Memoirs of a Geisha (pelikula)

pelikula

Ang Memoirs of a Geisha (Mga Gunita ng isang Geisha) ay isang pagsasapelikula noong 2005 ng nobelang may parehong pamagat, na ginawa ng Amblin Entertainment at Spyglass Entertainment ni Steven Spielberg at ng Red Wagon Productions ni Douglas Wick. Ito ay inilabas sa Estados Unidos noong 9 Disyembre 2005 sa pamamagitan ng Columbia Pictures at DreamWorks. Ito pinagbibidahan nina Zhang Ziyi, Ken Watanabe, Gong Li, Michelle Yeoh, Youki Kudoh, at Suzuka Ohgo. Si Ohgo ang gumaganap bilang batang Sayuri sa pelikula, na kinunan pa sa timog at hilagang California at sa ilang mga lokasyon sa Kyoto, kabilang ang templo ng Kiyomizu at ang dambana ng Fushimi Inari.

Memoirs of a Geisha
PrinodyusSteven Spielberg
IskripAkiva Goldsman
Itinatampok sinaKen Watanabe, Koji Yakusho, Suzuka Ohgo, Michelle Yeoh, Kaori Momoi, Cary-Hiroyuki Tagawa, Nobu Matsuhisa, Randall Duk Kim, Togo Igawa, Youki Kudoh
In-edit niPietro Scalia
TagapamahagiNetflix
Inilabas noong
29 Nobyembre 2005
Haba
145 minuto
BansaEstados Unidos ng Amerika
WikaIngles, Hapones
Kita162,242,962 dolyar ng Estados Unidos[1]
Ang Memoirs of a Geisha ay patungkol sa isang batang babae na si Chiyo Sakamoto, na ibinenta bilang alipin ng kanyang pamilya. Sa kanyang bagong buhay sa isang Geisha house ay pinag-aral siya upang maging isang ganap na Geisha. Ang pelikula ay higit na umiikot sa buhay ni Chiyo ukol sa kanyang pakikibaka bilang isang geisha upang mahanap ang pag-ibig, sa kabila ng kanyang mga limitasyon at mga kaaway. Ang pelikulang ito ay hinirang at nanalo ng maraming mga parangal, kabilang ang nominasyon nito para sa anim na Academy Awards, na nauwi sa tatlo: Best Cinematography, Best Art Direction at Best Costume Design.
Sa Japan, ang pelikula ay may pamagat na Sayuri, ang pangalan ni Chiyo bilang isang Geisha.

Tugon ng mga Tsino

baguhin
Ang pelikula ay nakatanggap ng ilang negatibong tugon mula sa Tsina, kasama na ang pagbabawal nito ng pamahalaan ng Tsina. Mahalagang isaalang-alang ang modernong pampolitika na konteksto sa pagitan ng Tsina at Hapon noong inilabas ang Memoirs of a Geisha sa taong 2005. Ang ugnayan sa pagitan ng dalawang bansa ay naging kritikal na nagmula sa tatlong pangunahing mga kadahilanan: ang Japan ay kamakailang binago ang kanilang mga aklat-araling pangkasaysayan, partikular sa karahasang idinulot umano ng mga Hapon sa Tsina noong digmaan ; pangalawa, ang ginawang pagbisita ng Punong Ministro ng Hapon na si Junichiro Koizumi sa dambana ng Yasukuni, na nabigay pugay mga nangamatay na Hapones dulot ng digmaan, kabilang ang ilang mga nahatulang kriminal ng digmaan, na kinundena ng ministring panlabas ng Tsina; at panghuli, tiniyak ng Tsina na ang Hapon ay hindi makatatanggap ng puwesto sa UN Security Council. Ayon sa manunulat na si Hong Ying "Ang sining ay nararapat na nakatataas sa pambansang politika". Gayunpaman, sa pagpapalabas ng Memoirs of a Geisha sa ganitong pampolitika na sitwasyon ay nakatindi pa sa kultural na di pagkakaunawaan ng Tsina at Hapon.
Ang pelikula ay orihinal na naka-iskedyul na ilabas sa takilya sa Republika ng Tsina noong 9 Pebrero 2006. Ang pangasiwaan ng estado ng Tsina sa radyo, pelikula at telebisyon ay nagpasya na ipagbawal ang pelikula noong 1 Pebrero 2006 at bansagan ito bilang "masyadong sensitibo". Sa ganitong kalagayan, ipinagpaliban ang pagaapruba ng pelikula para sa isang desisyon noong Nobyembre ng taong iyon.
Ang kaganapan ng pelikula ay sa bansang Hapon sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, noong nagaganap ang mga Ikalawang Sino-Japanese War. Sa panahong ito, binihag ng mga Hapones at sapilitang ginawang “comfort women” ang mga kababaihang Intsik. Lumitaw ang mga kontrobersiya sa Tsina mula sa isang mistulang paghahambing ng konsepto ng geisha sa prostitusyon, kasabay ng kaugnayan nito sa, at pagpapaalala ng mga “comfort women” sa bansang Hapon noong mga panahong iyon.
Ayon sa mga pahayagan, tulad ng Shanghai-based Oriental Morning Post at ang Shanghai Youth Daily, na nagbigay punto ukol sa pagbabawal ng pelikula; mayroong alalahanin na ang pagganap ng mga Tsinang aktres bilang mga geisha ay maaaring pumukaw sa mga damdamin ng mga laban sa Hapon sa kabila ng panahon ng digmaan sa pagitan ng dalawang bansa, lalo na ang paggamit ng mga kababaihang Intsik bilang sapilitang manggagawa ng sex.

Tugon ng mga Hapones

baguhin
Sa isang pagbisita sa Tokyo bilang promosyon ng pelikula, si Zhang Ziyi ay nakatanggap ng isang sulat at parsela, na nalamang ipinadala ng isang matandang Hapon na babae na umano’y nagtrabaho bilang isang geisha. Sa kanyang sulat, inihayag niya kung paano napukaw ang kanyang damdamin ng trailer nito at inaasahang ang pelikula ay muling magbabalik ng mga kawili-wiling mga alaala para sa kanya at ang kanyang mga kaibigan. Sa loob ng parsela ay ilang antigong kimono. Si Zhang Ziyi ay naluha dulot nito at pinadalhan ang babae ng isang imbitasyon sa unang gabi ng pagpapalabas ng pelikula. Siya rin ay nangakong magsuot ng isa sa mga kimono sa kaganapan bilang simbolo ng kanyang pasasalamat.
  1. https://www.boxofficemojo.com/title/tt0397535/; hinango: 28 Mayo 2022.