Padron:Portal:Kasaysayan/Itinatampok na Artikulo/3
Ang Imperyo Bisantino at Imperyo Romano sa Silangan ay mga pangalang inilalapat sa Imperyo Romano noong Gitnang Panahon na may kabisera sa Constantinopla (na ngayo’y Istanbul).
Tinutukoy ito ng mga naninirahan dito pati ng mga kalapit na bansa bilang Imperyo Romano (sa Griyego Βασιλεία Ῥωμαίων, Basileía Rhōmaíōn) o Imperyo ng mga Romano o Romania (Ῥωμανία, Rhōmanía). Ang mga emperador nito ang nagpatuloy ng pamamahala ng mga emperador Romano upang panatiliin ang tradisyon at kulturang Griyego-Romano.
Sa daigdig Islamika, higit na kilala ito bilang روم (Rûm "Roma"). Dahil naman sa pananaig ng Griyego sa wika, sa kultura at sa buhay, kilala ito sa Kanluran o Europa noong mga panahong iyon bilang Imperium Graecorum, Imperyo ng mga Griyego. Ang pag-inog ng Imperyo Romano sa Silangan mula sa matandang Imperyo Romano ay isang proseso na nagmula noong ilipat ni Constantino ang kabisera sa Bizancio mula sa Nicomedia, Anatolia (ng kasalukuyang Turquia). Binansagan ang Bizancio ng bagong pangalan - ang Bagong Roma (Nova Roma) o Constantinopla - na nasa pasig ng Bosforus. Pagdatal ng siglo 7 sa ilalim ng paghahari ni Emperador Heraclio, ang mga reporma nito ang nagpabago sa lakas militar ng imperyo. Noong mga panahong ito kinilala ang Griyego bilang opisyal na wika na nagdulot din ng bagong karakter sa imperyo.
Sa libong taon pag-inog ng Imperyo kasama ang maraming balakid at pagkawala ng mga teritoryo, napanatili niya ang sarili bilang isa sa pinakamalakas na pwersa militar, kultural at ekonomika sa buong Europa. Kumalat ang impluwensiya nito sa Hilagang Africa at sa Malapit Silangan halos buong Edad Media. Matapos ang huling pagbawi sa ilalim ng dinastiyang Comnena noong siglo 12, unti-unting lumubog ang Imperyo hanggang sa paglupig rito ng mga Turkong Otomano sa Constantinopla at sa mga natitira nitong teritoryo noong siglo 19.
Kuta ng Kristiyanismo ang imperyo at isa sa mga pangunahing lunduyan ng kalakalan ito sa mundo. Ito ang tumulong sa pagtatanggol sa paglusob ng mga Muslim sa kanlurang Europa. Pinatatag nito ang pananalapi sa buong rehiyong Mediterreneo. Malaki ang naging impluwensiya nito sa mga batas, sistema politika at kaugalian ng halos buong Europa at Gitnang Silangan. Pinanatili rin nito ang mga gawa sa panitikan at agham ng matandang Grecia, Roma at iba pang mga kultura. Ang katagang “Imperyo Bizantino” ay isang katha ng mga mananalaysay at hindi ginamit noong panahon ng imperyo. Ang pangalan ng imperyo sa Griyego ay Basileia Rhōmaiōn (Griyego: Βασιλεία Ῥωμαίων) — "Ang Imperyo ng mga Romano" – salin mula sa pangalan nito sa Latin na Imperyo Romano (Latin: Imperium Romanōrum); o Rhōmania (Griyego: Ῥωμανία).