Look ng Guantánamo

Ang Look ng Guantánamo (Kastila: Bahía de Guantánamo, Ingles: Guantánamo Bay) ay isang look na matatagpuan sa lalawigan ng Guantánamo sa timog-silangang dulo ng Cuba. Ito ang pinakamalaking daungan sa katimugang bahagi ng pulo at pinalilibutan ng mga matatarik na burol na siyang likas na naghihiwalay rito sa mga kanugnog nitong lugar.

Tanawin mula sa himpapawid ng Look ng Guantánamo

Napasakamay ng Estados Unidos ang kontrol ng katimugang bahagi ng Look ng Guantánamo sa ilalim ng Tratado ng Ugnayang Cubano–Amerikano noong 1903.[1] May ganap na hurisdiksiyon at kontrol ang Estados Unios sa teritoryo, habang kinikilala naman ng Estados Unidos na mananatili sa Cuba ang soberanya rito sa hulí. Itinuturing ng kasalukuyang pamahalaan ng Cuba na ilegal ang presensiya ng Estados Unidos sa Look ng Guantánamo at ipinaggigiitan nito na ang Tratadong Cubano–Amerikano ay naisakatuparan lamang dahil sa bantâ ng puwersa na labág sa pandaigdigang batas. Sa pananaw ng ilang dalubhasa sa batas, maaaring ipawalang-bisa ang pagpapaupa rito.[2] Dito rin matatagpuan ang Guantanamo Bay detention camp na isang piitang pinamamahalaan ng Estados Unidos.

Kasaysayan

baguhin
 
Mapa ng Cuba na tinuturo ang kinaroroonan ng Look ng Guantánamo.

Ang look ay tinawag na Guantánamo ng mga orihinal na naninirahan dito na mga katutubong Taíno. Lumapag dito si Christopher Columbus noong 1494 at pinangalang Puerto Grande (Malakíng Daungan) ang look.[3] Sa kanilang pagdaong, nasaksihan ng mga tauhan ni Columbus ang paghahanda ng mga namamalakayang Taíno para sa isang piging para sa kanilang pinuno. Naging mahalagang daungan sa katimugang bahagi ng Cuba nang masakop ng mga Kastila ang pulo.

Panandaliang tinawag ang look na Look ng Cumberland nang maagaw ito ng mga Briton noong 1741 sa kasagsagan ng Digmaan ng Jenkin's Ear. Lumapag dito si Almirante Edward Vernon ng Britanya na may puwersang kinabibilangan ng walang barkong pandigma at 4,000 na kawal na nagbalak magmartsa patungong Santiago de Cuba. Subalit, nang sila'y matalo ng puwersa ng mga gerilyang kriyolyo at Kastila, sila'y napilitan na lang umatras kaysa maging bilanggo.[3] Noong huling bahagi ng 1760, napalayas ng mga barkong HMS Trent at HMS Boreas ang mga privateer ng Pransiya na Vainquer at Mackau na noo'y nagtatago sa look. Napilitan ang mga Pranses na sunugin ang Guespe na isa pa nitong privateer upang maiwasan itong mahuli.

Noong Digmaang Espanyol–Amerikano, ang plotang pandagat ng Estados Unidos na siyang umaatake sa Santiago ay nangailangang dumaong dahil sa bagyó. Pinili nito ang Guantánamo dahil sa magandang daungan nito. Dito lumapag ang mga mandirigmang marino ng Estados Unidos na inalalayan naman ng sangay ng hukbong pandagat nito nang lusubin ng mga ito ang Look ng Guantánamo noong 1898. Habang pinapasok na nila ang kalupaan, umigting lalo ang mga sagupaan at kinailangan nila ang suporta ng mga Cubanong iskawt.

