Das Rheingold
Mukhang kailangan pong ayusin ang artikulo na ito upang umayon ito sa pamantayan ng kalidad ng Wikipedia. (Oktubre 2023)
Makakatulong po kayo sa pagpapaunlad sa nilalaman po nito. Binigay na dahilan: Kailangan ayusin ang balarila, pakakasulat at ayusina ang pagsasalin ng banyagang salita tulad ng music. |
Ang Das Rheingold (Ang Rhinegold), WWV 86A, ay ang una sa apat na musikal na drama na bumubuo sa Der Ring des Nibelungen (Ang Singsing ng Nibelung) ni Richard Wagner. Ito ay itinanghal, bilang isang nag-iisang opera, sa National Theater Munich noong 22 Setyembre 1869. Naganap naman ang unang pagtatanghal nito bilang bahagi ng siklong Singsing sa Bayreuth Festspielhaus noong 13 Agosto 1876.
Isinulat ni Wagner ang mga libretto ng Singsing nang pabaliktad, kaya ang Das Rheingold ang huling isinulat na teksto; gayunpaman, ito ang una niyang nilagyan ng musika. Nakumpleto ang score o marka nito noong 1854, ngunit ayaw ni Wagner na maitanghal ito hangga't hindi pa niya nakukumpleto ang buong siklo; pasulput-sulpot niyang ginawa ang musika hanggang 1874. Labag sa kagustuhan ni Wagner, ang premiere o unang pagtatanghal ng Das Rheingold ay ginanap sa utos ng kanyang patron na si Haring Ludwig II ng Bavaria. Kasunod ng premiere nito noong 1876 sa Bayreuth, ang siklong Singsing ay naging tanyag sa buong mundo, at may mga pagtatanghal nito sa lahat ng mga pangunahing tanghalan ng opera, kung saan ito ay nanatiling isang regular at sikat na palabas.
Sa kanyang sanaysay na Opera at Drama (1851), si Wagner ay nagtakda ng mga bagong prinsipyo ng paggawa ng mga musikal na drama, kung saan ang mga kumbensyonal na elemento ng opera (mga aria, ensemble, at koro) ay hindi ginamit. Sa halip na umasa sa mga salita, ang musika ang magbibigay ng emosyonal na pagpapakahulugan sa teksto, at ipapakita nito ang mga damdamin sa likod ng obra, sa pamamagitan ng paggamit ng isang sistema ng mga leitmotif, o tema na ginagamit nang paulit-ulit, upang kumatawan sa mga tao, ideya at sitwasyon. Ang Das Rheingold ang unang akda ni Wagner na nagpatibay ng mga prinsipyong ito, at ito rin ang kanyang pinakamahigpit na pagsunod sa mga ito, sa kabila ng ilang mga pagkakataon na hindi niya ito sinunod – ang mga Rhinemaiden ay madalas na kumakanta bilang isang ensemble o grupo.
Bilang "paunang gabi" ng siklo, binibigyan ng Das Rheingold ang konteksto sa mga kaganapang pinagmulan ng mga pangunahing drama ng siklo. Isinalaysay nito ang pagnanakaw ni Alberich ng ginto ng Rhine pagkatapos ng kanyang pagtalikod sa pag-ibig; ang kanyang paggawa ng pinakamakapangyarihang singsing mula sa ginto at ang kanyang pagkaalipin sa mga Nibelung; ang pag-agaw ni Wotan ng ginto at singsing upang bayaran ang kanyang utang sa mga higanteng nagtayo ng kanyang kuta na Valhalla; ang sumpa ni Alberich sa singsing at sa mga nagmamay-ari nito; ang babala ni Erda kay Wotan na talikuran ang singsing; ang simula ng pagpapakita ng kapangyarihan ng sumpa pagkatapos ibigay ni Wotan ang singsing sa mga higante; at ang nag-aatubiling pagpasok ng mga diyos sa Valhalla sa ilalim ng banta ng kanilang nalalapit na kapahamakan.
