Kalapagang panlupalop
Ang kalapagang panlupalop (Ingles: continental shelf) ay ang kalupaan sa ilalim ng dagat na karugtong ng isang lupalop, na nagdudulot ng may kababawang karagatan na tinatawag na dagat kalapagan. Lumitaw ang karamihan sa mga kalapagan noong mga panahong glasyal at panahong interglasyal. Tinatawag na kalapagang insular ang kalapagang nakapaligid sa isang pulo.
Ang marheng panlupalop, sa pagitan ng kalapagang panlupalop at ng kapatagang abisal, na binubuo ng isang matarik na dalisdis panlupalop, na pinapalibutan ng mga patag na angat ng lupalop, kung saan bumubuhos pababa sa dalisdis ang sedimento mula sa lupalop sa itaas at naiipon bilang isang bunton ng sedimento sa ibaba ng dalisdis. Lumalawak ng hanggang 500 km (310 mi) mula sa dalisdis, binubuo ito ng mga makapal na sedimentong dineposito sa pamamagitan ng mga agos turbiyedad mula sa kalapagan at dalisdis.[1][2] Intermedyo ang pagkahilig ng angat panlupalop sa pagitan ng mga pagkahilig ng dalisdis at kalapagan.
Sa ilalim ng Kumbensiyon ukol sa Batas ng Dagat ng Mga Nagkakaisang Bansa, binigyan ng legal na kahulugan ang kalapagang panlupalop bilang bahagi ng lalim ng dagat na karatig ng baybayin ng isang partikular na bansang nagmamay-ari dito.
Topograpiya
baguhinKadalasang nagtatapos ang kalapagan sa isang punto ng tumataas na dalisdis[3] (tinatawag na tigil ng kalapagan). Ang sahig ng dagat sa ibaba ng tigil ay ang dalisdis panlupalop.[4] Sa ibaba ng dalisdis ay ang angat panlupalop, na sumasanib sa huli sa malalim na sahig ng karagatan, ang kapatagang abisal.[5] Bahagi ng marheng panlupalop ang kalapagang panlupalop at ang dalisdis.[6]
Karaniwang nahahati ang lugar ng kalapagan sa panloob na kalapagang panlupalop, gitnang kalapagang panlupalop, at panlabas na kalapagang panlupalop,[7] na mayroon ang bawat isa ng partikular na heomorpolohiya[8][9] at biyolohiyang pandagat.[10]
Kapansin-pansing nagbabago ang katangian ng kalapagan sa tigil nito, kung saan nagsisimula ang dalisdis panlupalop. Maliban sa iilang eksepsiyon, matatagpuan ang tigil ng kalapagan sa isang kapansin-pansing pare-parehong lalim ng halos 140 m (460 tal); malamang na tanda ito ng mga nakaraang panahong yelo, nang mas mababa ang antas ng dagat kaysa sa ngayon.[11]
Mas matarik ang dalisdis panlupalop kaysa sa kalapagan; ang katamtamang anggulo ay 3°, subalit maari ito kasing baba ng 1° o kasing taas ng 10°.[12][11] Kadalasang napuputol ang dalisdis ng mga kanyong submarino. Hindi maunawaan ang pisikal na mekanismo kinakasangkutan sa pagbuo ng mga kanyong ito hanggang noong dekada 1960.[13][14]
Mga sanggunian
baguhin- ↑ Pinet 2003, p. 39.
- ↑ Gross 1972, p. 45.
- ↑ Encyclopædia Britannica.
- ↑ Jackson 1997, "Continental slope".
- ↑ Jackson 1997, "Continental rise".
- ↑ Jackson 1997, "Continental margin".
- ↑ Atkinson et al. 1983.
- ↑ Wellner, Heroy & Anderson 2006.
- ↑ Figueiredo et al. 2016.
- ↑ Muelbert et al. 2008.
- ↑ 11.0 11.1 Gross 1972, p. 43.
- ↑ Pinet 2003, p. 36.
- ↑ Pinet 2003, p. 98.
- ↑ Gross 1972, p. 44.