Bisperas ng Pasko ng Pagkabuhay
Ang Bisperas ng Pasko ng Pagkabuhay, na tinatawag ring Bisperas ng Paskuwa o ang Magdamagang Pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay, ay isang maringal na seremonyang nakagawian na ng mga Kristiyano sa mga simbahan bilang unang opisyal na pagdiriwang ng muling pagkabuhay ng Panginoong Hesukristo. Ito ang gabi na ang mga bibinyagan (bata man o may sapat na gulang) tinatanggap nang buong ganap sa ating Simbahan. Ang oras ng pagdiriwang ay kalimitian sa oras ng kadiliman sa pagitan ng paglubog ng araw sa Sabado de Gloria at pagka-bukang-liwayway sa Pasko ng Pagkabuhay - pinaka-karaniwang sa gabi ng Sabado de Gloria o hatinggabi - at ito ang unang pagdiriwang ng Pagkabuhay, ang mga araw ay tradisyonal na itinuturing na nagsisimula sa paglubog ng araw.
Magdamagang Pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay
baguhinSa tradisyon ng Simbahang Katoliko Romano, ang Magdamagang Pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay ay binubuo ng apat na bahagi[1] [2]:
- Pagpaparangal sa Ilaw
- Pagpapahayag ng Salita ng Diyos
- Pagdiriwang ng Binyag at ang Pagsasariwa ng mga Pangako sa Binyag
- Liturhiya ng Eukaristiya[3]
Pagpaparangal sa Ilaw
baguhinMagsisimula ang Magdamagang Pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay sa Pagpaparangal sa Ilaw. Gagawin ito sa isang lugar sa labas ng simbahan, hangga’t maaari sa lugar na kung saan makakapagprusisyon nang may bahagyang kahabaan ang mga tao. Sisindihan ang isang apoy at mula sa apoy nito ay sisindihan ang Kandilang Pampaskwa o Cirio Pascual. Sa paghahanda ng apoy na ito, tandaan na hindi ito palabas kung kaya’t hindi kailangang gumamit ng pyrotechnics o ng karaniwang ginagamit na ‘bulalakaw.’ Naibabaling kasi sa mga ito ang pansin ng lahat sa halip na sa Cirio Pascual na sa panahon ng Pasko ng Pagkabuhay ay tanda ng Panginoong Muling Nabuhay. Maaaring hindi kailangang malaki ang apoy kung hindi ito magaganap sa isang malawak na pook sa simbahan. Babasbasan ng pari ang apoy:
Ama naming makapangyarihan, sa pamamagitan ng iyong Anak kami’y iyong dinulutan ng ningas ng iyong kaliwanagan. Ang bagong ningas na ito ay iyong gawing banal + at ipagkaloob mong kami’y pagningasin nitong aming pagdiriwang upang makasapit kaming may dalisay na kalooban sa walang maliw na kaliwanagan sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.
Ihahanda ng tagapamuno ang Kandila ng Pagkabuhay. Sa paglalagay ng mga tanda sa Kandila, gumamit ng espesyal na stylus o panulat (tandaan na ang ginagamit sa liturhiya ay hindi dapat basta-basta.) Pagkatapos ihanda, ito ay sisindihan at iinsensuhan (ang uling ay sisindihan sa parehong apoy). Ang apoy ay hahayaan hanggang sa ito ay maubos (hindi maaaring sadyang patayin sapagkat ito’y binasbasan).
Itataas ng diakono o ng tagapamuno ang Kandila ng Pampaskwa habang sinasabi ang:
Tayo nang magbigay-dangal
kay Hesus na ating ilaw
sa diwa nati’t isipan.
Si Hesukristo’y nabuhay
S’ya’y ating kaliwanagan.
Tutugon naman ang bayan:
Salamat po, Poong banal,
sa ilaw na iyong bigay
upang kami ay tanglawan.
Si Hesukristo’y nabuhay
S’ya’y ating kaliwanagan.
