Penomenolohiya (pilosopiya)
Isang paraan ng pagsasaliksik ang penomenolohiya, na nakaugat sa palagay na binubuo ng mga bagay at mga pangyayari ang katotohanan. Ipinapalagay din na batay sa karanasan at pang-unawa ng ating kamalayan bilang tao ang katotohanan at walang katotohanan kung hindi ito nakaugnay sa kamalayan. Binuo ang sistemang ito sa maagang bahagi ng ika-20 siglo ni Edmund Husserl at ng kanyang mga mag-aaral sa mga pamantasan ng Göttingen at Munich sa Alemanya. Maraming paksa sa penomenolohiya na tinalakay ng mga pilosopo sa Pransiya, sa Estados Unidos, at iba pang mga lugar, na walang kaugnayan sa mga akda ni Husserl.
Nagmula sa mga salitang Griyego na phainómenon (ibig sabihin, "ang nakikita") at lógos ("pag-aaral") ang "penomenolohiya." Ayon kay Husserl, ang balangkas ng kamalayan ang pangunahing layunin ng pag-aaral sa penomenolohiya. Kasama rin sa pag-aral nito ang mga pangitain (phenomena) na nagpapakita sa mga gawain ng kamalayan, mga pinatutungkulan ng masugid na pag-iisip at pagsasaliksik. Isinasagawa ito sa paningin ng "unang panauhan" (panghalip: tumutukoy sa "ako," "tayo") na sumailalim sa matinding pagwawasto. Kaya naman hindi pinag-aaralan ang phenomena sa paraan ng pagpapakita nito sa "aking" pansariling kamalayan. Mas matimbang dito ang pagpapakita nito sa kamalayan ninuman. Naniniwala si Husserl na matibay na batayan ng lahat ng karunungang pangsakatauhan ang penomenolohiya, kabilang na ang pang-agham na karunungan, at ang pagtatatag ng pilosopiya bilang isang "eksakto at matibay na agham".
Binigyang-puna at pinagyabong ang pag-aaral ng penomenolohiya, hindi lamang sa pagsisikap ni Husserl kundi sa mga ambag din ng kanyang mag-aaral at kasama na si Martin Heidegger, at ng mga eksistentialista, tulad nina Maurice Merleau-Ponty, Jean-Paul Sartre, at iba pang mga pilosopo, tulad nina Paul Ricoeur, Emmanuel Levinas, at Dietrich von Hildebrand.
Ang lathalaing ito na tungkol sa Pilosopiya ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.