Punk
Ang artikulong ito ay nangangailangan pa ng mga link sa ibang mga artikulo upang makatulong isama ito sa ensiklopedya. (Disyembre 2013) |
Ang punk ay isang subkulturang kinabibilangan ng iba't ibang pilosopiya, ideolohiya, at porma ng ekspresyon sa musika, pananamit, sayaw, literatura, pelikula, at sining biswal na nagmula o naimpluwensiyahan ng tugtugang punk rock at mga subhenre nito. Maituturing itong kontra-kultura dahil maraming aspekto nito ang sumasalungat sa mga dominanteng pag-aasal at paniniwala ng lipunan.
Etimolohiya
baguhinMula ika-16 hanggang ika-18 siglo ay popular na ang terminong "punk" sa Ingglatera na may negatibong kahulugan bilang "isang puta, patutot, butangero, gangster o sanggano". Gayundin ang pakahulugan ni William Shakespeare sa kanyang mga komedyang The Merry Wives of Windsor[1] (1602) at Measure for Measure[2] (1623). Di rin nalalayo ang pakahulugan ng mga modernong diksiyunaryong Ingles na "isang bagay o tao na inutil at walang kuwenta".
Sa Estados Unidos unang ginamit ang katawagang "punk rock" noong 22 Marso 1970 sa diyaryong Chicago Tribune nang ilarawan ni Ed Sanders (bokalista ng The Fugs) ang kanilang solo album bilang "punk rock--redneck sentimentality".[3] Nailathala naman sa Disyembre 1970 isyu ng magasing Creem ang panunuya ng peryodistang si Lester Bangs nang ipalagay niya ang mga bandang mainstream "who never make fools of themselves the way that Stooge punk does" bilang paghahambing kay Iggy Pop (bokalista ng The Stooges).[4] Si Dave Marsh ang unang kritiko ng musika na gumamit nito sa Mayo 1971 isyu ng Creem nang ilarawan niya ang bandang ? and the Mysterians bilang isang "landmark exposition of punk rock".[5] Naisulat din noong 1971 ni Greg Shaw sa kanyang fanzine na Who Put the Bomp: "what I have chosen to call 'punk rock' bands--white teenage hard rock of '64-'66 (Standells, Kingsmen, Shadows of Knight, etc.)".[6] Nagkaroon naman ng "Punk Top Ten" sa fanzine na Flash noong Hunyo 1972 bilang pagraranggo sa mga album na lumabas noong 1960s.[7] Mayo 1973 nang lumabas ang panandaliang magasing pangkolehiyo na Punk ni Billy Altman.[8] Mayo rin ng sumunod na taon, 1974, nirebyu ng kritikong si Robert Hilburn sa Los Angeles Times ang pangalawang album ng New York Dolls at nagbanggit na "perhaps the best example of raw, thumb-your-nose-at-the-world, punk rock since the Rolling Stones'..."[9]
Pagpasok ng 1975, ginagamit na ang salitang "punk" bilang pagkategorya sa kung sinu-sino at magkakaibang bandang rock sa Amerika. Kasabay nito ang pagsikat ng eksena sa isang rock club sa New York na kung tawagin ay CBGBs. Bagama't "street rock" ang bansag ng may-ari ng club na si Hilly Kristal sa nabubuong kilusang underground sa kanyang lugar, ang magasing The Aquarian ang nagbinyag dito ng katagang punk "to describe what was going on at CBGBs".[10] Huling bahagi ng taon nang pumasok sa eksena ang fanzine na Punk (katukayo ng nauna) na sinimulan ng kartunistang si John Holmstrom, manunulat na si Legs McNeil, at pabliser nitong si Ged Dunn—na pawang magkakaklase sa hayskul. Krusyal ang pagpasok ng Punk sa eksena sapagka't ito ang nagkodipika ng nasabing termino. Ayon kay Holmstrom: "It was pretty obvious that the word [punk] was getting very popular. We figured we'd take the name before anyone else claimed it. We wanted to get rid of the bullshit, strip it down to rock 'n' roll. We wanted the fun and liveliness back."[11]
Musika
baguhinGarage rock at Mod
