Pagkabaog ng lalaki

(Idinirekta mula sa Infertile)

Ang pagkabaog ng lalaki (Ingles: male infertility) ay kalagayan nang kawalan ng kakahayan ng isang lalaki na makabuntis ng isang babae, partikular na ang dahil sa suliranin sa semilya.[1]

Pagkabaog ng lalaki
EspesyalidadUrology, reproductive medicine Edit this on Wikidata

Mga sanhi

baguhin

Mayroong tatlong pangunahing kahatian ang mga sanhi ng pagkabaog ng isang lalaki: ang mga sanhing pretestikular, ang mga sanhing testikular, at ang mga sanhing post-testikular. Kailangan ang pagpapatingin at pagpapasuri sa isang manggagamot o sa isang espesyalista upang malaman ang sanhi ng pagkabaog ng isang lalaki, at nang sa gayon ay mabigyan ito ng karampatang lunas kung maaari.[1]

Mga sanhing pretestikular

baguhin

Ang mga sanhing pretestikular (literal na mga sanhi bago pa man sabihing itlog ng bayag ang dahilan ng pagkabaog) ay tumutukoy sa mga suliranin sa nakakaapekto sa paggawa ng mga semilya at nakakaapekto sa pagpapagana ng mga organong seksuwal o ng daanang reproduktibo (pangreproduksiyon, pampagpaparami) ng isang lalaki. Kabilang dito ang mababang antas o mababang dami ng hormon ng lalaki na kung tawagin ay testosterone, pag-inom ng mga ipinagbabawal na mga gamot, pag-inom ng mga steroid, pag-inom ng mga gamot na panlaban sa kanser, kemoterapiya, pag-inom ng alak, paninigarilyo, mga abnormalidad na henetiko, at mga suliranin sa genes.[1]

Mga sanhing testikular

baguhin

Ang mga sanhing testikular ay ang mga suliranin sa mismong itlog ng bayag o testes, ang bahagi ng katawan ng lalaki na may pananagutan sa paglikha ng semen at ng semilya. Kabilang sa mga sanhing ito ang edad o gulang ng lalaki, mga problemang henetiko, mga problemang kromosomal, mga bukol sa itlog ng bayag, mga bukol sa bayag o iskrotum, ang hindi pagbaba ng itlog ng bayag, ang pagkakaroon ng hydrocoele at varicocoele, at ang pagkakaroon ng beke, malaria, at iba pang mga uri ng impeksiyon.[1]

Sa napakabata pang lalaki, ang mga itlog ng bayag ay maaaring hindi pa gumagana para sa layunin ng reproduksiyon. Sa napakatanda nang lalaki, maaaring hindi na gumagana ang mga itlog ng bayag.[1]

Suliraning henetiko

baguhin

Ang mga problemang henetiko ay ang mga suliranin sa mga gene, na nagtataglay ng iba't ibang impormasyon sa pagkakabuo ng isang tao. Nakakaapekto sa kakayahan ng lalaki na makabuntis ng babae kapag may suliranin ang kromosomang Y, ang bahagi ng DNA na "nagpapakalalaki" (dahilan ng pagkalalaki ng isang lalaking tao).[1]

Suliraning kromosomal

baguhin

Ang mga problemang kromosomal ay ang hinggil sa mga suliranin na may kaugnayan sa mga kromosoma (pinagsama-samang mga hene). Sa bawat tao, mayroong 23 paris ng mga kromosoma (katumbas ng 46 na mga kromosa sa kabuoan). Nakakaapekto sa kakayahang lumikha ng semilya, at kung gayon sa kakayahan ng lalaki na makabuntis ng babae, kapag may suliranin sa pagkakaparis-paris, pagkawala ng dapat na naroroong kromosoa, o pagiging labis ng bilang ng kromosma.[1]

Mga bukol sa bayag at itlog ng bayag

baguhin

Ang pagkakaroon ng mga bukol sa bayag at sa itlog ng bayag ay nakakaapekto sa kakayahan ng itlog ng bayag na makalikha ng tamod o semilya.[1]

