Pagsusuri sa pagkasira
Ang pagsusuri sa pagkasira (sa Ingles: failure analysis) ay isang proseso ng pangongolekta at pag-aaral ng mga datos upang matukoy ang sanhi ng pagkasira ng isang bagay. Ito ay isa sa mahalagang aspeto sa mga pagawaan, tulad sa industriya ng mga elektronika, lalo na sa pagbuo ng mga bagong produkto at sa pag-unlad ng mga kasalukuyang produkto. Ang proseso ng pagsusuri sa pagkasira ay nakasalalay sa pangongolekta ng mga nasirang bagay para sa mga susunod na pagsusuri ng mga sanhi ng pagkasira gamit ang iba't-ibang paraan lalo na ang microscopy at espektroskopya. Mahalaga ang paggamit ng mga NDT o non-destructive testing (tulad ng industrial computed tomography scanning) upang umpisahan ang proseso dahil wala itong epekto sa nakokolektang sirang parte.
Ang unang bahagi ng pagsusuri sa pagkasira ay ang pagsisiyasat sa nasirang proseso o bagay. Ang pagsisiyasat na ito ay sinasagawa gamit ang mga siyentipikong paraan ng pagsusuri tulad ng pagsukat ng mga katangiang elektrikal at mekanikal, o ang pag-intindi ng datos ng pagkasira tulad ng mga ulat ukol sa mga produktong tinanggi o mga halimbawa ng mga bagay na nasira sa magkaparehong paraan. Ang ibait-ibang pagsusuri ng inhinyeriyang forensic ay mahalaga para malaman ang sanhi ng mga depekto at sira. Kasama dito ang pagkakabasag na dulot ng paulit-ulit na paggamit, pagkakalawang o dahil sa kapaligiran. Mahalaga rin ang mga pahayag ng mga nakasaksi ng pagkasira upang malaman ang maaring naging sanhi at bunga nito. Maaari ring suriin ang aspetong pantao kapag nalaman na ang sanhi ng pagkasira. Maraming iba't-ibang kapaki-pakinabang paraan upang maiwasan ang pagkasira ng isang bagay, kabilang dito ay ang paraan ng pagkasira at pagsusuri ng epekto (failure mode and effects analysis o FMEA) at ang fault tree analysis (FTA), ginagamit ang mga pagsusuri na ito sa paggawa ng prototype upang malaman ang mga maaaring sanhi ng pagkasira bago ibenta ang produktong ito.
Ang mga teorya ng pagkasira ay mabubuo lamang gamit ang mga datos, pero kapag kailangan ng mabilisang pag-aayos, kinakailangan na maglagay ng mga panukalang pangkaligtasan. Halimbawa, sa mga aksidenteng nangyayari sa himpapawid, lahat ng kaparehong uri ng eroplano ay maaaring isuspinde agad-agad depende sa malalamang sanhi ng pagkasira.