Gandrung
Ang gandrung (Habanes: ꦒꦤ꧀ꦝꦿꦸꦁ; Osing: gandrong; Balinese: ᬕᬦ᭄ᬤ᭄ᬭᬸᬂ; Petjo: gandroeng) ay isang tradisyonal na sayaw mula sa Indonesya. Marami ang baryasyon ng gandrung at sikat ito sa Bali, Lombok, at Silangang Java[1] sa mga Balines, Sasak, at Habanes (lalo na sa mga Osing na Habanes). Pinakasikat ang gandrung mula sa rehiyon ng Banyuwangi[2] sa silangang tangway ng Java, kaya't madalas na tinutukoy ang lungsod bilang Kota Gandrung o "Ang Lungsod ng Gandrung".[3] Isang sayawing ritwal na dating nakatuon sa diyosa ng bigas at pagkamabunga, si Dewi Sri, kasalukuyang itong itinatanghal bilang sayawan ng panliligaw at pag-ibig sa mga okasyong pangkomunidad at panlipunan, o bilang pang-akit sa mga turista. Taun-taon ginaganap ang Pistang Gandrung Sewu sa Banyuwangi.
Katutubong pangalan | ꦒꦤ꧀ꦝꦿꦸꦁ (Habanes) Gandrong (Osing) ᬕᬦ᭄ᬤ᭄ᬭᬸᬂ (Balinese) Tari Gandrung (Indones) |
---|---|
Genre | Sayawing pambayan |
(Mga) Instrumento | Bonang, gambang, gong, kendhang, biyulin |
Imbentor | Mga Habanes |
Pinagmulan | Indonesya |
Paglalarawan
baguhinHinango ang pangalang gandrung mula sa salitang Habanes para sa "pag-ibig".[1] May teorya na nagsimula ito bilang sayawing ritwal upang maipahayag ng mga tao ang kanilang pagmamahal sa diyosa ng bigas, Dewi Sri,[4] na may kawalan ng ulirat at bilang uri ng sayawing pagkamabunga.[5] Gayunman, nawala na ang konotasyon ng ritwal sa kasalukuyan, lalo na sa mga Habanes na Muslim at mga Sasak. Naging panlipunang sayaw na ito na naglalarawan ng babaeng naghahanap ng kasintahan. Kaya naderitwalisa na ang sayaw at halos nawala na ang koneksiyon nito sa diyosa ng bigas.
Karaniwang sinasayaw ang gandrung sa magdamagang tanghal na nagsisimula ng mga alas-9 n.g. at nagtatapos sa madaling araw.[2] Kadalasan din itong sinasayaw bilang pang-akit sa mga turista,[1] halimbawa sa Bali o sa Look ng Grajagan sa Banyuwangi. Itinatanghal din ito bilang panlipunang sayaw sa mga okasyong pangkomunidad at panlipunan kagaya ng mga sunatan o kasalan.
Kadalasan, ang gandrung, o bidang mananayaw, ay isang babaeng walang asawa o isang krosdreser.[4][6] Nakasuot ang mananayaw ng tradisyonal na kostiyum na may pamaypay, alampay, at pinalamutiang kagayakan sa ulo.[5] Madalas may higit sa isang mananayaw na gandrung sa tanghal.
Sa simula, karaniwang nasa gilid ng entablado ang (mga) mananayaw na napapalibutan ng tagatugtog ng gamelan. Kapag nag-umpisa na ang musika, nagsisimulang galawin ng mananayaw ang kanyang mga balakang at papunta siya sa gitna ng entablado. Kapag gusto ng gandrung na makipag-sayaw sa isang miyembro ng madla, ihahagis niya ang kanyang alampay sa taong iyon para dalhin siya entablado.[5] Makikipag-sayawan ang mananayaw at tagapanood. Kung may higit sa isang gandrung sa tanghal, pipili ang bawat mananayaw na kapares sa sayawan. Karaniwang nagbibigay ang tagapanood na nakapagsayaw sa mga gandrung ng kaunting pera[1] bilang pasasalamat.
Ginaganap na ang gandrung ngayon bilang sayawing panligaw at pag-ibig ng mga babae at lalaki sa gitna at silangang Lombok. Kadalasan itong itinatanghal sa labas ng mga binata at dalaga ng nayon, at nakatayo lahat nang nakapabilog.[7]
May mga kahawig na sayaw sa buong kapuluang Indones, tulad ng ronggeng o tayuban sa Silangang at Gitnang Java, jaipongan sa Kanlurang Java at Banten, at joged sa Jakarta.
Mga sanggunian
baguhin- ↑ 1.0 1.1 1.2 1.3 Müller, Kal (1997). East of Bali: from Lombok to Timor [Silangan ng Bali: mula Lombok pa-Timor] (sa wikang Ingles). Tuttle Publishing. p. 52. ISBN 9789625931784.
{{cite book}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ 2.0 2.1 "Music of Indonesia, Vol. 1: Songs Before Dawn: Gandrung Banyuwangi" [Musika ng Indonesya, Bol. 1: Mga Kanta Bago Magbukang-liwayway: Gandrung Banyuwangi] (sa wikang Ingles). Smithsonian Folkways Recordings. Inarkibo mula sa orihinal noong 2012-05-18. Nakuha noong 2024-02-21.
{{cite web}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Herriman, Nicholas (2006). "Fear and Uncertainty: Local Perceptions of the Sorcerer and the State in an Indonesian Witch-hunt" [Takot at Kawalang-katiyakan: Mga Lokal na Pananaw sa Mangkukulam at Estado sa Pagtugis ng Bruha sa Indonesya]. Asian Journal of Social Science (sa wikang Ingles). BRILL. 34 (3): 360–387. doi:10.1163/156853106778048669.
{{cite journal}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ 4.0 4.1 Descutner, Janet; Elizabeth A. Hanley; Jacques D'Amboise (2010). Asian Dance [Sayawing Asyano] (sa wikang Ingles). Infobase Publishing. p. 71. ISBN 9781604134780.
{{cite book}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ 5.0 5.1 5.2 Harnish, David D. (2006). Bridges to the ancestors: music, myth, and cultural politics at an Indonesian festival [Mga tulay sa mga ninuno: musika, mito, at pulitikang kultural sa isang pistang Indones] (sa wikang Ingles). University of Hawaii Press. ISBN 9780824829148.
{{cite book}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Hinzler, H. I. R.; Rijksuniversiteit te Leiden (1986). Catalogue of Balinese manuscripts in the Library of the University of Leiden and other collections in the Netherlands [Katalogo ng mga manuskritong Balines sa Akaltan ng Unibersidad ng Leiden at ibang mga koleksiyon sa Olanda] (sa wikang Ingles). Brill. p. 118. ISBN 9789004072367.
{{cite book}}
: CS1 maint: date auto-translated (link) - ↑ Witton, Patrick; Mark Elliott; Paul Greenway; Virginia Jealous (2003). Indonesia [Indonesya] (sa wikang Ingles). Lonely Planet. p. 548. ISBN 9781740591546.
{{cite book}}
: CS1 maint: date auto-translated (link)