Pagsasaliw
Sa larangan ng musika, ang pagsasaliw (Ingles: accompaniment) ay ang sining ng pagtugtog sa piling isang soloista o pangkat na pangmusika, na kadalasang nakikilala bilang pangunahing instrumento, sa paraang sumusuporta. Ang pagsasaliw ay maaaring isagawa ng nag-iisang tagaganap - isang pianista, organista, o gitarista - o maaari itong tugtugin ng isang buong ensembol (pangkat na pangtugtugin), katulad ng isang orkestrang simponiya o kuwartet na pambagting (sa klasikal na henero), isang bandang panlikuran o seksiyon ng ritmo (sa musikang popular), o kahit na sa malaking banda o trio ng organ (sa jazz). Maaari itong ituring bilang panlikuran sa pangharapang melodiya.
Nilalarawan din ng katagang pagsasaliw ang kumposisyong musika, kaayusan (pagkakaayos) o arrangement, o improbisadong (hindi pinaghandaan na) pagganap na tinutugtog upang suportahan ang soloista. Sa halos lahat ng mga estilong klasikal, ang bahagi ng pagsasaliw ay isinulat ng kumpositor at ibinigay sa mga manunugtog sa anyo ng pilas ng musika. Sa jazz at sa musikang popular, ang bandang pangsuporta o seksiyong pangritmo ay maaaring gawing improbisado ang pagsasaliw na nakabatay sa mga pormang pamantayan, katulad ng sa kaso ng isang maliit banda ng blues o isang banda ng jazz na tumutugtog ng isang may 12 bara na progresyon ng blues, o ang banda ay maaaring tumugtog magmula sa isang nakasulat na kaayusan sa isang malaking banda na pang-jazz o sa isang palabas sa isang teatrong pangmusika.
Ang lathalaing ito na tungkol sa Musika ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.