Ang Popping ay isang istilo ng pagsasayaw at isa sa mga orihinal na istilong funk na sinasabing nagmula sa Fresno, California noong dekada sisenta hanggang dekada sitenta (1960’s-70’s). Ito ay base sa paraan ng mabilis na paggalaw ng isang parte ng katawan na magreresulta ng pagpitik nito. Ito ay tinatawag na pop, tick o hit. Ito ay ginagawa ng tuloy-tuloy kasabay ng ritmo ng kanta at sinasabayan ng iba’t-iba pang mga galaw. Ang Popping ay ginagamit rin upang sumaklaw sa isang grupo ng magkakalapit na istilo ng pagsasayaw na madalas na isinasabay sa Popping. Ang isang mananayaw na gumagamit ng istilong Popping ay tinatawag na Popper.

Kapag ginamit bilang isang istilo ng hip hop, ang Popping ay karaniwang sinasayaw sa isang laban, kung saan ang mga kalahok ay nagpapagalingan sa pagsasayaw sa harap ng mga manonood. Ito ay nagbibigay ng lugar upang ang mga mananayaw ay gumawa ng sarili nilang mga galaw at ng mga galaw na hindi madalas makita sa karaniwang pagtatanghal. Bilang isang pangkalyeng sayaw, ito rin ay naglalayon na makipag-ugnayan ang mga mananayaw sa mga manonood.

Terminolohiya

baguhin

Tulad ng sinabi kanina, ang Popping ay ginagamit upang sumaklaw sa isang grupo ng magkakalapit na istilo ng pagsasayaw na madalas na isinasabay sa Popping. Subalit ang paggamit ng Popping bilang pangalang kumakatawan sa isang malaking grupo ng mga istilo ay hindi sinasang-ayunan ng iba. Ang mga kaugnay na istilo ng Popping ay dapat raw maihiwalay sa Popping upang hindi tawagin ang mga mananayaw ng mga ito na Poppers (hal. Isang waver, tutter o strober).

Madalas na napagkakamalang saklaw ng Breakdancing ang Popping. Ang malaking bahagi nito ay dahil sa mga pelikulang Breakin' at Breakin 2: Electric Boogaloo. Sa mga pelikulang ito, ang iba’t-ibang klaseng sayaw ay nilagay lahat sa ilalim ng Breakdance at nagdulot ng pagkalito. Ito ang dahilan ng pag-uugnay ng media sa mga istilong funk (popping, locking at electric boogaloo) sa musikang hip hop at ang pagsasabing pareho lang ang popping at electric boogaloo sa breaking. Ang kaibahan ng dalawa ay ang breaking ay nagmula sa Bronx, New York at ito ay sinasayaw sa sahig habang ang popping at electric boogaloo ay galing sa Fresno, California at sinasayaw ng nakatayo.

Mga Katangian

baguhin

Ang popping ay nakasentro sa paraan ng mabilis na paggalaw ng isang parte ng katawan na magreresulta ng pagpitik nito. Ang popping ay maaaring gawin sa iisang parte ng katawan lamang na magreresulta sa maraming klase ng popping. Maaari ring mag-iba ang antas ng lakas ng bawat pitik. Ang mga malalakas na pitik ay kadalasang sanhi ng pagpapapitik ng itaas at ibabang bahagi ng katawan ng sabay.

Kadalasan, ang mga pops o pitik ay ginagawa sa regular na mga pagitan. Ang mga pagitan na ito ay nakasunod sa musika. Isang karaniwang paraan sa pagpapalit ng puwesto ay ang dime stop, madalas na ginagamit sa robot dancing. Ito ay ang pagtapos sa isang galaw sa pamamagitan ng mabilisang paghinto. Ang mga galaw sa popping ay gumagamit ng maraming angulo, stilong tulad ng mime at ekspresyon ng mukha. Ang ibabang bahagi ng katawan ay maraming paraan ng paggalaw, mula sa simpleng paglalakad at paghakbang hanggang sa komplikadong floating at electric boogaloo.

Ang mga galaw sa popping ay kadalasang nakapokus sa mga magkakalayong mga bagay, maaaring maging matigas at tulad ng robot ang galaw o di kaya naman ay sobrang luwag at parang tubig.

Taliwas sa breaking at sa mga galaw nitong ginagawa sa sahig, ang popping ay kadalasang ginagawa ng nakatayo, ngunit mayroong mga panahon na bumababa ang mananayaw o lumuluhod o kaya naman ay humihiga upang gumawa ng isang espesyal na galaw.

Musika

baguhin

Bilang ito ay nanggaling sa panahon ng musikang funk noong huling bahagi ng 1970’s, ang popping ay sinasayaw kasabay ng mga musikang funk at disco. Noong 1980’s, maraming poppers ang gumamit ng electro, industrial dance at iba pang istilong new wave upang isama sa popping. Ang mga popular na kantang ginamit noon ay ang mga kanta ng Kraftwerk, Yellow Magic Orchestra, Twighlight 22, Egyptian Lover, at World Class Wrecking Crew. Gumamit din ang mga poppers ng Rap noong 1980’s mula sa Afrika Bambaataa, Kurtis Blow, Whodini, at Run DMC. Ngayon, karaniwan na makikitang sinasayaw ang popping sa mga makabago at usong tugtugin tulad ng modernong hip hop at iba’t-ibang anyo ng musikang electronic.

Ang madalas na pinipiling mga kanta ay iyong mga kantang may 90-120 beats kada minuto, 4/4 na bilis at malakas na backbeat kadalasang gawa ng snare drum o drum machine. Ang mga pitik o pop ay kadalasang nasa bawat beat o nasa piling backbeat.

Mga kaugnay na mga galaw

baguhin

Animation

Animatronics

Electric Boogaloo

Bopping

Cobra

Crazy Legs

Dime stopping

Fast Forward

Flexing

Floating, gliding at sliding

Fresno

Liquid dancing

Miming

Old man

Puppet

Robot/Botting

Scarecrow

Slow Motion

Strobing

Strutting

Ticking

Toyman

Tutting

Twist o flex

Vibrating

Walk-out

Waving