Paglalathala sa kompyuter

(Idinirekta mula sa Paglalathalang pangmesa)

Ang paglalathala sa kompyuter (sa Ingles: Desktop publishing na pinaiiksi bilang DTP; lit. na '"paglalathala sa ibabaw ng mesa"') ay ang paglikha ng mga dokumento sa pamamagitan ng sopwer na pambalangkas ng pahina na ginagamit ang isang personal na kompyuter.

Scribus, isang aplikasyon na pangpaglalathala sa kompyuter na may bukas na pinagmulan.

Ginagamit ang kataga para sa paglalathala sa lahat ng mga kaantasan, magmula sa mga dokumentong pangmaliitang pagpapamudmod o pagkakalat na katulad ng mga sulat-pambalita o newsletter hanggang sa mga aklat, mga magasin at mga pahayagan. Subalit ang katawagan ay nagpapahiwatig ng isang kinalabasang mas propesyunal ang kaanyuan, na may mas masalimuot na kalatagan, kaysa sa pagpoproseso ng mga salita o word processing, kung kaya’t nang ipakilala noong dekada 1980 ito ay kadalasang ginagamit na may kaugnayan sa mga tahanan at maliliit na mga organisasyon na hindi dati-rating makagawa ng mga dokumentong may kalidad na pampalimbagan o iyong ginagawa sa mga plantang palimbagan.

Kasaysayan

baguhin

Nagsimula ang paglalathala sa pamamagitan ng personal na kompyuter noong 1985 nang ipakilala ang MacPublisher, ang unang programa ng paglalatag ng WYSIWYG, na tumatakbo sa orihinal na kompyuter na Apple Macintosh na may 128K. (Dumating ang panghanda ng tipo o desktop typesetting, na may limitadong kasangkapang panglikha ng pahina, noong 1978-1979 dahil sa pagpapakilala ng TeX, at nadugtungan pa noong kaagahan ng dekada 1980 sa pamamagitan ng LaTeX.) Yumabong ang pagbili ng DTP noong 1985 dahil sa introduksiyon noong Enero ng panlimbag na LaserWriter ng Apple Inc., at lumaon noong Hulyo ng pagpapakilala ng sopwer Adobe PageMaker mula sa Aldus Corporation na mabilis na nagging pamantayang sopwer ng industriya ng DTP.

Bago ang pagsapit ng simula ng paglalathala sa kompyuter, ang mapagpipilian lamang ng karamihan sa mga tao para sa paggawa ng minakinilyang mga dokumento (hindi isinulat ng kamay) ay ang makinilya, na nag-aalok lamang ng kaunting mga tipo ng titik (karaniwang may pirmihang lapad) at isa o dalawang sukat o laki ng mga titik.

Gayon nga, isang bantog na aklat na pampaglalathala sa kompyuter ay pinamagatang The Mac is not a typewriter (Ang Mac ay hindi isang makinilya).[1] Ang kakayahang makalikha ng mga kalatagang pampahina na WYSIWYG sa iskrin at gayon din ng mga pahinang nakalimbag na naglalaman ng teksto at mga elementong grapikal na nasa malutong na resolusyong 300 may dpi o “tuldok sa bawat pulgada” ay rebolusyonaryo kapwa para sa industriya ng paghahanda ng tipo (typesetting) at industriya ng personal na kompyuter. Ang mga pahayagan at iba pang mga publikasyong nakalimbag ay lumipat papuntang mga programang nakasalalay sa paglalathala sa kompyuter magmula sa mga sistema ng paglalatag na katulad ng Atex at iba pang katulad na mga programa noong kaagahan ng dekada 1980.

Ang katawagang Ingles na "desktop publishing" ay pinasimulan ng tagapagtatag ng Aldus Corporation na si Paul Brainerd,[2] na naghahanap ng pariralang panghikayat para sa pamilihan upang mailarawan ang ganitong kahanayan ng mga produktong maliit lamang ang sukat at may kaugnay na makakayanang halaga, bilang paghahambing sa pangkomersiyong kagamitan para sa paghahanda ng tipo na kinukunan ng litrato noong mga panahong iyon.

