Trick-or-treat

(Idinirekta mula sa Kendi o biro)

Ang trick-or-treat (pariralang Ingles na may literal na kahulugang "biruan o kendi", "daya o libreng kendi", "panloloko o kendi, o "lokohan o kendi") ay isang kaugalian o pamamaraang ginagawa ng mga bata at tinatanggap ng madla tuwing gabi ng pangangaluluwa sa Estados Unidos at Canada. Isa ito mga pangunahing tradisyon o gawi ng pagdiriwang kapag sumasapit ang bisperas ng Undas o bisperas ng Araw ng mga Patay, at naging inaasahan ng lipunan na kapag namumuhay ang isang tao sa isang pamayanang may mga bata ay dapat na bumili ang tao ng mga kendi o tsokolate bilang paghahanda sa mga mangangatok o dadalaw na mga batang manghihingi ng mga pagkaing ganito. Umiiral na ang ganitong tradisyon ng pagpunta sa mga pintuan ng mga tahanan upang tumanggap ng mga libreng pagkain sa Britanya at Ireland, sa anyo ng pangangaluluwa, kung saan aawit at magdarasal ang mga bata at mahihirap na mga tao para sa mga namatay na kapalit ng pagtanggap ng mga keyk.[1] Mas naging pangkaraniwan ang nakamihasnang pagsasabi ng "trick or treat" na nagmula sa pagdiriwang ng gabi ng pangangaluwa sa Hilagang Amerika. Isinasagawa ito sa Estados Unidos, United Kingdom, Canada, Ireland, Puerto Rico, at hilagang-kanluran at gitnang Mexico (kung saan tinatawag itong calaverita, Espanyol para sa "maliit na bungo" o "munting bungo"; sa halip na magsabi ng "trick or treat", nagtatanong ang mga bata ng ¿me da mi calaverita?, "maaaring pakibigay mo sa akin ang aking bungong munti?"). Sa loob ng huling dalawampung mga taon, sa kabila ng kontrobersiya, lumaganap ang kaugalian sa iba pang mga bansa, katulad ng Italya at New Zealand, na maaaring dahil sa palagiang pagpapalabas sa mga bansang ito ng mga Amerikanong palabas pantelebisyon at pati na ng mga pelikulang nagmula sa Estados Unidos.

Dalawang batang kumakatok sa pintuan ng isang tahanan sa Arkansas upang manghingi ng libreng kendi sa Gabi ng Pangangaluluwa.

Bilang nakaugalian, gumagayak ang mga bata ng mga kasuotang nakakatakot o nakakatuwa, at maglalakbay upang magbahay-bahay, na humihingi ng mga libreng pagkain, partikular na ng mga kendi, o kaya pera kung minsan, na nagtatanong muna ng "trick or treat?" o "daya o kendi". Ang "daya" o "trick" ay isang hindi tunay o walang bisang banta o hamon ng pagsasagawa ng kapilyuhan sa mga may-bahay o kanilang mga ari-arian, katulad ng paghahagis ng mga itlog at harina sa mga bintana ng mga may-tahanan kapag hindi nagbigay ang mga ito ng mga kendi.

Mga sanggunian

baguhin
  1. Roger, Nichola (2002). Halloween: From Pagan Ritual to Party Night october 31 6:00 to 8:00 no earlyer or no later or we'll come get u. Palimbagan ng Pamantasan ng Oxford. pp. 28–30. ISBN 0-19-514691-3.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)


    Ang lathalaing ito na tungkol sa Kalinangan, Estados Unidos at Canada ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.