Konteksto
baguhinBalangkas ng siklong Singsing
- Das Rheingold
- Die Walküre
- Siegfried
- Götterdämmerung
Nang matapos niya ang operang Lohengrin noong Abril 1848, pinili ni Richard Wagner si Siegfried, isang bayani mula sa mitolohiyang Germaniko, bilang kanyang susunod na pokus.[1] Noong Oktubre ng taong iyon, gumawa siya ng burador para sa Siegfried’s Death (Kamatayan ni Siegfried), at sa mga sumusunod na buwan ay naging kumpletong libretto na ito.[2] Pagkatapos ng kanyang pag-alis mula sa Dresden at paglipat sa Switzerland, patuloy niyang pinabuti at pinalawak ang saklaw ng kanyang proyekto. Nang mapasya niya na hindi kayang ilagay sa iisang gawa lamang ang kanyang mga plano, sa kanyang pinalaking konsepto, ang Kamatayan ni Siegfried ay magiging kasukdulan ng isang serye ng musikal na drama na sumasaklaw sa koleksyon ng mga alamat mula sa kanyang mga sanggunian at imahinasyon, at bawat parte ay magkukwento ng isang bahagi ng istorya. Sa 1851, binahagi niya ang kanyang plano sa kanyang sanaysay na “A Communication to My Friends” (“Isang Mensahe sa Aking Mga Kaibigan”): “Mungkahi kong ilahad ang aking alamat sa pamamagitan ng tatlong drama na pinangungunahan ng isang mahabang pambungad (Vorspiel).”[3] Ang bawat drama raw ay isang nagsasariling gawa, pero hindi sila itatanghal nang magkakahiwalay. “Sa isang Festival, mungkahi ko, sa hinaharap, na ilahad ang tatlong drama kasama ang pambungad sa loob ng tatlong araw at isang paunang gabi.”[3]
Alinsunod sa planong ito, ang Kamatayan ni Siegfried, na sumailalim sa maraming pagbabago, ay naging Götterdämmerung (Pagbagsak ng mga Diyos). Ito ang sumunod sa kwento ng kabataan ni Siegfried, Young Siegfried (Ang Batang Siegfried), na kalaunan ay pinamagatang Siegfried, na sumunod sa kwentong Die Walküre (Ang Valkyrie). Sa wakas, sa tatlong obrang ito ay nagdagdag si Wagner ng isang prologue na pinamagatang Das Rheingold.[4]
Mga tauhan
baguhinTauhan | Deskripsyon[5] | Uri ng boses[6] | Tagaganap sa premiere sa Munich[7] Konduktor: Franz Wüllner[8] |
Tagaganap sa premiere ng kumpletong siklo[7] Konduktor: Hans Richter[8] |
---|---|---|---|---|
Mga diyos | ||||
Wotan | Diyos ng labanan at ng mga kontrata, pinuno ng mga diyos | bass-baritone | Agosto Kindermann | Franz Betz |
Loge | Kalahating diyos ng apoy, ang matalinong pangunahing utusan ni Wotan | tenor | Heinrich Vogl | Heinrich Vogl |
Fricka | Diyosa ng pamilya; asawa ni Wotan | dramatikong mezzo-soprano | Sophie Stehle | Friederike Grün |
Freia | Diyosa ng pag-ibig at kagandahan, tagapag-alaga ng mga gintong mansanas; kapatid ni Fricka | soprano | Henriette Müller-Marion | Marie Haupt |
Froh | Diyos ng tagsibol at sikat ng araw; ang malumanay na kapatid ni Freia | tenor | Franz Nachbaur | Georg Unger |
Donner | Diyos ng Kidlat; ang kapatid ni Freia na may mainit na ulo | baritone | Karl Samuel Heinrich | Eugen Gura |
Erda | Ina ng lupa, diyosa ng makalupang karunungan | contralto | Emma Seehofer | Luise Jaide |
Mga Nibelung | ||||
