Tungkol ito sa isang bahagi ng pananalita, para sa elementong may sagisag na "At", pumunta sa Astatino.

Ang at[1] - pinapaikling 't [2] kapag kasunod ng isang patinig, karaniwang a, tulad ng sa iba't-ibang - ay isang bahagi ng pananalita na nagsasama, naglalakip, nagpipisan o pang-ugnay ng mga salita, mga parirala, at mga buong pangungusap na may magkaparehong palaugnayan. Kaugnay ito o katumbas din ng mga salitang saka at pati. Sa Ingles, katumbas ito ng salitang and (bigkas: /end/).[2] Sa Kastila, katumbas ito ng paggamit ng y bilang pang-ugnay, na hiniram at ginagamit lamang sa wikang Tagalog para sa oras (halimbawa: sa pariralang "ala-siyete y medya" o ikapito at talumpung minuto [ikapito at kalahati]) at bilang isang pang-ugnay ng mga panggitnang pangalan ng mga tao (halimbawa: Jose Rizal y Mercado). Sa ganitong mga paggamit, binibigkas na /i/ ang y, katulad ng sa salitang ilapit. Hinggil sa kaugnayan sa saka at pati, isang halimbawang paggamit ang pagsasama ng at at saka na nagiging at saka na nangangahulugang "bilang dagdag sa", "bilang karagdagan", o "gayon din ang". Bagaman maaari rin namang mangahulugang dagdag o bilang dagdag ang salitang saka kaya't nagagamit ding pamalit sa salitang at. Katumbas ang saka ng Ingles na also. Sa pangkatagalugang gamit, nagiging 't ang at kapag pinaiikli.[2]

Ginagamit din ito sa pariralang at iba pa na nangangahulugang "at ang mga natitira pa", "at marami pang ibang katulad" o "at marami pang ibang mga halimbawa". Bilang daglat, isinusulat itong atbp, atbp., atb, atb., at sa hindi kadalasang ibp o ibp.[3] (para sa pakahulugang "ib(a) p(a)". Sa Ingles, katumbas ang at iba pa ng etcetera (dinadaglat bilang etc. o etc na nagmula sa wikang Pranses na et cetera.[1] Ikinakabit din ito sa mga salitang baka (nangangahulugang "maaari"), nang, at baga. Katumbas sa Ingles ang at baka ng lest katulad ng paggamit sa mga halimbawang pariralang "at baka sakaling"; ang at nang na katumbas ng so that sa Ingles, tulad ng sa pariralang "at nang sa gayon"; at ang at baga naman (o at bagaman) na katumbas ng although sa Ingles.[2]

Ang Ingles na at

baguhin

Mga paggamit sa balarila at pangungusap na pang-Tagalog ang mga unang nabanggit, subalit mayroon talagang salitang at din sa wikang Ingles, at may pagkakaiba ito sa gawi at panuntunang paggamit. Bilang salitang Ingles o sa mga pangungusap na nasa Ingles, nagpapahiwatig o nagtuturo ng lokasyon o pook na kinaroroonan ng isang bagay o tao ang salitang banyagang at. Katumbas ng salitang nasa ang Ingles na at na katumbas din o kaugnay ng mga salitang Ingles na is there (naroon sa) at on ([nasa] ibabaw o sa ibabaw [ng]). Katulad din ito ng salitang sa ng Tagalog na tumutukoy din sa kinaroroonan, kinalalagyan, pinaglalagakan ng mga bagay. Sa Ingles, katumbas ang Tagalog na sa ang Ingles na at, in, on, into, at through.[4] Katumbas ding Ingles na at ang kay ng wikang Tagalog. Sa Tagalog, ipinapalit naman ang salitang kay para sa salitang sa kung pangalan ng tao ang tinutukoy na kinaroroonan ng bagay. Sa madaling sabi, kapag ginagamit ang pangalan ng taong kinaroroonan ng bagay. Katumbas ang kay, na tumutukoy sa lokasyon, ng mga salitang to, with, at, at for ng Ingles.[4] Sa Ingles, sumasagisag ang simbolong @ (tinatawag na at sign sa Ingles; isang sagisag o panitik na katumbas ng sa sa Tagalog) para sa Ingles na at. Katumbas ng katagang at sign ng Ingles ang pariralang "sagisag ng sa" ng Tagalog.

Mga sanggunian

baguhin
  1. 1.0 1.1 English, Leo James (1977). "At, at iba pa, atbp". Tagalog-English Dictionary (sa wikang Ingles). Congregation of the Most Holy Redeemer. ISBN 9710810731.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. 2.0 2.1 2.2 2.3 "At", "'t" (Tagalog) at and (Ingles) Naka-arkibo 2016-03-06 sa Wayback Machine., Tagalog English Dictionary, Bansa.org
  3. "ibp" Naka-arkibo 2016-03-06 sa Wayback Machine., ginagamit sa Tagalog English Dictionary ng Bansa.org ang "ibp" sa halip na "atbp."
  4. 4.0 4.1 "At", bilang salitang Ingles at paggamit sa wikang Ingles, katumbas sa Tagalog ng sa, nasa, kay, at katulad Naka-arkibo 2016-03-06 sa Wayback Machine., Tagalog English Dictionary, Bansa.org

   Ang lathalaing ito na tungkol sa Balarila at Panitikan ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.