Gervasio B. Santiago, Sr.

Si Gervasio B. Santiago, Sr. (Gervasio Bautista Santiago, Sr.) ay isang manunulat sa wikang Pilipino. Nakalikha siya ng maraming maikling kuwento, nobela, lathalain at mga sanaysay mula noong maagang bahagi ng dekada 30 hanggang noong huling bahagi ng dekada 80. Si GBS ay naging patnugot ng lingguhang magasing Liwayway mula 1960 hanggang 1979.

Ipinanganak noong 19 Hulyo 1909 sa Quiapo, Maynila. Panganay na lalaki sa limang anak nina Pablo Santiago ng Quiapo at dating Inez Bautista ng Sta. Barbara, Pangasinan. Nag-aral siya sa Mapa High School at Rizal College. Napangasawa niya noong Disyembre 1931 si Belen Medina Manalo at sila ay biniyayaan ng 13 anak.

Naging kasapi siya ng 12 Panitik. Ang kanyang kuwentong Leonor Dalisay ay unang nabigyan ng gantimpala ng Liwayway noong 1936. Naging aktibong manunulat ng lahat ng lingguhan at buwanang mga babasahing Tagalog sa Maynila. Napabilang siya sa kalipunang inilathala ng Ateneo de Manila University na 50 kuwentong ginto ng 50 batikang kuwentista, Volume 1 kung saan nakabilang ang kanyang kuwentong Hinakdal [1].

Marami sa kanyang mga akda ay naisapelikula (kabilang ang Siyam na Langit/1962, Madaling Araw/1958, atbp). Napasama siya sa mga antolohiya at madalas nahihilingang magsalita sa mga pagtitipon. Laman siya ng mga palihan ng Liwayway sa Cabcaben, Bataan. Bagamat hindi siya mahilig sumali sa mga pakontes ng mga manunulat, marami siyang natamong mga karangalan, kabilang na ang Gawad Kalinangan ng Lungsod ng Quezon noong maagang bahagi ng 1970s.

Sumakabilang-buhay siya noong 14 Agosto 1993. Ang kanyang mga labi ay nasa Loyola Memorial Park, Paranaque, Metro Manila.


Usbong Ang lathalaing ito ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.