Batay sa mga pamantayan ng kasalukuyan, ang kaagahan ng paglalathala sa kompyuter ay primitibo na. Ang mga tagagamit ng sistemang PageMaker-LaserWriter-Macintosh na 512K ay nagdusa ng madalas na pagtigil at pagkasira ng sopwer,[3] makipot na pagpapakita mula sa munting 512 x 342 at may isang bit na panooran o iskring monokromo, ng kakayahang kontrolin ang pagpapatlang ng titik, kerning (ang pagdaragdag o pagtatanggal ng puwang sa pagitan ng indibiduwal na mga karakter sa loob ng isang piraso ng teksto ng inihandang tipo o typeset upang mapainam ang kaanyuhan nito o baguhin ang kaakmaan) at iba pang mga tampok na pangtopograpiya, at mga hindi pagtutugma o diskrepansiya ng ipinapakita sa iskrin at ng lumabas na inilimbag. Subalit, isa itong mapanghimagsik na pagsasama-sama noong mga panahong iyon, at tinanggap na may pagtangkilik.

Ang mga teknolohiyang nasa likod ng eksena na pinaunlad ng Adobe Systems ang naglaan ng pundasyon para sa mga pamprupesyunal na mga aplikasyon na para sa paglalathala sa kompyuter. Ang mga aparatong panlimbag na LaserWriter atLaserWriter Plus ay may kasamang font ng Adobe PostScript na may mataas na kalidad o uri at nasusukat, na nasa loob ng kanilang memorya ng ROM. Ang kakayahan ng PostScript ng LaserWriter ay nagpahintulot sa mga tagapagdisenyong pampaglalathala na bigyan ng suriin ang mga talaksan habang nasa isang local na panlimbag at pagkaraan ay ililimbag ang talaksan ding iyon sa mga tanggapang pampalingkuran ng DTP na ginagamit ang mga makinang panlimbag na PostScript na may resolusyong optikal na 600+ ppi katulad ng mga nagmula sa Linotronic. Pagdaka, pinakawalan naman ang Macintosh II na mas naaangkop para sa paglalathala sa kompyuter dahil sa mas malawak na kakayahang mapalawak pa, suporta para sa malalaking mga panooran na maramihang monitor (multi-monitor) na may kulay, at ang ugnayang-mukha ng imbakang SCSI nito na nagpahintulot na maikabit sa sistema ang mabibilis at may mataas na kapasidad na mga hard drive.

Bagaman ang mga sistemang pang-Macintosh ay magpapatuloy sa pangingibabaw sa pamilihan, noong 1986, ang Ventura Publisher na pang GEM ay ipinakilala para sa kompyuter na may MS-DOS. Habang ang metaphor ng pasteboard o pisarang-dikitan ng PageMaker ay malapit na nagagaya ang proseso ng kinakamay na paglikha ng mga kalatagan o layout, naging may awtomasyon o may tampok na pagkusa ang proseso ng paglalatag sa Ventura Publisher dahil sa paggamit nito ng mga tag/mga pilas ng estilo at kusang lumilikha ng mga indeks o talatuntunan at iba pang mga materya ng katawan (body matter). Dahil dito, nagging mas angkop para sa mga gabay o mga manual at iba pang mga dokumentong may mahabang pormat o anyo. Pumasok ang paglalathala sa kompyuter sa pamilihang pantahanan noong 1986 sa pamamagitan ng Professional Page para sa Amiga, Publishing Partner (kasalukuyang PageStream) para sa Atari ST, Timeworks Publisher ng GST sa PC at Atari ST at Calamus para sa Atari TT030. Nalathala ang kahit na mga sopwer na Apple II at Commodore 64 para sa mga kompyuter na may 8 bit: ang Home Publisher, The Newsroom at geoPublish.