Alberich | Dwende na humahangad ng kapangyarihan, panginoon ng mga Nibelung | baritone | Karl Fischer | Karl Hill |
Mime | Kapatid ni Alberich, isang duwag na dalubhasang panday | tenor | Max Schlosser | Max Schlosser |
Mga higante | ||||
Fasolt | Higante, umiibig kay Freia | bass | Toni Petzer | Albert Eilers |
Fafner | Higante; ang walang awa na kapatid ni Fasolt | bass | Kaspar Bausewein | Franz von Reichenberg |
Mga Rhinemaiden | ||||
Woglinde | Diwata ng ilog | dramatikong coloratura soprano | Anna Kaufmann | Lilli Lehmann |
Wellgunde | Diwata ng ilog | soprano o mezzo-soprano | Therese Vogl | Marie Lehmann |
Floßhilde | Diwata ng ilog | mezzo-soprano | Wilhelmine Ritter | Minna Lammert |
Buod
baguhinPambungad
Eksena 1
baguhinSa ilalim ng Rhine, ang tatlong Rhinemaiden, Woglinde, Wellgunde, at Floßhilde, ay magkasamang naglalaro. Si Alberich, isang Nibelung na dwende, ay lumilitaw mula sa isang malalim na bangin at sinubukan silang ligawan. Kinukutya siya ng mga dalaga at siya ay nagalit – hinahabol niya sila, ngunit sila ay umiiwas, tinutukso at pinahihiya siya. Isang biglaang sinag ng araw ay tumagos sa kailaliman, upang ipakita ang Rhinegold. Nagagalak ang mga dalaga sa ningning ng ginto. Tinanong ni Alberich kung ano ito. Ipinaliwanag nila na ang ginto, na ipinag-utos sa kanila ng kanilang ama na bantayan, ay maaaring gawing isang mahiwagang singsing na nagbibigay ng kapangyarihang pamunuan ang mundo, kung ang may hawak nito ay unang itakwil ang pag-ibig. Inaakala ng mga dalaga na wala silang dapat ikatakot mula sa malibog na duwende, ngunit si Alberich, na nagalit sa kanilang pangungutya, ay tumalikod sa pag-ibig, kinuha ang ginto, bumalik sa kanyang bangin, at iniwan silang sumisigaw sa pagkabalisa.
Intermedyo ng orkestra
Eksena 2
baguhinSi Wotan, ang pinuno ng mga diyos, ay natutulog sa tuktok ng bundok na may napakagandang kastilyo sa likuran niya. Ang kanyang asawa, si Fricka, ay gumising kay Wotan, na sumasaludo sa kanilang bagong tahanan. Ipinaalala ni Fricka sa kanya ang kanyang pangako sa mga higanteng sina Fasolt at Fafner, na nagtayo ng kastilyo, na ibibigay niya sa kanila ang kapatid ni Fricka na si Freia, ang diyosa ng kabataan at kagandahan, bilang kapalit. Nag-aalala si Fricka para sa kanyang kapatid, ngunit nagtitiwala si Wotan na si Loge, ang tusong kalahating diyos ng apoy, ay makakahanap ng alternatibong pagbabayad.
Pumasok si Freia na takot, kasunod sina Fasolt at Fafner. Hinihiling ni Fasolt na isuko si Freia. Sinabi niya na ang awtoridad ni Wotan ay pinananatili ng mga kasunduan na inukit sa kanyang sibat, kasama na rito ang kanyang kontrata sa mga higante, na hindi maaaring labagin ni Wotan. Dumating sina Donner, diyos ng kulog, at Froh, diyos ng sikat ng araw, upang ipagtanggol si Freia, ngunit hindi pinapayagan ni Wotan ang paggamit ng puwersa upang sirain ang kasunduan. Umaasa si Wotan na darating si Loge dala ang ipinangako niyang alternatibong pagbabayad, at sinubukan niyang gumawa ng pag-antala.
