Notasyong pangsayaw
Ang talihalat na pangsayaw, notasyong pangsayaw, notasyon ng sayaw, o pagtatala ng pagsayaw ay isang simbolikong representasyon ng kilos ng pagsasayaw. May pagkakahawig ito sa notasyong pangkilos o notasyon ng galaw subalit maaaring nakalimita lamang sa pagkakatawan ng kilos ng tao at espesipikong mga anyo ng sayaw. Sari-saring mga metodo ang ginamit na upang katawanin na namamalas ng mga mata ang mga galaw, kabilang ang:
- Mga sagisag na abstrakto
- Representasyong pampigura (piguratibo)
- Pagmamapa ng bakas o daan
- Mga sistemang makanumero
- Notasyong pangmusika
- Notasyong grapiko
- Notasyon ng titik at salita
Paggamit
baguhinAng pangunahing gamit ng notasyon na pangsayaw ay ang preserbasyon ng dokumentasyon ng sayaw na klasiko, analisis at rekonstruksiyon ng koreograpiya at mga anyo ng sayaw o mga ehersisyong teknikal. Maraming iba’t ibang anyo ng notasyon na pangsayaw ang nalikha na subalit ang dalawang pangunahing mga sistemang ginagamit sa kulturang pangkanluran ay ang Labanotasyon (nakikilala rin bilang Laban ng Kinetograpiya) at ang Notasyon ng Kilos na Benesh. Ginagamit din ang Notasyon ng Kilos na Eshkol-Wachman at Pagsusulat ng Sayaw, subalit hindi gaano. Ang isa pang layunin ng notasyong pangsayaw ay ang pagdodokumento at analisis ng sayaw sa etnolohiyang pangsayaw. Dito, ang notasyon ay hindi ginagamit upang planuhin ang isang bagong koreograpiya subalit upang idokumento ang umiiral na sayaw. Ang mga sistema ng notasyong pangsayaw na pinaunlad para sa paglalarawan ng sayaw na Europeo ay kadalasang hindi mailalapat at hindi naaangkop para sa deskripsiyon ng mga sayaw na nagmula sa ibang mga kultura, halimbawa na ang mga sayaw na polisentriko ng mga kulturang Aprikano, kung saan ang kilos ng katawan na lumalagos sa puwang ay hindi gaanong mahalaga at ang karamihan ng mga kilos ay nangyayari sa loob ng katawan. May mga pagtatangkang ginawa ang mga etnomusikologo at mga etnologo ng sayaw na makapagpaunlad ng particular na mga sistemang pangnotasyon para sa ganiyang mga layunin.
Kasaysayan
baguhinMayroong mga aklat na naglalaman ng notasyong pangsayaw sa Inglatera at Italya noong kaagahan ng ika-18 daantaon. Noong 1975, muling binuo ni Ann Hutchinson-Guest Pas de Six ng koreograpong si Arthur Saint-Léon, na nagmula sa ballet na La Vivandière ni Saint-Léon noong 1844, kasama na ang orihinal na tugtugin nito na isinulat ng kompositor na Cesare Pugni, para sa Joffrey Ballet. Ang piraso ay muling binuo mula sa sariling kaparaanan na pangnotasyon ng sayaw na ginawa ni Saint-Léon na nakikilala bilang La Sténochorégraphie. Noong 1978, itinanghal ni Pierre Lacotte ang Pas de Six para sa Kirov/Mariinsky Ballet, na nagpapanatili pa rin nito sa kanilang repertoryo. Magmula noon ang Pas de Six ay itinanghal ng maraming mga kompanya ng ballet sa buong mundo, at nakikilala bilang La Vivandière Pas de Six o Markitenka Pas de Six (ayon sa pagkakatawag nito sa Rusya). Isang bantog na kalipunan ng notasyong pangsayaw ay ang Koleksiyong Sergeyev, na nirekord sa metodo ng notasyon na nilikha ni Vladimir Ivanovich Stepanov. Itinatala ng koleksiyon ang tanyag na repertoryo ng Imperial Ballet (na nakikilala sa kasalukuyan bilang Kirov/Mariinsky Ballet) na nagmula sa ika-20 daantaon–ang karamihan nito ay itinanghal ng kilalang koreograpong si Marius Petipa. Kabilang sa koleksiyon ang orihinal na mga disenyong pangkoreograpiya ni Petipa para sa mga ballet na katulad ng The Sleeping Beauty (Ang Natutulog na Kagandahan), Giselle, Le Corsaire, Swan Lake (itinanghal na katulong si Lev Ivanov). Kabilang sa iba pang mga gawa ang orihinal na bersiyon ng The Nutcracker, at ang depinitibong Coppélia ng Imperial Ballet. Sa pamamagitan ng mga notasyong ito kung kaya’t unang naitanghal sa labas ng Rusya ang mga akdang ito, na bumuo sa nukleyo ng repertoryo ng Ballet na Klasikal. Si Hanya Holm ang unang koreograpo mula sa Broadway na nagpagawa ng karapatang pangsipi ng kanyang mga notasyon, para sa kanyang akda na nasa Kiss Me Kate.
Ang unang nakakompyuter na sisteman ng notasyon, na nagpakita ng isang pigurang animado sa iskrin na nagtatanghal ng mga kilos ng sayaw na tinukoy ng koreograpo, ay ang sistema ng notasyong pangsayaw na DOM, na nilikha ni Eddie Dombrower sa pamamagitan ng personal na kompyuter na Apple II noong 1982 (tingnan ang Dance Notation Journal, Fall, 1986, 4(2) pp. 47–48.) Ilang sa mga sistema ng notasyon ang ginagamit lamang para sa tiyak mga anyong pangsayaw, halimbawa na ang Shorthand Dance Notation (para sa mga sayaw mula sa Israel), Morris Dance Notation (sayaw na Morris), at ang notasyong Beauchamp-Feuillet (sayaw na Baroque).
Ang aklat ni Ann Hutchinson-Guest na pinamagatang Choreographics (1989) ay naghahambing ng labintatlong makasaysayan at pangkasalukuyang mga sistema ng notasyong pangsayaw (mayroong mga halimbawang nakikita) at sa pamamagitan ng isa-isang paghahambing na naglalarawan ng mga kainaman, at mga hindi kainaman ng bawat isang sistema. Ang aklat ay isang mabuting pagpapakilala sa pagpapaunlad at pagpapatupad ng mga sisteman ng notasyon na pangsayaw.