Pagtatapos
Ang pagtatapos o graduwasyon ay ang pagkuha ng isang diploma o akademikong grado o ang seremonya na minsa'y nakakabit dito, na ang mga mag-aaral ay naging gradwado o tapos. Bago ang pagtatapos, tinutukoy ang mga kandidato bilang magtatapos. Tinatawag na araw ng pagtatapos ang petsa kung saan magaganap ang pagtatapos. May iba't ibang seremonya ang ginagawa sa iba't ibang bansa. Sa Estados Unidos, kapag sinabing commencement, convocation o invocation ang seremonya, madalas tumutukoy ito sa pagtatapos sa mataas na paaralan at mas mataas pa (tulad ng Asosyado, Batsilyer, Master at Paham o Doktorado). Nauuso na rin sa Estados Unidos ang mga pagtatapos sa elementarya at kindergarten. Kapag may seremonya, kinabibilangan ito ng isang prusisyon ng mga kawaning akademiko, mga kandidato at isang valediction o pamamaalam. Sa kolehiyo o pamantasan na antas, kadalasang nagsusuot ang pakultad ng mga damit akademiko sa pormal na mga seremonya, gayon di ang mga tagapangalaga at mga kandidato.