Ang kulugo (Ingles: wart; pangalang medikal: verruca) ay isang maliit at magaspang na bukol o tumor na kalimitang makikita sa mga paa at kamay ngunit maari ring matagpuan sa iba pang bahagi ng katawan. Sa kung minsan, ang mga kulugo ay maaaring mayroong maiitim na mga tuldok-tuldok.[1] Sanhi ito ng birus na tinawag na human papillomavirus (HPV). Nakakahawa ito sa pamamagitan ng pagdikit sa balat na kinaroroonan ng kulugo ng maysakit o di kaya paggamit ng mga gamit ng taong may kulugo.[1] Mayroong mga tao na madaling mahawahan ng mga kulugo.[1] Kalimitang nawawala ang mga kulugo makalipas ang ilang buwan, ngunit maaari itong tumagal nang ilang taon at maaring umulit. Ang anumang bahagi ng katawan ay maaaring tubuan o sibulan ng kulugo.[1]

Warts
Mga kulugo sa hinlalaki ng paa.
EspesyalidadDermatology Edit this on Wikidata

Mga uri ng kulugo

baguhin

Mayroong apat na pangunahing uri ng kulugo: ang verruca vulgaris, ang verruca plantaris, verruca plana, at ang verruca acuminata.[1]

  • ang verruca vulgaris (common hand wart) ay ang kulugong nasa mga kamay;
  • ang verruca plantaris (foot wart) ay ang mahapding kulugong nasa mga paa;
  • ang verruca plana (flat wart) ay ang maraming mga kulugong lumilitaw sa mukha, leeg, kamay at tuhod, na may katangiang maliliit at patag ang anyo;
  • ang verruca acuminata (genital wart) ay ang kulugo na isang uri ng mga sakit na nakukuha sa pakikipagtalik na lumilitaw sa mga ari o organong seksuwal ng kalalakihan at kababaihan. Ang kulugong ito ay napatunayang may kinalaman sa pagkakaroon ng kanser ng tao.[1]

Mga sanhi

baguhin

Ang kulugo ay dahil sa birus. Ang isang tao ay maaaring magkaroon ng kulugo dahil sa pagkakahawak niya o pagkakadikit ng kaniyang balat sa bahagi ng katawang may kulugo ng taong may sakit na ganito. Maaari ring mahawa ang isang tao sa pamamagitan ng pakikipagtalik, partikular na ang kulugo sa ari, sa isang taong may sakit na kulugo sa ari.[1]

Mga sintomas

baguhin

Ang mga sintomas ng pakakaroon ng kulugo ay nakabatay sa kinalalagyan ng kulugo. Paminsan-minsan, nakapagdurulot ito ng hapdi. Subalit malimit na nakagbibigay ito sa taong may kulugo ng pakiramdam na hindi maginhawa.[1]

Diyagnosis

baguhin

Ang pagkilala sa pagkakaroon ng kulugo ay ginagawa ng mga manggagamot sa pamamagitan ng pagtingin at pagsuri nito. Kung minsan, ngunit hindi madalas, ay nagpapagawa rin ang mga duktor ng mga pagsusulit na panglabortaryo (laboratory test), katulad ng skin culture at biyopsiya, na ang layunin ay upang matiyak ang diyagnosis na kulugo nga ang nasa balat ng pasyente.[1]

Mga lunas

baguhin

Kabilang sa mga lunas sa kulugo ang pagpapatingin sa manggagamot. Ang manggagamot ay maaaring magmungkahi na tunawin ng kulugo sa pamamagitan ng asidong salisiliko (salycilic acid), ng pagsasagawa ng kriyosiruhiya (cryosurgery, na paglalagay sa repridyereytor ng kulugo upang matanggal ang kulugo), ng paggamit ng laser ("paggamit ng matinding liwanag", laser treatment) upang alisin ang kulugo, ng elektrokauterya (electrocautery) na pagsunog at pagtanggal sa kulugo sa pamamagitan ng kuryente, at ng iba pang mga pamamaraan ng paggamot o pagtanggal ng kulugo.[1]

Mga paniniwala

baguhin

Ang sumusunod na mga paniniwala ay hindi napatunayang may kaugnayan sa pagkakaroon ng kulugo: hindi totoo na magkakaroon ng kulugo ang isang tao kapag naihian ng palaka o kapag nakahawak ng palaka; at hindi lahat ng uri ng mga kulugo ay nakapagdurulot o may kinalaman sa pagkakaroon ng kanser (ang kulugo sa ari lamang ang napatunayang may kaugnayan sa pagkakaroon ng kanser ng tao).[1]

Tingnan din

baguhin

Mga sanggunian

baguhin