Lalakad ang lahat, na pinangungunahan ng Cirio Pascual na dala ng diakono o ng pari. Pagsapit sa pintuan ng simbahan, itataas muli ng diakono o tagapamuno ang Kandila habang sinasabi ang nakasaad sa Aklat na tutugunan naman ng mga tao, gaya ng nasa itaas. Sisindihan ng lahat ang kani-kanilang kandila mula sa apoy ng Kandila ng Pagkabuhay. Magsisipasok ang lahat sa simbahan. Lalakad ang diakono o tagapamuno patungo sa dambana. Dito, itataas muli ang Kandila at magsasagutan. Sa tradisyon ng Simbahang Romano, sa ikatlong paanyayang ito sinisindihan ang lahat ng ilaw ng simbahan. Subalit para sa mga Pilipino nakagawian nang patay ang ilaw hanggang sa pag-aawit ng Luwalhati sa Diyos, sapagkat ayon sa matandang nakasanayan, hindi pa magliliwanag habang Lumang Tipan pa ang binabasa – yamang wala pa si Kristo. Ang Kandila ng Pagkabuhay ang tanda ni Kristong muling nabuhay.
Ilalagay ang Kandilang ito malapit sa Hapag ng Salita (ambo), at ang liwanag nitong kandilang ito ang magsisilbing ilaw para pagnilayan ang Salita ng Diyos. Maaaring insensuhan ang Kandila. Sa buong panahon ng Pagkabuhay, itong kandilang ito lamang ang tatabi sa Hapag ng Salita (walang mga lingkod na may dalang ceriales). Ipahahayag ang Exultet (Pagpupuri sa Kandilang Pampaskwa). Kapag may diakono, hihingi siya ng pagbabasbas mula sa pari. Hindi kinakailangang gawin ito kung ang pagpapahayag na ngayo’y Pasko ng Pagkabuhay ay gagampanan ng hindi naman diyakono. Ang aklat at ang kandila ay iinsensuhan. Ang diyakono o ang pari, kapag walang diyakono, ay aawit ng paghahayag ng Pasko ng Pagkabuhay mula sa mataas na dako para sa pagbasa o mula sa pulpito. Lahat ay tatayo na may tangang kandila.
Ang pagpapahayag na ngayo’y Pasko ng Pagkabuhay ay maaaring gawin sa mahaba o maikling paraan. Ang mga Panayam ng mga Obispo ay maaaring magpasya tungkol sa pagkakaroon ng mga pagbubunyi para sa mga tao. Matapos ang Exultet, papatayin ng lahat ang kanilang dalang kandila at magsisiupo.
Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos
baguhinAng Pagbasa ng Salita ng Diyos sa gabing ito ay alaala ng sinaunang gawain na magninilay sa Salita ng Diyos hangga’t kaya ng oras. Mayroong siyam na pagbasa na nagbabaliktanaw sa kasaysayan ng kaligtasan, una kaligtasan para sa bayan ng Israel, hanggang sa para sa Simbahan, at para sa bawat Kristiyano – sa pamamagitan ng tinanggap at/o tatatanggaping binyag. Ang bilang ng mga pagbasa buhat sa Matandang Tipan ay maaaring bawasan alinsunod sa kaayusang makabubuti sa pamumuhay kristiyano ng mga nagsisimba, subalit dapat ay huwag kalimutang ang pagbasa ng Salita ng Diyos ay pangunahing sangkap nitong Magdamagang Pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay. Tatlo man lamang sanang pagbasa mula sa Matandang Tipan ay ipahayag bagama't kung may mabigat na dahilan, maaari rin namang ito’y maging dalawa. Ang pagbasa mula sa ika-14 na kabanata ng Exodo ay hindi dapat kaligtaan.
