Antibiyotiko

(Idinirekta mula sa Antibiotiko)

Sa karaniwang gamit, ang antibiyotiko (Kastila: antibiótico; Ingles: antibioic, mula sa mga salita ng Matandang Griyegong ἀντί – anti, “laban":, at βίος – bios, “buhay”) ay isang sustansiya o kumpuwesto na pumapatay ng bakterya o umaampat ng kanilang paglago o pagkalat. Kasapi ang mga antibiyotiko sa malawak na pangkat ng mga kumpuwestong antimikrobyo, na ginagamit sa paggamot ng mga impeksiyong dulot ng mga mikroorganismo kasama rito ang mga amag fungi at protozoa. Sa payak na pananalita, ang antibayotiko ay ang gamot na panlaban sa impeksiyon.[1] Nakapipigil o nakapagpapahinto ito ng paglaki o nakapapatay ng mga bakterya. Nagmula o ginawa ang unang mga antibayotiko mula sa mga bagay na may buhay, katulad ng mga amag.[2]

Ang katagang “antibiyotiko” ay unang ginamit ni Selman Waksman noong 1942 upang ipaliwanag ang anumang sustansiyang gawa ng isang mikroorganismo na antagonistiko (galit) sa paglago ng ibang mikroorganismong malabnaw sa tapang. Sa orihinal na pagtatakdang ito hindi kasama ang mga likas na mga sustansiyang pumapatay ng bakterya na hindi gawa ng mga mikroorganismo (tulad ng katas gastriko (asidong gastriko) at agua oxinada) at di rin kasama rito ang mga sintetikong kumpuwestong antimikrobyo tulad mga mga sulfonamides. Marami sa mga antibiyotiko ay maliliit na molekula at may molekulang timbang na mababa sa 2000 Da.

Sa pagsulong ng kimikang pangmedisina, karamihan ng mga antibiyotiko ngayon ay mga semisintetiko – kimikong isiniayos mula sa orihinal na mga kumpuwesto mula sa kalikasan tulad ng beta-lactams (kasama rito ang mga penicillin, na gawa ng fungi genus Penicillium), ang mga cephalosporin, at mga carbapenem. Ang ilang antibiyotiko ay ginagawa at nagmumula sa organismong buhay tulad ng mga aminoglycoside, at iba pang ginawa sa sintetikong paraan: ang mga sulfonamides, ang mga quinolone, at mga oxazolidinone. Kasama sa pagpapangkat nito na naayon sa pinanggalinan nito - natural, semisintetiko at sintetiko, maaaring hatiin sa dalawang malawak na pangkat ang mga antibiyotiko ayon sa kanilang bisa sa mikroorganismo: yaong pumapatay ng mga bakterya ay mga ahenteng bakterisidal o bactericidal agent (mga bakterisidyo) habang ang mga umaampat sa paglago o pagkalat ng mga bakterya ay kilala bilang mga bakteryostatiko o bacteriostatic agent (mga bakteryostatiko).

Mga sanggunian

baguhin
  1. Gaboy, Luciano L. Antibiotic, antibayotiko - Gabby's Dictionary: Praktikal na Talahuluganang Ingles-Filipino ni Gabby/Gabby's Practical English-Filipino Dictionary, GabbyDictionary.com.
  2. "Antibiotic, Some Medical Terms, Diseases". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. 1977.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link), pahina 206.