Hindi pagbaba ng itlog ng bayag

baguhin

Normal na nasa mga bituka pa ang mga itlog ng bayag kapag sanggol pa ang isang lalaking tao, subalit ang mga ito ay bumababa o nalalaglag papunta sa kinaroroonan ng bayag, isang lugar na may mas malamig na temperatura kaysa sa pagiging malapit sa punong-katawan at napapaligiran ng tubig na nagsisilbing proteksiyon para sa mga itlog ng bayag. Ang hindi bumabang itlog ng bayag mula sa kinaroroonan ng mga bituka sa normal na paglaki ng lalaki ay nakakaapekto sa paglikha ng semilya; ang kalagayang ito ay tinatawag na kriptorkidismo.[1]

Hydrocoele

baguhin

Ang "hydrocoele" ay ang kalagayan kung kailan nakakabit ang bituka sa bayag. Dahil sa katayuang ito, maaaring pumasok at maipon sa bayag ang mga tubig na nagmumula sa mga bituka. Dahil sa pagkaipon na ito ng tubig sa bayag, maaaring makapagdulot ito ng pagbabara sa daluyan ng semilya, na kung gayon ay makakaapekto sa paglikha ng semilya.[1]

Varicocoele

baguhin

Ang "varicocoele" ay ang kalagayan kung saan naging malago ang mga ugat ng dugo na nasa loob ng bayag. Ang labis na paglago ng mga ugat ng dugo na ito ay maaaring makapagdulot ng pagbabara sa daluyan ng semilya at sa paglikha ng semilya.[1]

Impeksiyon

baguhin

Nakakaapekto sa mga itlog ng bayag ang pagkakaroon ng mga sakit na beke at malaria.[1]

Mga sanhing post-testikular

baguhin

Ang mga sanhing post-testikular ay maaring sabihin na mga sanhi na "lampas" o "malayo na" mula sa kinaroroonan ng bayag o ng itlog ng bayag. Kabilang dito ang mga suliranin na may kinalaman sa daluyan ng semilya magmula sa mga itlog ng bayag katulad ng pagbabara na nagaganap sa anumang bahagi ng mga daluyang ito na papunta sa urethra o butas ng titi ng lalaki; pati na ang suliranin sa proseso ng pagpapalabas ng tamod o sa pagpapaputok ng tamod papunta sa loob ng puki ng isang babae. Ang mga bara ay maaaring nasa anyo ng isang tumor, bukol, o kaya ay impeksiyon, at maaaring iba pa.[1]

Kasama pa din sa mga suliraning post-testikular ang tinatawag na mga kalagayan ng pagkakaroon ng ehakulasyong retrogrado, hypospadias, at ang impotensiya. Ang ehakulasyong retrogrado ay ang pabaliktad na pagdaloy ng semilya (papasok sa pantog ang direksiyon ng pagdaloy, sa halip na papunta sa butas ng titi). Ang hypospadias naman ay ang pagiging nasa ibaba sa halip na nasa harap ng butas ng titi, na dahilan ng hindi tuwirang pagtutok dapat na kapuntahan ng tamod kapag nakapasok ang titi sa loob ng puki; dahil dito hindi makakarating ang semilya sa dapat nitong patunguhan upang mabuntis ang babaeng katalik. Samantala, ang impotensiya (literal na kawalan ng lakas, walang lakas, kainudlan, kainutilan, pagkainutil, walang kaya o kawalan ng kakayahan) ay ang kawalan ng kakayanan na mapatigas at mapatayo ang titi, at pati na ang kawalan ng kakayahang panatilihing matigas at nakatayo ang titi. Sa madaling sabi, ang lalaking impotente (lalaking may impotensiya o "inutil") ay isang lalaking hindi tinitigasan at tinatayuan (hindi makapagpatayo) ng titi, bagkus walang paraan upang makalabas ang semilya o tamod papunta sa loob ng puki ng babae.[1]

Mga sanggunian

baguhin