Antonio Vivaldi
Si Antonio Lucio Vivaldi - pagbigkas sa wikang Italyano: [anˈtɔːnjo ˈluːtʃo viˈvaldi] - (4 Marso 1678 – 28 Hulyo 1741), na may palayaw na il Prete Rosso ("Ang Pulang Pari") dahil sa kaniyang pulang buhok, ay isang Italyanong kompositor ng musikang Baroque, paring Katoliko, at biyolinistang birtuoso, na ipinanganak sa Venice. Kinikilala bilang isa sa pinakamahusay na mga kompositor ng tugtuging Baroque, laganap sa Europa ang kaniyang impluwensiya noong panahon ng kaniyang buhay. Pangunahing nakikilala si Vivaldi dahil sa paglikha ng mga konsiyertong pang-instrumento lamang, natatangi na ang para sa biyolin, pati na mga akdang pangkorong banal at mahigit sa apatnapung mga opera. Ang kaniyang pinakakilalang akda ay ang isang magkakasunud-sunod na mga konsiyertong pambiyolin na tinawag na Ang Apat ng mga Panahon. Pinaniniwalaan na siya ang imbentor ng pormang tinatawag na ritornello. Bawat isa sa mga konsiyerto o concerto ay naglalaran ng isang panahon: Tagsibol, Tag-init, Taglagas, at Taglamig. Napakatanyag niya dahil sa mga kumposisyong na para sa plautang piccolo, katulad halimbawa ng Il gardellino.
Marami sa kaniyang mga kumposisyon ang isinulat para sa pangkat ng mga manunugtog na pambabae ng Ospedale della Pietà, isang tahanan para sa mga batang inulila kung saan naghanapbuhay si Vivaldi magmula 1703 magpahanggang 1715 at mula 1723 hanggang 1740. Nagkaroon din si Vivaldi ng ilang pananagumpay sa pagtatanghal ng kaniyang mga opera sa Venice, Mantua at Vienna. Pagkaraang makatagpo si Emperador Charles VI, lumipat si Vivaldi sa Vienna, na umaasa ng pagkakataas o pag-asenso. Ang Emperador ay namatay pagdaka pagkaraan ng pagdating ni Vivaldi.
Bagaman ang tugtugin ni Vivaldi ay naging katanggap-tanggap ng mga tao noong siya ay nabubuhay, bumaba paglaon ang katanyagan nito hanggang sa naging masigla ang panunumbalik nito noong unang hati ng ika-20 daantaon. Sa ngayon, nakahanay si Vivaldi sa piling ng pinakabantog at malawakang nirerekord na mga kumpositor ng musikang Baroque.
Mga sanggunian
baguhin
Ang lathalaing ito na tungkol sa Talambuhay, Musika at Italya ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.