Ekonomiyang Ricardiana
Ang Ekonomiyang Ricardiyana ay ang mga teoryang ekonomiko ni David Ricardo, isang ekonomistang-pulitikal na mula sa Inglatera, na ipinanganak noong 1772 na yumaman bilang isang stockbroker at loan broker. Sa edad na 27 taong gulang, binasa niya ang “Inquiry into the Nature and Causes of the Wealth of Nations” ni Adam Smith at nabuhayan sa mga teorya ng ekonomika.
Sa “Sa mga prinsipyo ng Ekonomiyang pulitikal at Pagbubuwis” nakapaloob ang kanyang mga pangunahing kaisipang ekonomiko. Inilatag nito ang iba’t ibang teorya na naging batayan ng Das Kapital ni Karl Marx at ang ekonomikang Marshallian, kabilang ang renta, teoriya ng paggawa ng halaga (labor theory of value), at higit sa lahat, ang teorya ng kumparatibong pakinabang.
Isinulat ni Ricardo ang kanyang unang artikulong ekonomiko makalipas ang sampung taon nang mabasa niya ang kay Adam Smith at, kung tutuosin sa lahat, ang kontrobersiyang bullion ang nagbigay-sikat sa kanya sa pamayanang ekonomiko para sa kanyang teorya tungkol sa paglolobo ng presyo sa Inglatera noong ika-19 na siglo. Nakilala ang teoryang ito bilang monetarismo, na nagsasabing magdudulot ng paglobo sa mga presyo ang labis na pananalapi. Naging sangkot din siya sa paglikha ng klasikong ekonomika, na nangahulugang ipinaglaban niya ang malayang pangangalakal at ang malayang tagisan nang walang pangingialam ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga batas o mga patakarang paghihigpit.