Si Florence Mills, isinilang bilang Florence Winfrey (25 Enero 1896 - 1 Nobyembre 1927), at nakilala rin bilang "Reyna ng Katuwaan," ay isang mang-aawit, mananayaw, at komedyante ng "kabaret" o bodabil na naging tanyag dahil sa kanyang kasiglahan sa entablado, maselang tinig, at kagandahan. Isang anak na babae ng dating mga aliping sina Nellie Simon at John Winfrey, ipinanganak siya sa Washington, D.C..

Naitanghal siya ng mga magasing Vogue at Vanity Fair at kinunan ng larawan para sa mga babasahing ito ninan Bassano at Edward Steichen. Higit siyang kilala dahil sa kanyang sariling estilo ng pag-awit ng "I'm a Little Blackbird Looking for a Bluebird" at "I'm Cravin' for that Kind of Love."

Naging bida siya sa dulang Shuffle Along (1921) sa Tanghalan sa Kalye Ika-63 ni Daly na malapit sa Broadway, isa sa mga kaganapang itinuturing na nagsimula ng Renasimiyento sa Harlem, at tumanggap ng mga mainam na resulta ng pagsusuri mula sa Londres, Paris, Ostend, Liverpool, at iba pang mga pook sa Europa. Naging isa siyang pandaigdigang bituin dahil sa palabas na Lew Leslie's Blackbirds noong 1926.

Mula 1921 hanggang sa kanyang kamatayan noong 1927, nanatiling kasal siya kay Ulysses "Slow Kid" Thompson (1888-1990), na nakatagpo niya noong 1917 nang ito ay isang konduktor ng sayawin ng Tennesee Ten, isang pang-jazz na banda ng mga itim.

Dahil sa kapaguran mula sa 250 mga pagtatanghal para sa Blackbirds sa London noong 1926, nagkasakit siyang may tuberkulosis. Lalong lumala ang kanyang kalagayan at namatay dahil sa impeksiyon pagkaraan ng isang operasyon sa Lungsod ng Bagong York, Bagong York noong 1 Nobyembre 1927.

Pagkalipas ng kanyang pagsakabilang-buhay, inalala siya ni Duke Ellington sa awitin nitong "Black Beauty".

Mga kawing panlabas

baguhin