Giotto di Bondone

(Idinirekta mula sa Giotto)

Si Giotto di Bondone (sirka 1267Enero 8, 1337), karaniwang kilala bilang Giotto, ay isang Italyanong pintor at arkitektong mula sa Plorensiya. Pangkalahatan siyang iniisip bilang pinakauna sa hanay ng dakilang mga artista ng sining sa Italyanong Muling Pagsilang.

Isang rebulto ni Giotto.

Isinulat ni Giovanni Villani, na namuhay din sa kapanahunan ni Giotto, na si Giotto ang hari ng mga pintor, na gumuhit sa lahat ng kanyang mga larawan ng nilalang bilang tila may buhay. Sinabi ni Villani na, dahil napakarunong ni Giotto, sinuwelduhan si Giotto ng lungsod ng Plorensiya.[1]

Noong ika-16 daang taon, sinabi ng manunulat ng talambuhay na si Giorgio Vasari na binago ni Giotto ang larangan ng pagpipinta magmula sa estilong Bisantino ng iba pang mga artista ng sining na kanyang panahon, at nagbigay ng buhay sa dakilang sining ng pagpipinta, katulad ng naisagawa ng mga sumunod na mga tagapagpinta ng Renasimyentong kinabibilangan ni Leonardo da Vinci. Dahil ito sa pagguhit ni Giotto ng mga wangis ng tao at iba pang mga nilalang mula sa tunay na mga halimbawang may buhay, sa halip na gayahin ang estilo mula sa lumang kilalang mga larawan, na siyang paraan ng mga artista ng sining na Bisantino na katulad ng mga ginagawa nina Cimabue at Duccio.[2]

Pinakadakila sa mga gawa ni Giotto ang palamuti ng Kapilyang Scrovegni sa Padua, na natapos noong bandang 1305. Paminsan-minsang tinatawag ang gusali bilang ang "Kapilyang Arena" dahil nasa ibabaw ito ng pook ng Sinaunang Romanong arena. Nagpapakita ang sunud-sunod na mga preskong ito ng buhay ng Mahal na Birheng Maria at ng buhay ni Hesukristo. Itinuturing ito bilang isa sa pinakadakilang mga obra maestra ng Maagang Renasimiyento.[3]

Bagaman nagsulat si Vasari ng tungkol sa buhay ni Giotto, hindi nalalaman kung ilang mga kuwento ang tumpak, dahil nagsulat si Vasari noong mahigit sa 200 taon na ang nakalilipas pagkaraan ng kamatayan ni Giotto. Dalawang bagay lamang ang nalalamang may katiyakan. Nalalamang napili si Giotto ng konseho ng bayan ng Plorensiya noong 1334 upang magdisenyo ng tore ng kampanang katabi ng Katedral ng Plorensiyang itinatayo noong kapanahunan iyon. Nalalaman din ng may katiyakan na si Giotto ang nagpinta ng "Kapilyang Arena". Ngunit walang nakatitiyak kung saan siya ipinanganak, kung sino ang kanyang naging guro, kung ano ang kanyang wangis, kung siya talaga ang nagpinta ng bantog na mga presko sa Assisi, o kung saan siya inilibing nang mamatay.

Mga sanggunian

baguhin
  1. Bartlett, Kenneth R. (1992). The Civilization of the Italian Renaissance. Toronto: D.C. Heath and Company. ISBN 0-669-20900-7 (may malambot na pabalat), pahina 37.
  2. Giorgio Vasari, Lives of the Artists, pagsasalinwika ni George Bull, Penguin Classics, (1965)
  3. Hartt, Frederick (1989). Art: a history of painting, sculpture, architecture. Harry N. Abrams. pp. 503–506.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)