Ang Anima Christi ("Kaluluwa ni Kristo") ay isang sinaunang panalangin kay Hesus sa tradisyon ng Simbahang Katoliko. Ang pagkakasunud-sunod ng mga pangungusap sa Anima Christi ay may mayamang pagkakaugnay sa mga diwang Katoliko na umuugnay sa Banal na Eukaristiya (Katawan at Dugo ni Kristo), Pagbibinyag (tubig), at sa Pasyon ni Hesus (Banal na mga Sugat).[1] Dahil sa maling pinapatungkol na akda ito ni San Ignacio ng Loyola, na nagsama ng dasal na ito sa kanyang mga "Mga Pang-espiritung Pagsasanay," paminsan-minsan itong tinutukoy bilang ang "Mga Hangarin ni San Ignacio ng Loyola."

Kasaysayan

baguhin

Ang kilalang-kilalang Katolikong dasal na ito ay buhat pa sa kaagahan ng ika-14 daantaon at maaaring sinulat ni Papa Juan XXII, subalit ang tunay na may-akda ay nananatiling hindi natitiyak. Ang pamagat ng panalangin ay nagmula sa unang mga salitang nasa wikang Latin. Ang Anima Christi ay nangangahulugang "ang kaluluwa ni Kristo". Tanyag na napapaniwalaang ang Anima Christi ay inakdaan ni San Ignacio ng Loyola, dahil inilagay niya ito sa simula ng kanyang "Mga Pagsasanay na Pang-espiritu" at madalas na tumutukoy sa dasal na ito. Isa itong pagkakamali, na itinuturo ng maraming mga manunulat, dahil ang dasal ay natagpuan sa ilang bilang ng mga aklat ng panalangin na nalimbag noong kabataan pa ni San Ignacio at nasa mga manuskritong naisulat na isang daang taon bago pa man ang kanyang kapanganakan noong 1941. Natagpuan ito ni James Mearns, isang himnologong Ingles, sa isang manuskrito ng Museong Britaniko na nagmula sa bandang 1370. Sa aklatan ng Avignon, may isang napreserbang aklat ng panalangin ni Kardinal Peter De Luxembourg, na namatay noong 1387, na naglalaman ng Anima Christi na halos nasa anyo ng pangkasalukuyang anyo ng dasal na ito. Natagpuan din itong nakaukit sa isa sa mga tarangkahan ng Alcazar ng Sevilla, na nagpapanumbalik sa atin sa kapanahunan ni Don Pedro ang Malupit (1350-69). Napakabantog ng dasal at tanyag na tanyag noong panahon ni San Ignacio, na binanggit lamang ni San Ignacio sa unang edisyon ng kanyang "Mga Pagsasanay na Pang-espiritu", isang lantad na pagpapalagay na alam na ito ng taong nagsasanay o mambabasa. Sa sumunod na mga edisyon, buo ang pagkakalimbag ng dasal. Dahil sa pagpapalagay na ang lahat ng nilalaman ng aklat ay isinulat ni San Ignacio kung kaya't natanaw ang panalangin bilang akda niya.

Panitik ng dasal

baguhin
Tekstong Latin Salinwika sa Tagalog
Anima Christi, sanctifica me.
Corpus Christi, salva me.
Sanguis Christi, inebria me.
Aqua lateris Christi, lava me.
Passio Christi, conforta me.
O bone Jesu, exaudi me.
Intra tua vulnera absconde me.
Ne permittas me separari a te.
Ab hoste maligno defende me.
In hora mortis meae voca me.
Et iube me venire ad te,
Ut cum Sanctis tuis laudem te.
In saecula saeculorum.
Amen
Kaluluwa ni Kristo, gawin Mo akong banal.
Katawan ni Kristo, iligtas Mo ako.
Dugo ni Kristo, pasiglahin Mo ako.
Tubig mula sa gilid ni Kristo, hugasan Mo ako.
Pasyon ni Kristo, palakasin Mo ako.
O mabuting Hesus, dinggin Mo ako.
Sa loob ng mga sugat Mo ikubli Mo ako.
Huwag Mo hayaang mawalay ako sa piling Mo.
Ipagtanggol Mo ako mula sa mapag-imbot na kalaban.
Sa oras ng aking kamatayan tawagin Mo ako.
At anyayahan Mo akong pumunta sa Iyo,
Upang mapapurihan Kitang kasama ang mga santo Mo.
Magpasawalang-hanggan.
Siya nawa.

Mga sanggunian

baguhin