Nang dumating si Loge, ang kanyang unang ulat ay nakapanghihina ng loob: walang mas mahalaga sa mga kalalakihan kaysa sa pag-ibig, kaya't tila walang posibleng alternatibong pagbabayad maliban kay Freia. Nakahanap lang si Loge ng isang pagkakataon kung saan may taong kusang sumuko sa pag-ibig para sa ibang bagay: tinalikuran ng Nibelung na si Alberich ang pag-ibig, ninakaw ang ginto ng Rhine, at gumawa ng isang makapangyarihang singsing mula rito. Ang isang talakayan tungkol sa singsing at mga kapangyarihan nito ay naganap, at lahat ay nakaisip ng magandang dahilan para sa pagnanais na makuha ito. Gumawa si Fafner ng isang bagong alok: tatanggapin ng mga higante ang kayamanan ng Nibelung bilang bayad, sa halip na si Freia. Nang subukan ni Wotan na makipagtawaran, umalis ang mga higante, dala-dala si Freia bilang prenda at pinagbantaan na hindi na siya ibabalik magpakailanman maliban na lang kung tutubusin siya ng mga diyos sa pamamagitan ng pagkuha at pagbibigay sa kanila ng ginto ng Nibelung sa pagtatapos ng araw.
Ang mga gintong mansanas ni Freia ang nagpapanatiling bata sa mga diyos, ngunit sa kanyang pagkawala ay nagsisimula silang tumanda at humina. Upang matubos si Freia, nagpasya si Wotan na maglakbay kasama si Loge sa kaharian ni Alberich sa ilalim ng lupa upang makuha ang ginto.
Intermedyo ng orkestra – Abstieg nach Nibelheim (Pagbaba sa Nibelheim)
Eksena 3
baguhinSa Nibelheim, inalipin ni Alberich ang iba pang mga dwendeng Nibelung gamit ang kapangyarihan ng singsing. Pinilit niya ang kanyang kapatid na si Mime, isang mahusay na panday, na lumikha ng isang mahiwagang helmet, ang Tarnhelm. Ipinakita ni Alberich ang kapangyarihan ng Tarnhelm sa pamamagitan ng pagiging invisible o hindi nakikita, upang mas mapahirapan pa ang kanyang mga nasasakupan.
Dumating sina Wotan at Loge at nakasalubong si Mime, na nagbahagi sa kanila ng paghihirap ng mga dwende sa ilalim ng pamumuno ni Alberich. Bumalik si Alberich at hinimok ang kanyang mga alipin na itambak ang ginto sa isang malaking bunton. Ipinagmamalaki niya sa mga bisita ang kanyang mga planong sakupin ang mundo gamit ang kapangyarihan ng singsing. Tinanong ni Loge kung paano niya mapoprotektahan ang kanyang sarili laban sa isang magnanakaw habang siya ay natutulog. Sumagot si Alberich na itatago siya ng Tarnhelm sa pamamagitan ng paging invisible o kaya sa pamamagitan ng pagbabago ang kanyang anyo. Nagpahayag si Loge ng pagdududa at humiling ng isang demonstrasyon. Sumunod si Alberich sa pamamagitan ng pagpapalit ng kanyang anyo at siya ay naging isang malaking ahas; si Loge ay kumilos nang angkop na nagpaggap ng paghanga, at pagkatapos ay nagtanong kung maaari ring bawasan ni Alberich ang kanyang laki, na magiging mas kapaki-pakinabang para sa pagtatago. Binago ni Alberich ang kanyang sarili at naging isang palaka. Hinuli siya nina Wotan at Loge, itinali ang kanyang mga kamay, at dinala siya sa mundong ibabaw.
