Felony
Ang felony sa mga bansang common law ay nangangahulugang isang seryoso o malalang krimen. Ang salitang ito ay nagmula sa Ingles na common law kung saan ang mga felony ay orihinal na mga krimen na kinasasangkutan ng pagsamsam sa mga lupain at kalakal ng isang taong nahatulan ng hukuman. Ang ibang mga krimen ay tinatawag na mga misdemeanor. Binuwag na ng maraming mga bansang common law ang mga pagtatanging felony/misdemeanor at pinalitan ito ng ibang mga pagtatangi gaya ng sa pagitan ng indictable offence at summary offence. Ang isang felony ay isang krimen na itinuturing na seryoso o malala samantalang ang misdemeanor ay hindi. Ang isang taong nahatulan ng felony ay tinatawag na isang felon.
Sa Estados Unidos, ang pagtatanggi sa pagitan ng felony at misdemeanor ay nilalapat pa rin. Ito ay inilarawan ng pederal na pamahalaan ng Estados Unidos bilang krimen na mapaparusahan ng kamatayan o pagkakabilanggo ng higit sa isang taon. Kung ang isang krimen ay mapaparusahan ng eksaktong isang taon o mas kaunti, ito ay inuuring misdemeanor. Ang mga indibidwal na estado ng Estados Unidos ay may iba't ibang kahulugan para sa felony gamit ang ibang mga kategorya ng pagiging malala o konteksto.