Dito kalaunang itinayo sa kanluran at silangang pampang ng look ang baseng pandagat na kolokyal na tinatawag na "GTMO" o "Gitmo" na may lawak na 116 km². Itinatag ito noong 1898, nang napasakamay ng Estados Unidos ang Cuba mula sa Espanya, pagkatapos ng Digmaang Kastila-Amerikano. Ipinaloob ng bagong tatag na protektorado ng Estados Unidos ang Susog Platt sa Saligang Batas nito. Noong Pebrero 23, 1903, ipinagkaloob ng unang Pangulo ng Cuba na si Tomás Estrada Palma ang isang panghabang-panahong paupa sa paligid ng Look ng Guantánamo. Kasama sa ipinagtibay ng Tratado ng Ugnayang Cubano–Amerikano ng 1903 na ang Estados Unidos na may layuning magkaroon ng baseng pandagat at pangkarbon ay may "ganap na hurisdiksiyon at kontrol" ng Look ng Guantánamo, habang kinikilala na mananatili sa Republika ng Cuba ang soberanya sa hulí.[4]

Noong 1934, sa isang bagong Tratado ng Ugnayang Cubano–Amerikano, ipinagpatibay-muli ang paupa; ipinagkaloob naman sa Cuba at mga kakalakalan nito ang kalayaang maglabas-masok sa look; binago ang bayad sa paupa mula sa $2,000 na U.S. gold coin at naging katumbas na halaga noong 1934 ng $4,085; at ginawang permanente ang paupa, maliban na lang kung mapagkasunduan ng dalawang pamahalaan na ihinto na ito o kaya'y lisanin na lang ng Estados Unidos ang base nito.[5]

Nang matapos ang Himagsikang Cubano, pinilit ni Pangulong Dwight D. Eisenhower na hindi mabago ang katayuan ng base ng Estados Unidos, sa kabila ng pagtutol ni Fidel Castro. Ayon kay Castro, mula noon, isang tseke pa lang ang ipinapalit ng pamahalaan ng Cuba mula sa mga tsekeng ibinayad ng pamahalaan ng Estados Unidos bilang bayad upa nito. Ani Castro, ito'y dahil sa kalituhan lamang noong simula ng makakaliwang rebolusyon. Ang mga natitirang tseke na nasa pangalan ng "Treasurer General of the Republic" ("Pangkalahatang Ingat-Yaman ng Republika") — isang titulong hindi na ginamit makaraan ang rebolusyon — ay nakasilid sa isang kaha ng mesa sa tanggapan ni Castro.[6]

Inilalaban ni Alfred-Maurice de Zayas na ang kasunduan sa paupa noong 1903 ay puwersahang ipinataw sa Cuba, at ito'y isang tratado sa pagitan ng dalawang di-magkapatas, hindi na naaayon sa modernong pandaigdigang batas, at maaaring ipawalang-bisa ex nunc. Mayroon siyang anim na mungkahi upang magkaroon ng mapayapang kasunduan, kasama rito ang pagsunod sa prosesong nakabalangkas sa Vienna Convention on the Law of Treaties.[7]

Mga sanggunian

baguhin
  1. "Avalon Project: Agreement Between the United States and Cuba for the Lease of Lands for Coaling and Naval stations; February 23, 1903". Avalon.law.yale.edu. Nakuha noong 2013-03-26.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. De Zayas, Alfred (2003). "The Status of Guantánamo Bay and the Status of the Detainees" (PDF) (sa wikang Ingles). Inarkibo mula sa orihinal (PDF) noong 2009-03-24. Nakuha noong 2016-03-17.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. 3.0 3.1 Gott, Richard (2005). Cuba: A new history (sa wikang Ingles). Yale University Press. ISBN 0300111142.{{cite book}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  4. Miranda Bravo, Olga (1998). "Vecinos Indeseables: La Base Yanqui en Guantánamo". La Habana: Editorial Ciencias Sociales (sa wikang Kastila).{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. "Destination Guantanamo Bay". Avalon Law Yale. Nakuha noong 2015-07-16. {{cite journal}}: Cite journal requires |journal= (tulong)CS1 maint: date auto-translated (link)
  6. Boadle, Anthony (2007-08-17). "Castro: Cuba not cashing U.S. Guantanamo rent cheques". Reuters (sa wikang Ingles). Nakuha noong 2007-12-07.{{cite news}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  7. "The Status of Guantánamo Bay and the Status of the Detainees". University of British Columbia - Law. Nakuha noong Hulyo 1, 2014.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)