Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining

Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (English:The National Commission for Culture and the Arts of the Philippines, Cebuano: Nasodnong Komisyon alang sa Budaya at mga Arte) ay ang punong pampamahalaang nanungkulan para sa kalinagan sa Pilipinas. Ito ang pangkalahatang pulong-katawan sa paglikha ng patakaran, pagtutugma, at pagbibigay ng mga laang-gawad sa mga sangay para sa pangangalaga, pagpapaunlad at pagpapalaganap ng sining at kalinangan ng Pilipinas. Isa itong tagapagpatupad na sangay para sa mga patakarang ibinabalangkas nito, at gawain nito ang pangangasiwa ng mga laang-salapi para sa pagpapatupad ng mga palatuntunan at panukalang gawain sa kalinangan at sining.

Kasaysayan

baguhin

Ang matagumpay na pagpapatalsik sa diktadura noong 1986 sa pamamagitan ng Rebolusyong EDSA ng 1986 ay nagbigay inspirasyon sa iba't ibang bahagi ng lipunan na magkikatig sa likod ng bagong pamahalaan patungo sa pagpapanumbalik ng demokrasya. Noong Marso 12, 1986, ang Alliance of Artists for the Creation of a Ministry of Culture (AACMC) ay bumalangkas at nagpatibay ng panukala para sa pagtatatag ng isang Kagawaran ng Kultura. Binanggit ng grupo ang kawalan ng kakayahan ng Kagawaran ng Edukasyon, Kultura, at Isports na maglaan ng oras at atensyon sa pamamahalang pangkalinangan dahil sa napakalaking gawain ng pagtugon sa mga problema ng sistema ng edukasyon.

Tumugon si Pangulong Corazon Aquino sa paglalagda ng Executive Order 118 noong Enero 30, 1987 na nagtatag ng Presidential Commission on Culture and the Arts (PCCA). Ito ay isang maliit na ahensya kung ihahambing sa panukala ng AACMC, ngunit ang nasabing kautusan ay nakababatid sa kahalagahan ng pagkakaroon ng mga nakatuong ahensya ng kalinangan at ang mga ito ay dapat lamang ilagay sa ilalim ng panunungkulan ng isang ahensya upang mapag-ugnay ang kanilang mga gawain.

Noong 1992, sa ilalim ng bagong saligang batas, pinagtibay ng Kongreso ng Pilipinas ang Batas Republika Bilang. 7356 na nagpapasantatag sa pagpapatayo ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining na pumalit sa PCCA. Ang nasabing batas ay naguutos ng pagbabalangkas at paglikha ng mga pambansang patakaran at palatuntunin sa kultura ayon sa mga sumusunod na prinsipyo: a) pluralistiko, na nagpapatibay ng malalim na paggalang sa pagkalinangang pagkakakilanlan ng bawat pook, rehiyon o etno-linguistiko na pook, gayundin ang mga salik pangkalingang paglagom mula sa ibang mga kalinangan sa pamamagitan ng likas na kaganapan ng akulturasyon; b) demokratiko, humihikayat at tumataguyod sa pakikilahok ng karamihan ng ating kapwa mamamayan sa mga programa at proyekto nito; c) walang kinikilingan, bukas sa lahat na tao at samahan, anuman ang paniniwala, kaakibat, ideolohiya, etnikong pinagmulan, edad, kasarian o uri, na walang organisadong grupo o sektor na may monopolyo sa mga paglilingkod nito; at d) mapagpalaya, may pansin at pagmamalasakit sa dekolonisasyon at pagpapalaya ng kaisipang Pilipino upang matiyak ang ganap na pamumulaklak ng kalingang Pilipino.[1]

Ang pagkatatag ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining ay nag-udyok sa paglikha ng mga sangay pangkalinangan na nakadugtong dito, sa bisa ng parehong batas, na suriin ang mga umiiral na mandato at mga programa nito upang pagtugmain ang paghahatid ng mga serbisyong pangkalinangan. Ang Sentrong Pangkultura ng Pilipinas (CCP), sa bahagi nito, ay binago ang sarili upang maging pambansang sentro ng koordinasyon para sa sining ng pagtatanghal. Sinikap din nitong alisin ang "elitista" nitong imahe sa pamamagitan ng pagpapalakas ng mga pagkakawanggawa nito, at pagbuo ng mga pakikipagtulungan sa mga lokal na lupong pansining.[2]

Mga sanggunian

baguhin
  1. Republic Act No. 7356, Sec.5, April 3, 1992.
  2. Sta. Maria, 3–4Padron:What.