Sa kaagahan ng kapanahunan nito, ang paglalathala sa kompyuter ay nagkamit ng masamang reputasyon bilang kinalabasan ng hindi sinanay na mga tagagamit na lumikha ng mga hindi organisadong kalatagan na may epekto na pangsulat na panghingi ng ransom — ang kahalintulad na pagtuligsa o kritisismo ay ihaharap muli laban sa mga naunang tagapaglathala sa Web isang dekada ang makalipas. Subalit, may ilang nakapagpatupad ng talagang mga resultang pangdalubhasa.

Dating itinuturing na isang pangunahing kasanayan, ang tumaas na pagkanapupuntahan ng mas maginhawang gamitin na mga sopwer ng DTP ang nag-angat sa DTP bilang pampangalawa o sekundaryong kasanayan sa pagdidirekta ng sining, disenyong grapiko, pagpapaunlad ng multimidya, komunikasyong pampamilihan, mga larangan sa pangangasiwa at masulong na pagkatuto sa mataas na paaralan o hayskul habang nasa mga ekonomiyang umuunlad.[kailangang linawin] Ang antas ng kasanayan sa DTP ay sumasaklaw mula sa kung ano ang natututuhan sa loob ng ilang mga oras (halimbawa na ang matutunan kung paano maglagay ng mga “clip art” o sining na ginugupit sa isang pamproseso ng salita) hanggang sa isang nangangailangan ng edukasyon sa dalubhasaan o kolehiyo at mga taon ng karanasan (katulad ng mga posisyon sa isang ahensiya ng pagpapatalastas). Ang disiplina ng mga kasanayan na pang-DTP ay sumasakop sa magmula sa kasanayang teknikal na katulad ng produksiyon bago ang aktuwal na paglilimbag atpagpoprograma hanggang sa mga kasanayang panglikha katulad ng disenyo ng komunikasyon at pagpapaunlad ng imaheng grapiko.

Terminolohiya

baguhin

Mayroong dalawang uri ng mga pahina sa paglalathala sa kompyuter: ang pahinang elektroniko at ang mga birtuwal na pahinang papel na ililimbag sa ibabaw ng mga pisikal na pahinang papel. Lahat ng mga dokumentong ikinompyuter ay teknikal na elektroniko, na may limitasyon sa sukat lamang dahil sa memorya ng kompyuter o puwang o espasyo ng imbakan ng dato sa kompyuter.

Sa lumaon, ang mga birtuwal na mga pahinang papel ay ililimbag, kaya’t nangangailangan ng mga parametrong pampapel na tumutugma sa pandaigdigang pamantayan ng mga sukat ng pisikal na papel na katulad ng "A4," "letter," atbp., kung hindi ito mga sukat na pinasadya para sa pagtabas. Ilang mga programa para sa paglalathala sa kompyuter ang nagpapahintulot ng mga pinasadyang sukat na itinalaga para sa malaking paglilimbag ng pormat na ginagamit sa mga poster, mga billboard at mga karatulang na para sa palabas na pangkalakalan. Ang isang birtuwal na pahinang ililimbag ay may isang nauna nang itinalagang sukat ng materyal na pangbirtuwal na paglilimbag at maaaring tingnan sa monitor na nasa anyong WYSIWYG. Bawat isang pahinang ililimbag ay mga sukat ng pagtabas (gilid ng papel) at isang pook na malilimbagan kung hindi uubra ang paglilimbag na pinadurugo katulad ng sa kaso ng karamihan sa mga panlimbag na pampaglalathala sa kompyuter.

Ang pahina sa web ay isang halimbawa ng isang pahinang elektroniko na hindi nabibigyan ng limitasyon ng mga parametro ng papel na birtuwal. Karamihan sa mga pahinang elektroniko ay maaaring dinamiko o masiglang bigyan ng ibang sukat, na nagdurulot ng nilalaman na maitutugma ang sukat sa pahina o magdurulot ng muling pagdaloy ng nilalaman.

