilitaw at kumakapal ang mga ulap sa langit.
Elegie Elehiya Bagama't mahina ang musika, ang tensyon (na may halong tila lungkot o pagluluksa) ay tumitindi sa bahaging ito.
Stille vor dem Sturm Katahimikan Bago ang Unos Ang bahaging ito ay sisimulan ng dagundong ng timpani, hudyat ng mahinang kulog mula sa isang malayo nganit papalapit nang unos. Sa gitna ng katahimikan, maririnig ang mahina at maiikling tunog ng woodwinds, hudyat ng mga mahihinang patak ng ulan at malayo pang kidlat. Biglang magsisimula ang pagsidhi ng musika at ingay ng percussion, hudyat ng mabilis na pagsama ng panahon habang lumalapit ang nagbabadyang unos.
Gewitter und Sturm, Abstieg Kidlat-Kulog at Unos, Ang Pagbaba Ang buong pwersa ng orkestra ay maririnig sa bahaging ito, bilang paglalarawan sa pagtama ng isang nagngangalit na unos at ang nagmamadaling pagbaba ng manlalakbay mula sa bundok. Magtutulong-tulong ang wind machine, bass drum, timpani, thundersheet, organo at iba pang mga instrumento upang ipamalas ang tindi ng unos. Pagkatapos ng isang maingay at nakatatakot na kasukdulan ng musika, ito ay mabilis na susundan ng isang tahimik at mabagal na musika na hudyat ng pagtatapos ng unos.
Sonnenuntergang Paglubog ng Araw Inilalarawan nito ang paglitaw ng papalubog nang araw sa paghupa ng unos.
Ausklang Hignaw (Ang Katapusan) Sa pamamagitan ng madamdaming musika, inilalarawan nito ang unti-unting pagdilim at pagtahimik ng paligid sa oras ng takipsilim, nang marating ng manlalakbay ang paanan ng bundok.
Nacht Gabi Muling mariring ang musika ng Nacht bilang pagtatapos ng buong akda, upang ilarawan ang bulubunduking Alpes na mababalot sa kadiliman ng gabi.

Mga sanggunian

baguhin
  1. Richard Strauss, Eine Alpensinfonie and Symphonia Domestica, Dover 0-486-27725-9 (New York: Dover Publications, 1993) (sa Ingles)
  2. "An Alpine Symphony", LA Phil; hinango noong 6 Disyembre 2020 (sa Ingles).