Pamilihan

(Idinirekta mula sa Market)

Ang pamilihan o merkado (Ingles: market, Kastila: mercado) ay isang pook kung saan pumupunta ang mga mamimili at ang mekanismo na kung saan nagtatagpo ang konsyumer at prodyuser. Kapag may mga bagay na ibebenta ang mga tao, nagtatatag sila ng isang pook pamilihan o pook pakyawan, katulad ng palengke, tiyangge, talipapa, baraka, tindahan, kabyawan, paryan,[1] perya,[2] at emporyum. Ang pamilihan ay isang mabuting paraan ng pagbabalanse ng dami ng bagay na maaaring ipagbili at ng mga pangangailangan sa bagay na iyon, dahil mabilis na nagbabago ang mga halaga upang magbigay ng tanda kung anong mga bagay na maipagbibili ang mababa o mataas ang dami, o kung gaano kataas o kababa ang pangangailangan sa bagay na iyon.

Wet market in Singapore

Sa usapin ng ekonomika ay gumagalaw sa isang pamilihan o market ang kompetisyon. Ang pamilihan ay grupo ng mga mamimili at nagtitinda ng isang partikular na produkto o serbisyo. Isang simpleng halimbawa nito ay ang pamilihan ng isaw sa loob ng Unibersidad ng Pilipinas. Alam ng isang mamimili na maraming nagbebenta ng isaw sa lugar kaya't marami siyang mapagpipiliang nagbebenta nito. Marami rin ang bumibili ng isaw, kaya hindi nadidiktahan isang mamimili o ng isang nagbebenta ang presyo o dami ng produktong ito. Ang tawag dito ay competitive market. Hindi kayang diktahan ng isang mamimili ang presyo ng produkto dahil kakaunti lamang ang binibili niya. Hindi rin kayang diktahan ng magtitinda ang presyo ng isang produkto dahil alam niya na marami ring nangtitindi ng parehong produkto. Kung tinaasan niya ang presyo ay pwedeng lumipat nalang ang mamimili sa ibang nagtitinda ng sa mas mababang presyo. Kung binabaan naman niya ay may posibilidad na malugi siya.

Sa isang talagang nagpapaligsahang pamilihan, ang pamilihan ay may dalawang katangian. Kinakailangan na pare-pareho ang produkto o serbisyo na ibinibenta at kinakailangan na marami ang namimili at nagtitindi ng produkto o serbisyong ito ng sa gayon ay walang ni isang mamimili o magtitinda ang may impluwensiya sa presyo o dami ng produkto o serbisyong ibinibenta.

May mga pagkakataon kung saan sa isang pamilihan ay may isang nagtitinda lamang nito. Ang tawag dito ay monopolyo. Isang halimbawa ng monopolyo ay ang pamilihan para sa elektrisidad kung saan Meralco lamang ang natatanging kompanya na nagbibigay nito. Kaya nilang diktahan ang presyo dahil wala nang iba pang kompanya ang may kayang magbigay ng ganoong produkto.

Ang oligopoly naman ay isang pamilihan kung saan kakaunti ang mga nagbebenta ng parehong produkto o serbisyo. Isang halimbawa nito ay ang pamilihan ng gasulina. Kakaunti lamang ang nagbebenta nito katulad ng Shell, Petron, Caltex atbp. Ang duopoly ay isang halimbawa ng oligopoly kung saan dadalawa lamang ang nagbebenta. Isang halimbawa nito ay ang pamilihan sa telekomunikasyon kung saan PLDT at Bayantel ang nagbibigay ng ganoong produkto.

Tingnan din

baguhin

Mga sanggunian

baguhin
  1. Gaboy, Luciano L. Market - Gabby's Dictionary: Praktikal na Talahuluganang Ingles-Filipino ni Gabby/Gabby's Practical English-Filipino Dictionary, GabbyDictionary.com.
  2. Blake, Matthew (2008). "Market". Tagalog English Dictionary-English Tagalog Dictionary. Bansa.org.{{cite ensiklopedya}}: CS1 maint: date auto-translated (link)

  Ang lathalaing ito na tungkol sa Ekonomiya ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.