Ang mga pahinang batayan o master pages sa Ingles ay mga suleras na ginagamit sa kusang pagkopya o pag-uugnay ng mga elemento at mga estilo ng disenyong grapiko sa ilan o lahat ng mga pahina ng isang dokumentong may maramihang mga pahina. Ang mga inugnay na mga elemento ay maaaring baguhin na walang kinakailangan pagbago sa bawat isang pagkakataon ng isang elemento sa ibabaw ng mga pahina na gumagamit ng kaparehong elemento. Ang mga pahinang batayan ay maaaring ring gamitin upang ilapat ang mga estilo ng disenyong grapiko sa mga kusang paglalagay ng bilang sa mga pahina.

Ang pagkakalatag ng pahina o page layout ay ang proseso kung saan ang mga elemento ay inilalapat sa pahina ng sunud-sunod, ginagamitan ng estetika, at may katumpakan. Ang mga pangunahing tipo ng mga komponenteng ilalapat sa isang pahina ay kinabibilangan ng teksto, mga nakaugnay na mga imahe na maaari lamang baguhin bilang isang panlabas na napagkunan, at ibinaong mga imahe na maaaring baguhin sa pamamagitan ng sopwer na panglapat ng kalatagan. Ilang mga nakabaong imahe ay iniayos o nirerender sa loob ng sopwer na panglapat, habang ang iba naman ay maaaring ilagay magmula sa talaksan ng imahe ng panlabas na pinagkukunan. Ang teksto ay maaaring imakinilya papasok sa latag, ipinupuwesto, o sa pamamagitan ng mga aplikasyon na pang-paglalathala ng kalipunan ng dato (database publishing) na nakaugnay sa isang panlabas na napagkukunan ng teksto na nagpapahintulot ng maramihang editor o patnugot na sabayang makapagpaunlad ng isang dokumento.

Ang mga estilo ng disenyong grapiko na katulad ng kulay, pagkanaaaninag, at mga panala, ay maaari ring gamitin o ilapat sa mga elementong pangkalatagan. Ang mga estilo ng tipograpiya ay maaaring gamitin nang kusa sa teksto sa pamamagitan ng mga pilas ng estilo. Ilang mga programa ng paglalapat ang mayroong mga pilas ng estilo na para sa mga imahe o larawan bilang karagdagan sa teksto. Ang mga estilong grapiko para sa mga imahe ay maaaring mga hugis para sa hangganan, mga kulay, mga transparensiya, mga piltro o panala, at isang parametro na nagtatalaga ng paaran ng pagdaloy ng teksto sa paligid ng bagay na tinatawag sa Ingles bilang "wraparound" o "runaround" na nangangahulugang pambalot sa paligid at pantakbo sa paligid.

Mga paghahambing

baguhin

Sa pamproseso ng salita

baguhin

Bagaman ang mga sopwer na pangpaglalathala sa kompyuter ay nakapagbibigay pa rin ng malawak na mga tampok na kailangan sa paglalathalang inililimbag, ang makabagong mga tagapagproseso ng salita sa ngayon ay mayroon nang mga kakayanang pampaglalathala na lampas na sa maraming mga naunang mga aplikasyon na pang-DTP, na nagpapalabo sa guhit na nasa pagitan ng pagpoproseso ng salita at paglalathala sa kompyuter.

Sa kaagahan ng panahon ng mga ugnayang-mukha na pangtatagamit na grapikal, ang sopwer ng DTP ay kanyang pansariling kaurian kung ihahambing sa isinaunang mga aplikasyon na pamproseso ng salita noong mga panahong iyon. Ang programang katulad ng WordPerfect at WordStar ay pangunahin pa ring nakabatay sa teksto at nag-aalok lamang na kaunti sa paraan ng paglalatag ng pahina, bukod na lamang marahil sa mga sukat ng hangganan at puwang ng mga linyang pangtalataan. Sa kabilang dako, ang sopwer na pamproseso ng salita ay kinakailangan ay para sa mga tampoik na katulad ng paglalagay ng taluntunan o pag-iindeks at pagtingin kung tama ang mga pagbabaybay, mga tampok na pangkaraniwan sa maraming mga aplikasyon sa kasalukuyan.

