Si Yoshihito (Hapones: 嘉仁) ay kinilala bilang Emperador Taisho (Hapones: 大正天皇) nung siya ay pamanaw, pero nung siya’y nabubuhay pa ay mas kinilala sa bansag na Baliw na Emperador dahil sa kanyang problema sa pag-iisip. Siya ang ika-123 na Emperador ng Hapon na umupo sa Trono ng Krisantemo. Siya ding ang kinalang unang Emperador ng Tokyo dahil ginugol niya ang kanyang buong buhay malapit sa Silangang Punongbayan (kapitolyo) ng Imperyo.

Si Yoshihito (1912).

Ang kanyang pamumuno ay nagsimula noong ika-30 ng Hulyo, 1912 hanggang sa mamamatay siya noong 1926. Pinili niya ang pangalang Taisho na ang ibig sabihin ay Dakilang Katuwiran.

Nabuhay si Prinsipe Yoshihito sa Palasyo ng Aoyama sa Tokyo. Ama niya si Emperador Meiji at kay Naruko Yanagiwara, isang lady-in-waiting o matatawag sa salitang palasak na ‘kabit’ subalit terminong pangmaharlika. Si Yoshihito ay inampon ni Emperatris Shoken na kinilala naman niyang opisyal na ina. Tinanggap niya ang personal na pangalang Yoshito Shinno at ang titulong Haru-no-miya mula sa Emperador noong ika-6 ng Setyembre, 1879.

Tatlong linggo pa lamang na mabuhay si Yoshihito ay dinapuan na kaagad siya ng sakit na meningitis na nagpahina sa kanyang katawan at kaisipan. Bali-balita din na nalason siya sa tingga (lead poisoning) na nakuha niya diumano sa meyk-ap na ginagamit ng katulong sa bahay na nag-aalaga sa kanya. Ang kanyang mga nakakatandang kapatid ay nangamatay ng maaga. Gayunpaman, opisyal na ipinahayag na siya ang Tagapagmana ng Trono noong ika-31 ng Agosto, 1887. Pormal siyang iniluklok bilang Prinsipeng Tagapagmana noong ika-3 ng Nobyembre, 1888.

Pagkapanganak kay Yoshito, kaagad siyang kinupkop ni Prinsipe Nakayama Tadayasu. Tumira siya sa piling nito hanggang noong siya ay pitong taong gulang. Nag-aral siya kasama ang ilang piling mga bata sa Gogakumonsho sa loob ng Nakabukod na Palasyo ng Aoyama. Noong Septyembre ng taong 1887, pumasok siya sa departamento ng elementary ng Gakushuin pero dahil mahina ang kanyang katawan at sa lumala niyang pangangatawan hindi niya natapos ang kanyang pag-aaral. Ang kanyang kabataan ay ginugol niya sa dalampasigan ng Atemi.

Bagaman may ipinakitang gilas ang prinsipe gaya ng pangangabayo, mahina ang kanyang ulo sa mga aralin nangangailangan ng mataas na kaisipan. Pormal siyang tumigil sa Gakushuin noong 1894. Gayunpaman may kakayahan din sa mga wika kaya patuloy siyang tinuruan ng Pranses at Tsino at Kasaysayan sa Palasyo ng Akasaka. Binigyan ng katukungkulan ni Emperador Meiji si Prinsipe Takehito na pangalagaan niya si Akihito kung kayat naging magkaibigang tunay ang dalawang prinsipe na ito.

Noong ika-10 ng Mayo, 1900, pinakasalan ni Prinsipeng Tagapagmana na si Yoshihito ang kinse anyos na si Sadako Kujo (na naglaon ay naging Emperatris Teimei). Si Sadako Kujo ay anak ni Prinsipe Kujo Michitaka, ang pinuno ng limang sangay ng angkang Fujiwara.

Ang pagsasamang ito ay nagbunga ng apat na anak.

  1. Si Hirohito na naging Emperador Showa. Pinakasalan niya si Prinsesa Nagako, ang panganay na anak ni Prinsipe Kuni Kuniyoshi
  1. Si Yasuhito (Prinsipe Chichibu). PInakasalan naman nito si Bb. Setsuko Matsudaira, ang panganay na anak ni Tsuneo Matsudaira na naging embahador sa Gran Britanya at Estados Unidos. Si Tsuneo ay isang Ministro ng Bahay Tanggapan ng Imperyo.
  1. Si Nobuhito (Prinsipe Takamatsu). Pinakasalan nito si Kikuko Tokugawa, ang ikalawang anak ni Prinsipe Yoshihisa Tokugawa.
  1. At ang bunso, si Takahito (Prinsipe Mikasa). Pinakasalan nito si Yuriko Takagi, ang ikalawang anak ni Visconde Masanori Takagi.