Sa unang pagbasa, matutunghayan ang kuwento ng paglikha, ang unang yugto ng kaligtasan. Sa ikalawang pagbasa, maririnig ang kuwento ng pag-aalay ni Abraham ng kanyang anak na si Isaac – kuwentong kahalintulad ng pag-aalay ng Anak ng Diyos ng kanyang sarili para sa sangkatauhan. Sa ikatlong pagbasa, hahawiin ng Diyos ang dagat para sa bayang Israel, nang makatawid sila at maligtas mula sa kamay ng mga Ehipto. Sa ikaapat na pagbasa, inangkin ng Diyos na parang asawa ang bayang hinirang niya at pinangakuang iibigin nang walang hanggan. Sa ikalimang pagbasa, ibinibigay ng Diyos ang kanyang pagpapala, at inaanyahahan ang mga nauuhaw at nagugutom na tanggapin ito mula sa kanya. Sa ika-anim na pagbasa, ipinagkakaloob ng Diyos ang kanyang Karunungan, ang Salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Sa ikapitong pagbasa, ipinangangako ng Panginoon ang bagong buhay sa kanyang bayan na kanyang pagpapanibaguhin at lilinisin at pagkakalooban ng bagong puso at ng Espiritu upang mamuhay para sa kanya. Sa bawat pagbasa, may kasunod na Salmong Tugunan at panalangin. Mas mainam ang pagdiriwang kung ang mga Salmong ito ay aawitin. Ang mga ihahaliling awit ay dapat halaw sa Salmo na nasa Aklat ng Salita ng Diyos o Leksyunaryo.
Sa pagitan ng panalangin sa ikapitong pagbasa at ang Panalanging Pambungad na ipinapahayag ng tagapamuno, aawitin ang Papuri sa Diyos. Sa nakagawian sa Pilipinas, sa puntong ito sisindihan ang lahat ng ilaw sa simbahan at magagayakan ang dambana.
Pagkatapos ng Panalanging Pambungad ay ang ikawalong pagbasa. Sa ikawalong pagbasa na sulat ni San Pablo sa mga taga-Roma, nararanasan ng Kristiyano ang kaligtasan sa binyag na kung saan namatay siya sa kasalanan at nabuhay muli kasama ni Kristo. Pagkabasa ng sulat, lahat ay tatayo at maringal na pasisimulan ng pari ang pag-awit ng Aleluya na uulitin naman ng lahat ng nagsisimba. Ipahahayag ng taga-awit ang salmo at sa bawa't taludtod ang lahat ay sasagot ng Aleluya. Kung kinakailangan, maari rin namang ang taga-awit na ito ang siyang magpasimula sa Aleluya.
Maaaring gumamit ng insenso sa pagpapahayag ng Mabuting Balita, subalit hindi na dapat dalhin ang mga kandila.
lsusunod naman ang homiliya. Pagkatapos nito ay pasisimulan ang pagdiriwang ng binyag, kung may mga bibinyagan.
Ang Pagdiriwang ng Binyag
baguhinNapakahalaga ng Binyag sa pagdiriwang na ito dahil dito ipinakikita ang isang bagong buhay na hatid ng muling pagkabuhay ng Panginoon. Maaaring binyagan ang mga sanggol sa gabing ito, ngunit higit na makahulugan ang pagbibinyag sa mga may gulang na. Ang mga inihahanda sa binyag ay hinubog sa loob ng apatnapung araw simula noong Miyerkules ng Abo. Nakiisa sila sa paghihirap, kamatayan at muling pagkabuhay ng Panginoon sa Binyag. Sa gabing ito, tanda ng pakikiisa kay Kristo, tatlong sakramento ang matatanggap ng mga binyagang nasa sapat ng gulang: ang binyag, kumpil at unang pakikinabang.
Ang lugar ng Pabinyagan o Pila Bautsimal ay dapat ihanda. Sa bawat simbahan ng parokya, napakahalaga ng lugar ng pabinyagan dahil ito ang sinapupunan ng Simbahan na kung saan ipinapanganak ang mga bagong silang na kasapi nito. Ang kaanyuan ng Pabinyagan ay may kagandahan na nararapat sa kahulugan at kahalagahan ng Sakramento. Kung ang Pabinyagan ay hindi pa nababasbasan, ang mainam ang gabing ito upang gawin ang pagbabasbas.
Ang tubig pambinyag ay babasbasan sa gabing ito na siya namang gagamitin sa pagbibinyag 'di lamang sa gabing ito kundi sa buong Pasko ng Pagkabuhay. Iba ito sa agua bendita na pambabasbas ng mga imahen, bahay, at iba pa. Ito ay tubig na para lamang sa Binyag. May bibinyagan man o wala, dapat magkaroon ng pagbabasbas ng tubig ng binyag.