Dahil sa pagiging mas makapangyarihan ng mga kompyuter at mga sistemang pampatakbo o pampaandar, ang mga tagapagbenta ay naghanap ng mga paraan upang maibigay sa mga tagagamit ng isang plataporma may nag-iisang aplikasyon na maaaring makatugon sa lahat ng mga pangangailangan nila.

Sa iba pang mga elektronikong sopwer na panlatag

baguhin

Sa makabagong paggamit, ang DTP ay hindi pangkalahatang sinasabi na nagsasama ng mga kagamitang katulad ng TeX o troff, bagaman kapwa sila maginhawang magagamit sa isang modernong sistema na pang-desktop at laging mayroon sa mga sistemang pampatakbo na katulad ng Unix at madaling makukuha upang gamitin mula sa iba pang mga sistema. Ang pangunahing pagkakaiba sa pagitan ng sopwer para sa paglalapat ng uri ng titik o typesetting na elektroniko at ng sopwer ng DTP ay pangkalahatang interaktibo ang sopwer ng DTP at WYSIWYG, partikular na sa disenyo, habang ang ibang mga elektronikong sopwer na panglapat ng uri ng titik, katulad ng TeX, LaTeX at iba pang kahalintulad o bersiyon, ay may gawing tumakbo habang nasa moda ng bungkos, kung saan nangangailangan ang tagagamit na ipasok ang programang pamproseso ng wikang pangmarka o markup language na hindi kaagad nakikita o napagmamasdan (biswalisasyon) ang natapos at nabuong produkto.

Ang ganitong uri ng daloy ng trabaho ay hindi gaanong maginhawa para sa tagagamit kapat inihambing sa WYSIWYG, ngunit mas naaangkop para sa mga artikulong pampagpupulong o pangkadalubhasaan pati na sa mga sulat-balita o newsletter na pangkorporasyon at iba pang mga aplikasyon kung saan mahalaga ang palagian o pirmihan at kusang paglalatag.

Isa sa pinakamaaga at komprehensibong mga aklat na sanggunian hinggil sa sining ng paglalathala sa kompyuter ay ang Desktop Publishing For Everyone o Paglalathala sa Kompyuter Para sa Lahat ni K.S.V. Menon. Ang lathalaing ito ay tumatalakay sa halos lahat ng mga tampok ng paglalathala at halos lahat ng mga kasangkapang makukuha na tila nasa panahon ng paglalathala ng aklat na ito noong taong 2000. Kasalukuyang hindi na ito inililimbag.

May ilang pagsasala-salabat sa pagitan ng paglalathala sa kompyuter at ng nakikilala sa pangalang paglalathalang Hypermedia (iyong Web design, Kiosk, CD-ROM). Maraming mga grapikal na mga HTML editor o patnugot ng HTML na katulad ng Microsoft FrontPage at Adobe Dreamweaver ang gumagamit ng isang makinang panglatag na kahalintulad ng isang programa ng DTP. Subalit, may ilang mga tagapagdisenyo ng Web na mas gustong magsulat ng HTML na walang tulong isang patnugot o editor ng WYSIWYG editor, para mas malakihang pagkontrol o pagtaban at dahil sa ang mga patnugot na ito ay kadalasang nagreresulta sa tinatawag sa Ingles na code bloat o pagkabondat dahil sa mga kodigo.

Mga aplikasyon na pang-DTP

baguhin

Mga sanggunian

baguhin
  1. Robin Williams, The Mac is not a typewriter: A style manual for creating professional-level type on your Macintosh (Berkeley: Peachpit Press, 1990), 11.
  2. Stiff, Paul (13 Setyembre 2006). "The Stafford papers". The optimism of modernity: recovering modern reasoning in typography. Nakuha noong 27 Disyembre 2009.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. Thompson, Keith (1987-06-08). "MacIntosh Layout Package Remarkably Fast, Powerful". InfoWorld. 9 (23): 50, 51. Nakuha noong 2011-04-15.{{cite journal}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
baguhin