Nung maikasal si Yoshihito, unti-unting bumuti ang kanyang kalagayan, at di nagtagal siya ay naglakbay sa buong Japan. Itong kanyang paglalakbay ang kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng mga karaniwang Hapones na direkta nilang nakausap ang tagapagmana ng trono ng imperyo.

Ang Palasyo ng Akasaka (na ngayo’y Tanggapan ng Bisita ng Estado ng Japan) ay binuo bilang opisyal na tahanan ng Prinsipeng Tagapagmana. Idinisenyo ito ni Tokuma Katayama batay sa istilong Rococo na makikita sa Europa. Binuo ito ng mula 1899 hanggang 1909 o sa loob ng isang dekada.

Noong Oktubre ng taong 1907, nilakbay ng Prinsipeng Tagapagmana ang Korea na kasama ni Admiral Heichahiro Togo, Heneral Taro Katsura at Pinsipe Taruhito Arisugawa. Ito ang kauna-unahang pagkakataon din na nangibang bansa din ang isang Prinsipeng Tagapagmana ng Japan. Nag-aral siya ng salitang Koryano pero hindi siya naging magaling dito.

Noong ika-30 ng Hulyo, 1912 ay namatay ang kanyang amang si Emperador Meiji, na kanyang hinalinhan kaagad. Sa totoo lang, hindi nagpapakita madalas ang bagong emperador sa publiko dahil sa lumalalang kundisyon niya sa pag-iisip. At noong 1910, dalawang taon bago mamatay ang kanyang ama ay naging imposible na ang pagganap niya ng mga opisyal na gawain dahil sa karamdaman niya sa utak.

Isa sa mga halimbawa ng kakaibang pagkilos na ipinakita ni Emperador Yoshihito ay naganap sa harap ng publiko noong 1913 sa pagbubukas ng Diet (Kamara) ng Japan. Naiulat na yung kanyang inihandang talumpati ay binilot niya ng binilot gaya ng isang teleskopyo at imbes na basahin ay iniligay niya sa kanyang mata at pinagsisilip kung sino ang mga nanonood sa kanya.

Dahil sa kanyang mga pinaggagagawa, binansagan siyang (Baka Tenno) Baliw na Emperador, o minsan ang mapanlait na katagang “Buang”.

Ang Unang Digmaang Pandaigdig ay naganap sa panunungkulan ni Emperador Taisho. Sa panahong ito lumawak ang teritoryo ng Japan at nasakop nito ang mga dating kolonya ng bansang Alemanya sa gitnang Pasipiko gaya ng mga isla ng Carolina, Mariana at Palau. Napasakanila din ang daungang-militar ng Alemanya sa Qingdao sa tungway ng Shandong sa Tsina. Dahil dito kinilala ang Japan bilang isang malakas na bansa at naging kasapi ito sa Liga ng mga Bansa.

Nang taong 1919, walang ng mga opisyal na ginawa si Yoshihito at itinalaga ang kanyang panganay na anak na si Hirohito bilang Sesso o Prinsipeng Pansamantalang Tagapangasiwa noong ika-25 ng Nobyembre ng taong 1921.

Ang nagkukubling buhay ni Yoshihito ay hindi naapektuhan ng Napakalaking Lindol ng Kanto noong taong 1923 na kung saan napakarami ng nangasawi at nangawalan ng tirahan. Isang linggo bago pa man ang lindol ay nagtungo sa Palasyong Pangtag-init sa Nikko si Yoshihito, naiwan lamang sa Tokyo si Prinsipeng Pansamantalang Tagapangasiwa. Mga kalapati lamang ang nagsilbing mensahero sa pagitan Tokyo at ng Emperador sa Nikko.

Noong Disyembre noong taong 1926, ibinalita nagkaroon ng pulmonya ang Emperador. Inatake siya sa puso ng Pasko ng taong 1926 at namatay siya noong 1:25 ng madaling araw sa Palasyong Pang-imperyo na nasa Look ng Sagami, Timog ng Tokyo sa Prepektura ng Kanagawa.

Si Yoshihito ang kauna-unahang Emperador sa Tokyo dahil ginugol niya ang kanyang buong buhay sa silangan Punongbayan (kapitolyo) ng Tokyo. Ang kanyang ama, si Emperor Meiji, ay nabuhay at pinalaki sa lumang punongbayan ng Kyoto pero namuno ito sa Tokyo at doon na din namatay pero inilibing si Meiji sa Libingan ng kanyang mga ninuno. Samantalang si Emperador Taisho (Yoshihito) ay inilibing sa Tokyo.