Kaasiman
Ang kaasiman ay maaaring tumukoy sa gumuguhit na pakiramdam o panlasa na nasa likod ng lalamunan at ng dila, na mas nakikilala bilang sinisikmura. Ang kaasiman ay ginagamit din para sa tinatawag sa Ingles na acid dyspepsia, kung saan mayroong hindi inaasahan o hindi akmang pagkakaroon ng asido sa loob ng tiyan. Mayroong dalawang uri nito. Ang una ay ang dahil sa labis na paggawa ng mga katas na gastriko (katas sa loob ng tiyan, o gastric juice), kabilang na ang normal na asido ng tiyan na kung tawagin ay asidong hidrokloriko. Ang ganitong kalagayan ay tinatawag na hyperacidity sa Ingles o "labis na pangangasim". Ang ikalawang uri ng kaasiman o pangangasim ay dahil sa kabaligtarang sanhi, kung saan ang tiiyan ay hindi kayang gumawa ng tamang dami ng asidong hidrokloriko. Ang normal na asidong ito ng katas na gastriko ay isang makapangyarihang antiseptiko, na karaniwang wumawasak ng hindi mabilang na dami ng mga bakterya na palagiang nakakain kasama ng mga pagkain. Kapag nabawasan o nawala ang paggawa ng asidong hidrokloriko, ang mga bakteryang ito ay maaaring dumami sa loob ng tiyan.[1]
Ang katangiang mga sintomas ng fermentative acid dyspepsia o permentatibong dyspepsia ng asido (kinasasangkutan ng proseso ng permentasyon) ay karaniwang kinasasangkutan ng pyrosis (mulas salitang Griyego para sa "apoy"), ang sintomas kung saan may "nakakapaso o gumuguhit" na pakiramdam sa loob ng tiyan. Ang pangangasim ng sikmura dahil sa permentasyon ay maaaring malunasan sa pamamagitan ng pagbibigay sa pasyente ng mga bagay na nakakapagpapaalis ng katapangan ng asim katulad ng baking soda (bikarbonato ng soda) o magnesia o ibang alkali. Ang kalagayan ng pangangasim ng sikmura ay dahil sa pagkaipon o sa problema sa pagtatanggal ng mga asido sa dugo at mga tisyu ng katawan, at hindi nakaayon sa paginom ng mga asido.[1]
Isang halimbawa ng remedyo laban sa pangangasim ng sikmura ay ang pagsasama-sama ng mga alkali at ng bismuth (gumaganap bilang pampakalma): 5 grano ng bismuth carbonate, 10 grano ng bicarbonate of soda at 10 grano ng light magnesium carbonate (magaang na karbonato ng magnesium), na iniinom na may kahalong kaunting gatas o tubig kung kinakailangan. Maaari ring gamiting remedyo ang tinatawag na compound lozenges of bismuth. Ang isa sa dating mga remedyo laban sa pangangasim ng sikmura na permentatibo ay ang pagpapainom sa pasyente ng mga bagay na nakapagpapagawa sa tiyan na mapatay ang mga mikrobyong lumilikha ng mga asido, katulad ng malabnaw na asidong hidrokloriko, o kaya ay ang malabnaw na asidong nitriko (ang dosis ay 5 mga minim). Binibigyan din ang pasyente ng mga bagay na nakapagpapanumbalik sa kalusugan ng tiyan.[1]