Kautusang Tagapagpaganap Bilang 343 ng Pilipinas

Ang Kautusang Tagapagpaganap Bilang 343 ng Pilipinas ay ang direktibong nilagdaan ng dating Pangulong Fidel V. Ramos na nagtakda ng "Panunumpa ng Katapatan sa Watawat" bilang opisyal na panunumpa ng katapatan.

Nilalaman

baguhin

Kautusang Tagapagpaganap Blg. 343

Pinagtitibay ang "Panunumpa ng Katapatan sa Watawat" bilang opisyal na panata ng katapatan para sa lahat ng Pilipino.

Sapagkat, gugunitain natin, bilang isang bansa, ang ikasandaan taon ng pagpapahayag ng Kalayaan ng Pilipinas sa 12 Hunyo 1998 na ang pagdiriwang ay lalong magiging makabuluhan sa mga mamamayan kung maaayos na mapalulutang ang kanilang pagpapahalaga sa kasaysayan at kabansaan;

Sapagkat, ang "Panunumpa ng Katapatan sa Watawat" na binuo ng Pambansang Komisyon sa Kultura at mga Sining mula sa isang burador na inihanda ng Komisyon sa Wikang Filipino ay isang makapukaw-damdaming panata na matatawag na tunay na atin, nagpapamalas ng diwa ng kabansaan at ng mga pagpapahalagang dapat angkinin ng bawat isang Pilipinong makabayan at nagmamahal sa kalayaan;

Ngayon, samakatuwid, ako, si Fidel V. Ramos, Pangulo nga Republika ng Pilipinas, sa bisa ng mga kapangyarihang kaloob sa akin ng batas, ay nagpapatibay at nagsasatatag sa pamamagitan nitong "Panunumpa ng Katapatan sa Watawat" bilang opisyal na panunumpa ng katapatan ng lahat ng mga Pilipino.

Inaatasan ko ang lahat at bawat isang mamamayan na pag-aralan ang "Panunumpa ng Katapatan sa Watawat", limiin ang mga salita nito at isapuso ang pagtatalaga sa kabansaan na nilalaman ng panata:

Ako ay Pilipino
Buong katapatang nanunumpa
Sa watawat ng Pilipinas
At sa bansang kanyang sinasagisag
Na may dangal, katarungan at kalayaan
Na pinakikilos ng sambayanang
Maka-Diyos,
Makatao
Makakalikasan, at
Makabansa.

Ang Kautusang Tagapagpaganap na ito ay magkakabisang kagyat.

Ginawa sa Lungsod ng Maynila, ngayong ika-12 ng Hunyo sa taon ng Ating Panginoon, Labinsiyam na Raan Siyamnapu't Anim.