Ekonomika ng paggawa

(Idinirekta mula sa Labor economics)

Ang ekonomiks na pampaggawa (Ingles: labor economics) ay isang sangay ng ekonomiks kung saan pinag-aaralan ang paraan kung paano nakakaapekto ang desisyon ng bawat trabahador at employer sa pagtakbo ng labor market. Sinusuri kung paano ang bawat miyembro sa labor market ay tumutugon sa mga pagbabagong nangyayari dito dulot ng iba’t ibang market forces. Pangunahing sinusuri ng ekonomiks na pampaggawa ang supply at demand ng trabahador at kung paano nagbabago ang mga ito base sa galaw ng sweldo, empleyo at kabuuang kita.

Lakas paggawa

baguhin

Ang lakas paggawa (labor force) ay binubuo ng mga miyembro ng populasyon na may edad labing-lima pataas na maaaring nagtatrabaho o kaya ay hindi nagtatrabaho ngunit naghahanap ng trabaho. Ang mga pasok sa ganitong edad na hindi nagtatrabaho ngunit hindi rin naghahanap ng trabaho ay hindi tinuturing kasama sa lakas paggawa. Halimbawa ng mga ganito ay ang mga asawa na nananatili lamang sa bahay o kaya ang mga nagretiro na mula sa kanilang trabaho.

Supply at Demand sa Labor Market

baguhin

Tumatakbo ang labor market sa pamamagitan ng supply at demand ng mga trabahador. Ang nasa panig ng demand sa loob ng labor market ay ang employer at ang nasa panig ng supply ay ang mga trabahador mismo. Ang labor market ay maaaring maging labor market sa industriya ng paggawa ng sapatos o kaya ay industriya ng business process outsourcing.

Labor Demand

baguhin

Ang mga employer ang may kailangan ng mga trabahador at nagbabago ang kanilang demand sa kanila base sa mga pagbabago sa presyo ng paggawa ng trabahador at sa presyo ng iba pang capital. Ang presyo ng paggawa ng trabahador o kanyang sahod ay may inverse na relasyon sa dami ng trabahador na dinedemand ng employer. Tumataas ang sahod na kailangan ibayad sa mga trabahador kadalasan ay dahil sa pagtaas din ng mga presyo ng mga bilihin. Ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin ay nagreresulta sa pagkonti ng binibili ng mga konsyumer at dahil dito ay nagbabawas rin ng produkto at trabahador ang mga employer. Ito ang tinatawag na scale effect. Ito ang epekto sa pagbago ng dami ng dinedemand na trabahador mula pagbago ng lebel ng produksiyon ng mga produkto. Maaari rin magkaroon naman ng epekto ng substitusyon (substitution effect) sa demand ng labor. Dahil sa pagtaas ng sahod ay pinapalitan ng capital o makinarya ang mga trabahador sa mga proseso na kanilang ginagawa at nababawasan ang demand para sa mga trabahador. Ginagawa ito bilang isang investment kung saan ang halaga ng pagbili ng makinarya ay mas mura kung ikukumpara sa patuloy na pagbayad ng sahod sa trabahador nang kung ilang buwan at taon.

Labor Supply

baguhin

Ang supply side ay kabaliktaran ng nangyayari sa panig demand ng labor. Kung ang pagtaas ng sweldo o sahod ay nagreresulta sa pagbawas ng mga trabahador na dinedemand ng employer, dumadami naman ang supply ng trabahador. Halimbawa ay kung tumaas ang sweldo ng pagtuturo sa paaralan, mas dadaming trabahador ang magnanais na maging guro.

Labor Market Equilibrium

baguhin

Ang equilibrium sa isang market ay isang punto kung saan may balanse ang supply at demand ng isang produkto ayon sa isang presyo. Sa presyo na ito ay parehas ang dami ng dinedemand na produkto sa supply ng produktong iyon. Sa labor market, ang produktong tinutukoy dito ay ang mga trabahador na tumututok sa lebel ng sahod na maaari nilang matanggap sa labor market. Ang presyo ng paggawa o sahod na nagbabalanse sa supply at demand ng labor ay tinatawag na market-clearing wage.

Lampas ng Equilibrium

baguhin

Maaaring ang sahod na umiiral sa isang labor market ay lampas sa sahod na nagbabalanse sa supply at demand. Kapag mas mataas ang sweldo na binibigay ng mga employer kay sa market-clearing wage, hindi lahat ng trabahador na naghahanap ng trabaho ay nabibigyan ng trabaho. Mas marami ang supply ng trabahador kay sa dami ng dinedemand ng mga employer. Para mas marami ang magkatrabaho sa isang labor market, kailangan ibaba ang sahod sa isang lebel kung saan mas marami ang kayang kunin na trabahador ng mga employer.

Mas Mababa sa Equilibrium

baguhin

Ang sahod na binibigay ng mga employer ay maaari rin maging mas mababa sa lebel na magbabalanse sa supply at demand. Kapag mas mababa ang sweldo na inaalok o binibigay ng mga employer sa tamang lebel ng sahod, mas kokonti ang gugustuhing magtrabaho sa labor market na iyon. Magkukulang ang supply ng trabahador at hindi rin mapupunan ang dinedemand ng mga employer. Sa kalagayang ito, dapat itaas ang sweldo upang magbalanse ang supply at demand at dadami rin ang magkakatrabaho sa labor market na ito.

Mga sanggunian

baguhin
  • Ehrenberg, R. and R. Smith [2009] Modern Labor Economics.