Kung walang Pila Bautismal at wala rin namang bibinyagan, lalaktawan ang bahaging ito at dadako na sa Pagbabasbas sa Tubig.
Ang Litanya ng mga Banal ay aawitin kung may bibinyagan. Maidaragdag ang mga tagapatangkilik ng naturang pook, simbahan, ng mga binyagan, o kahit anong mga Santo; subalit hindi maaring magdagdag ng mga banal na tao na hindi pa idinedeklara ng Roma bilang mga Santo.
Bilang tanda ng ating pakikiisa sa misteryo ng Paskuwa ng Panginoon na ating natanggap noong tayo ay bininyagan, sinasariwa natin ang pangako natin sa Binyag: ang pagtalikod sa kasalanan at kasamaan at ang pagpapahayag ng pananampalataya sa Banal na Santatlo. Ang pagwiwisik ng tubig ng binyag ay gagawin din paalala ng ating binyag.
Sa Panalangin ng Bayan, ipapanalangin ang Simbahan, kaligtasan ng mundo, mga may tanging pangangailangan, ang pamayanan at ang mga bagong binyagan. Kasama dapat sa buong Panahon ng Pasko ng Pagkabuhay ang luhog para sa mga bagong binyagan.
Ang Pagdiriwang ng Eukaristiya
baguhinAng Eukaristiya ay ang nakaliligtas na paghahain at pag-alala sa pagpapakasakit at muling pagkabuhay ni Kristo kung saan tayo'y lubusang tinubos at binuksan ang langit para sa lahat. Katulad ng sa Huwebes Santo, hindi dapat madaliin ang mga mahahalagang kilos ng Eukaristiya – ang pagtanggap, pagpapasalamat, paghahati-hati at pagbibigay (take, give thanks, broke and give). Gagamitin ang una o ang ikatlong Panalangin ng Pagpupuri’t Pasasalamat (Eucharistic Prayer) sa halip na pangkaraniwang ginagamit na ikalawa. Maganda rin na magkaroon ng paliwanag sa mga bahagi nito para sa bagong binyagan.
Maaring anyayahan ang mga bagong binyagan na ihandog ang tinapay at alak sa paghahandog ng mga alay.
Kung gagamitin man ang Unang Panalangin ng Papuri at Pasasalamat, may natatanging Communicantes (Kaisa ng buong Simbahan) at Hanc Igitur (Ama namin, iyong tanggapin).
Sa paghahati ng tinapay at sa paganyaya sa pakikinabang, maaring banggitin ng paring tagapamuno pagkatapos ng “Ito ang Kordero ng Diyos…” ang ilang pananalita ng pagpapaliwanag para sa mga bagong binyagan, na tatanggap ng unang pakikinabang, ang kahalagahan ng pagtanggap sa Katawan ni Kristo.
Ang Maringal na Pagbabasbas at Paghayo
baguhinMay nauukol na Maringal na Pagbabasbas para sa gabing ito. Ito'y pinakamainam na gamitin at huwag sanang lalaktawan. Isinasamo ng pari sa Diyos na pagpalain ang bayan pakundangan sa Muling Pagkabuhay ng kaniyang Anak, ipagkaloob ang kagalingan at kaligtasan, at igawad ang kaligayahang walang hanggan sa kalangitan.
Sa paghayo, idinaragdag nang dalawang ulit ang "Aleluya", gayundin sa tugon ng sambayanan. Ang pag-uulit ng "Aleluya" ay ginaganap sa Walong Araw na Pagdiriwang ng Muling Pagkabuhay.
Mga sanggunian
baguhin- ↑ Aklat ng Pagmimisa sa Roma, Ikalawang Siping Huwaran, 1981
- ↑ Misal para sa Banal na Triduo Ang Tatlong Araw na Pagdiriwang ng Pagpapakasakit at Pagkabuhay ng Panginoon, Batay sa Missale Romanum Editio Tertia Typica, Msgr. Andres S. Valera, HP, SLL, 2013.
- ↑ Liturgy for the People: Christus Anesti, Alithos Anesti: Magdamagang Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay