Francesca Javiera Cabrini

(Idinirekta mula sa Francesca Javier Cabrini)

Si Santa Francesca Javiera Cabrini (Ingles: Saint Frances Xavier Cabrini, Mother Cabrini)[1] (15 Hulyo 1850 – 22 Disyembre 1917), na kilala bilang Inang Cabrini noong nabubuhay, ay ang unang mamamayang Amerikano nagdaan sa proseso ng kanonisasyon para maging isang santo ng Simbahang Romano Katoliko. Siya ang ang nagtatag ng Misyonaryang Kapatirang Pangkababaihan ng Banal na Puso sa Codogno, Italya, at naipadala sa Estados Unidos noong 1889 upang makisalamuha sa mga gawain ng mga imigranteng Italyano. Naging mamamayang Amerikano siya noong 1909 at naglakbay sa Estados Unidos, Hilagang Amerika, at Europa kung saan nagtatag siya ng mga kumbento, paaralan, at ospital. Nagdaan si Cabrini sa kanonisasyon sa pagka-santo noong 1946 sa pamamagitan ni Papa Pio XII, na nagbigay din sa kaniya ng katawagang santong pintakasi ng mga emigrante at imigrante noong 1950.

Santa Francesca Javiera Cabrini
Birhen, Tagapagtatag
Ipinanganak15 Hulyo 1850
Sant'Angelo Lodi, Italya
Namatay22 Disyembre 1917
Tsikago, Estados Unidos
Benerasyon saSimbahang Romano Katoliko
Beatipikasyon13 Nobyembre 1938
Kanonisasyon7 Hulyo 1946 ni Papa Pio XII
Pangunahing dambanaKapilya ng Mataas na Paaralang Inang Cabrini, Lungsod ng Bagong York
KapistahanNobyembre 13; Disyembre 22
Patronimigrante, mga tagapangasiwa ng ospital

Talambuhay

baguhin

Isinilang siya sa Sant'Angelo Lodigiano, Italya bilang Maria Francesca Cabrini, at ang pinakabunso sa labintatlong anak nina Agostino Cabrini at Stella Oldini, mga magsasaka. Ipinanganak ng dalawang buwan ang kaagahan sa katakdaan ng panahon ng pagluluwal, nanatili siyang may maselang na kalusugan sa loob ng kaniyang animnapu't pitong taon ng buhay. Noong bata pang babae, inalagaan si Francesca ng kaniyang mas matandang kapatid na babaeng si Rosa, sapagkat may edad na 52 na ang kanilang ina nang ipanganak si Maria Francesca Cabrini.

Sa edad na 13, ipinadala si Cabrini sa Arluno upang mag-aral sa ilalim ng Mga Anak na Kababaihan ng Banal na Pusal sa Paaralang Normal, at noong 1868, sa gulang na 18 nabigyan siya ng sertipiko sa pagkaguro. Makaraan ang apat na tao, nagkaroon siya ng bulutong. Nang subukin niyang pumasok sa Mga Anak na Kababaihan ng Banal na Puso, tinanggihan si Cabrini ng madreng nagngangalang Inang Giovanna Francesca Grassi bagaman kinakitaan niya si Cabrini ng kakayahan, dahil sa delikadong kalusugan. Sa halip, sinabi ni Inang Giovanna kay Cabrini na "Tinatawag ka na magtatag ng ibang Panimulaan na magdadala ng bagong luwalhati sa Puso ni Hesus." Tinanggihan din si Cabrini ng mga Kanosyano (Ingles: Canossian). Sa halip, tinulungan ni Cabrini ang kaniyang mga magulang hanggang sa yumao ang mga ito, at tumulong din siya sa mag-anak hinggil sa mga gawain sa bukid.

Nagturo si Cabrini sa isang pribadong paaralang itinatag ng isang kapatid sa pananampalataya sa Sant’Angelo. Noong 1871, naging isang gurong pampubliko si Cabrini sa isang kalapit na nayon sa kahilingan ng kaniyang pastor. Tinanggap niya ang panunumpa bilang madre noong 1877 at idinagdag ang Javiera sa kaniyang pangalan bilang pagpaparangal sa paring Heswitang si Francisco Javier. Siya ang naging madre superyor sa ampunan ng Kabahayan ng Probidensiya sa Codogno kung saan siya nagturo. Noong 1880, nagsara ang bahay-ampunan. Si Cabrini at anim pang mga madreng nakasabayan niya sa pagtanggap ng panunumpa bilang madre ang nagtatag ng Panimulaan ng mga Misyonerong Madre ng Banal na Puso ni Hesus (Institute of the Missionary Sisters of the Sacred Heart of Jesus, MSC) noong 14 Nobyembre 1880. Si Inang Cabrini ang naglahad ng mga patakaran at konstitusyon ng samahan, at nagpatuloy siyang bilang superyor-heneral nito hanggang sa kaniyang pagyao. Nagtatag ang orden ng pitong mga tahanan at isang libreng paaralan at alagaang pambata sa unang limang taon nito. Napansin ni Obispo Giovanni Scalabrini ng Piacenza at ni Papa Leon XIII ang mga mabubuting gawain ni Inang Cabrini, ng orden, at ng paaaralan.

Bagamang pangarap talaga niya sa buhay ang maging isang misyonera sa Tsina, ipinadala siya ng Santo Papa sa Lungsod ng Bagong York noong 31 Marso 1889. Doon, nakamit ang pahintulot ng Arsobispong Michael Corrigan ang magtatag ng isang ampunan, na matatagpuan ngayon sa Liwasang Kanluran (West Park), Ulster County, Bagong York at kilala na bilang Tahanang Santa Cabrini (Saint Cabrini Home), ang una sa 67 mga institusyon na itinatag niya sa Bagong York, Tsikago, Seatel, Bagong Orleans, Denber, Los Angeles, Philadelphia,[2] at sa bansa sa buong Timog Amerika at Europa. Matagal na panahon pagkaraan ng kaniyang kamatayn, makakamit ng mga Misyonerang Madre ang layunin ni Inang Cabrining maging isang misyonera sa Tsina. Matapos ang maraming mga kaguluhang panlipunan at pangpananampalataya at sa maikling panahon, nilisan ng mga madre ang Tsina, na nasundan ng pagkakalagak sa Siberia.

Naging isang mamamayang Amerikano, sa pamamagitan ng naturalisasyon o pagsasalikas na pamamaraan, si Cabrini noong 1909. Ikinamatay ni Inang Cabrini ang kumplikasyon mula sa malaria sa Ospital ng Columbus sa Tsikago, Ilinoy. Bagaman orihinal na inilibing sa Liwasang Kanluran sa Bagong York pagkaraan ng kaniyang kamatayan noong 22 Disyembre 1917, kinuha ang kaniyang mga labi mula sa Liwasang Kanluran noong 1931 at nakadambana ngayon sa altar ng simbahan ng Dambanang Santa Francesca Cabrini, bahagi ng Mataas na Paaralang Inang Cabrini, sa 701 Abenidang Fort Washington, sa seksiyong Washington Heights ng Manhattan. Muling pinangalanan ang daanan sa kanluran ng dambana bilang Bulebar Cabrini bilang parangal sa kaniya.

Nagdaan siya sa proseso ng beatipikasyon noong 13 Nobyembre 1938 at nakananonisado noong 7 Hulyo 1946. Si Santa Francesa Javiera Cabrini ang pintakasing santo ng mga imigrante. Kinasasamahan ng pagbabalik ng paningin ng isang batang nabulag ang mga mata dahil sa labis na nitratong pilak (silver nitrate) ang kaniyang himala kaugnay ng beatipikasyon. Kinabibilangan ang milagro ng kaniyang kanonisasyon ng pagpapagaling ng isang may malubhang karamdamang madre. Kalimitang nilalarawan ang kaniyang mga labi bilang malinis o hindi tiwali (hindi imoral), mariing binabanggit ito sa nakapaskil sa kaniyang libingan sa Washington Heights. Ipinagdiriwang ang kaniyang kapistahan tuwing Nobyembre 13, at tuwing Disyembre 22 ng mga Tradisyonalistang Romanong Katoliko.

Ipinangalan ang isang proyektong pabahay sa Tsikago, ang Cabrini Green o Cabrini Luntian, sa kaniya dahil sa kaniyang gawaing kaugnay ng mga imigranteng Italyano sa pook na iyon. Matagal nang naging tahanan ito ng mga maralita at kaawaawang mga mamamayan at nagsasagawa pa rin ng mga gawain ang mga madreng MSC doon. Nakapangalan din sa kaniya ang Kolehiyong Cabrini (Cabrini College) na nasa Radnor, Pensilbanya.

Isang organisasyong nakatalaga sa pagpapausad ng misyon ni Santa Francesca Javiera Cabrini ang Pundasyon ng Misyong Cabrini, kasama ang pamana ng pagpapagaling, pagtuturo, at pangangalaga sa paligid ng mundo.

Sanggunian

baguhin
  1. "Saint Frances Xavier Cabrini; Mother Cabrini". The New Book of Knowledge (Ang Bagong Aklat ng Kaalaman), Grolier Incorporated. 1977.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. Salaysay ng Buhay ni Inang Cabrini Naka-arkibo 2012-03-01 sa Wayback Machine. sa websayt ng mga Misyonerang Madre ng Kabanalbanalang Puso ni Hesus