Intermedyo ng orkestra - Aufstieg von Nibelheim (Pag-akyat mula sa Nibelheim)
Eksena 4
baguhinPagbalik nila sa tuktok ng bundok, pinilit nina Wotan at Loge si Alberich na ipagpalit ang kanyang kayamanan para sa kanyang kalayaan. Ipinatawag niya ang mga Nibelung, na nagdala ng kanyang ginto. Pagkatapos ay hiniling niya ang pagbabalik ng Tarnhelm, ngunit sinabi ni Loge na bahagi ito ng kanyang pantubos. Umaasa pa rin si Alberich na kaya pa niyang itago ang singsing para sa kanyang sarili, ngunit hiniling ito ni Wotan, at nang tumanggi si Alberich, inagaw ito ni Wotan mula sa kamay ni Alberich at isinuot sa sarili niyang daliri. Bigo sa kanyang pagkawala, si Alberich ay naglagay ng sumpa sa singsing: hangga't hindi pa ito bumabalik sa kanya, ito ay pupukaw ng hindi mapakaling paninibugho sa mga nagmamay-ari nito, at nakamamatay na inggit sa mga hindi.
Muling nagtipon ang mga diyos. Bumalik sina Fasolt at Fafner kasama si Freia. Si Fasolt na nag-aatubili na pakawalan si Freia ay iginiit na ang ginto ay isalansan hanggang mawala si Freia mula sa kanyang paningin. Napilitan si Wotan na iwanan ang Tarnhelm para tuluyang matakpan si Freia. Gayunpaman, may nakita ni Fasolt na natitirang butas sa salansan, kung saan makikita ang isang mata ni Freia. Sinabi ni Loge na wala nang ginto, ngunit si Fafner, na nakita ang singsing sa daliri ni Wotan, ay nag-utos na ilagay ito ni Wotan sa salansan upang takpan ang butas. Kumontra si Loge at sinabi na ang singsing ay pag-aari ng mga Rheinmaiden, at galit na idineklara ni Wotan na balak niyang itago ito para sa kanyang sarili. Nang nagsimula nang umalis na ang mga higante kasama si Freia, lumitaw si Erda, ang diyosa ng lupa, at binalaan si Wotan na may nalalapit na kapahamakan, at hinimok siyang isuko ang sinumpang singsing. Nag-aalala si Wotan at tinawag niya ang mga higante at isinuko ang singsing. Pinakawalan ng mga higante si Freia at sinimulang hatiin ang kayamanan, ngunit maya-maya ay nag-away na sila para sa magmamay-ari sa mismong singsing. Binugbog ni Fafner si Fasolt hanggang siya ay namatay. Si Wotan ay natakot at napagtanto na ang sumpa ni Alberich ay may kakila-kilabot na kapangyarihan.
Nagtawag si Donner ng bagyo para linisin ang hangin, pagkatapos ay lumikha si Froh ng tulay na bahaghari na umaabot hanggang sa tarangkahan ng kastilyo. Sa pangunguna ni Wotan, ang mga diyos ay tumawid tulay patungo sa kastilyo, na pinangalanan ni Wotan na Valhalla. Hindi sumusunod si Loge; sabi niya na siya ay natutukso na sirain ang mga kampante na diyos sa pamamagitan ng apoy – pag-iisipan niya ito. Sa ibaba, ang mga Rhinemaiden ay nagdadalamhati sa pagkawala ng kanilang ginto at sinabi na ang mga diyos ay huwad at duwag.
Sanggunian
baguhin- ↑ Gutman 1971, p. 175.
- ↑ Holman 2001, p. 33.
- ↑ 3.0 3.1 Wagner, tr. Ellis 1895, p. 63.
- ↑ Jacobs 1980, p. 63.
- ↑ Holman 2001, pp. 173–205.
- ↑ Holman 2001, pp. 47.
- ↑ 7.0 7.1 "Performance History". opera.stanford.edu. Opera Glass. Nakuha noong 29 Hulyo 2018.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ 8.0 8.1 Osborne 1992, p. 180.
Walang kategorya ang artikulong ito.
Makakatulong sa pagpapaunlad ng artikulong ito sa paglalagay ng isa o higit pang kategorya upang maisama ito sa mga kaugnay na artikulo (paano?). Alisin po lang ang tag pagkaraan ng pagsasauri, hindi bago nito. |