Kapilya Sistina
Ang Kapilya Sistina o Sistine Chapel (Latin: Sacellum Sixtinum; Italyano: Cappella Sistina) ay isang kapilya sa Palasyong Apostoliko, ang opisyal na tiráhan ng Santo Papa, sa Lungsod Vaticano. Una itong nakilála bilang Cappella Magna, ang pangalan ng kapilya ay hango kay Papa Sixto IV, na nagsagawa ng restorasyon nito mula 1477 hanggang 1480. Mula noon, sa kapilya idinaraos ang mga relihiyoso at pantungkuling gawâin ng pápa. Ginagamit din ito sa conclave, kung saan hinihirang ang bágong santo papa. Higit na kilalá ang Kapilya Sistina sa mga fresco na nakapintá sa interyor nito, lalo na ang kisame nito at Ang Huling Paghuhukom ni Michelangelo.