baguhinKalagitnaan ng 1960s nang pumutok ang garage rock sa Estados Unidos na isa sa naging ninuno ng punk rock. Tinawag na "garage" rock sapagka't karamihan sa mga baguhang banda ay binubuo ng mga tinedyer na mula sa panggitnang uri na kadalasa'y nag-eensayo sa garahe ng kani-kanilang bahay sa paligid-lungsod.[12] Dahil sa walang-karanasan sa musika at pagtugtog ng instrumento, karaniwan nang paungol ang pag-awit—kundi man pasigaw, distorted ang tunog ng gitara—salamat sa "fuzzbox", at humigit-kumulang sa tatlo ang chords—tulad na lamang ng kantang "Louie, Louie" na kinober ng The Kingsmen.[13] Ang minimalistang tunog ng garage rock ay naimpluwensiyahan ng British Invasion gaya ng mga bandang mod sa Ingglatera na The Small Faces at The Who—nagpasikat sa awiting "My Generation". Tulad ng kantang "All Day and All of the Night" ng The Kinks, ang "predecessors of the whole three-chord genre--the Ramones' 1978 'I Don't Want You,' for instance, was pure Kinks-by-proxy."[14] Bagama't di maikakategoriyang punk rock, marami sa mga bandang garage rock ang isa sa mga unang binansagan ng "punk" ng midya.
Proto-punk
baguhinMula huling bahagi ng 1960s hanggang unang bahagi ng 1970s, naglitawan ang mga grupong magkakaiba ang tunog nguni't maituturing na maimpluwensiya (influential) sa pagsilang ng punk rock. Ayon sa gabay ng Allmusic, kabilang ang mga nasabing banda sa bansag na proto-punk bagama't hindi ito "cohesive movement, nor was there a readily identifiable proto-punk sound that made its artists seem related at the time," at ang tanging nagbibigkis sa isa't isa ay ang kani-kanilang aktitud o itsura na "consciously subversive and fully aware of its outsider status."[15]
Sumulpot noong 1969, ang debut albums ng dalawang grupong garage rock mula sa Michigan ang magiging sentral sa tunog ng proto-punk: ang Kick Out the Jams ng MC5 mula sa Detroit, kung saan "most of the songs are barely distinguishable from each other in their primitive two-chord structures" na maikukumpara sa tugtugan ng mga naunang bandang garaheng bato gaya ng Blue Cheer, ? and the Mysterians, at The Kingsmen;[16] at ang self-titled album ng The Stooges sa pangunguna ng bokalista nitong si Iggy Pop—itinuturing na "Godfather of Punk"—na tila ba "sound of Chuck Berry's air-mobile after thieves stripped it for parts."[17] Ang The Stooges ay pinrodyus ni John Cale ng grupong experimental rock sa New York na The Velvet Underground--na may "reputation as the first underground rock band."[18] Samantala, maimpluho rin ang bandang The Modern Lovers ni Jonathan Richman na isang deboto ng V.U. sa Boston.
Bukod sa mga nabanggit, ang ilan pang pangkat o indibidwal na malaki ang naiambag sa pagdebelop ng punk rock ay ang glam na The New York Dolls, ang Rocket from the Tombs, sina Lou Reed (ex-V.U.) at Captain Beefheart, ang elektronikang duo na Suicide, at ang triong Death mula sa Amerika; si David Bowie, ang space rock na Hawkwind, at ang mga grupong art rock na Roxy Music at Doctors of Madness mula sa Ingglatera; at ang krautrock naman na Neu! mula sa Alemanya.
Reperensiya
baguhin- ↑ "This punk is one of Cupid's carriers:..." sabi ng karakter na si Pistol.
- ↑ "My lord, she may be a punk;..." at "Marrying a punk, my lord, is pressing to death,..." sabi ng karakter na si Lucio.
- ↑ Shapiro (2006), p. 492.
- ↑ Bangs, Lester. "Of Pop and Pies and Fun", Creem. Disyembre 1970.
- ↑ Shapiro, p. 492.
- ↑ Gendron (2002), p. 348.
- ↑ Taylor (2003), p. 16.
- ↑ Laing (1985), p. 13; "Punk Magazine Listening Party # 7", Punk Magazine, 20 Hulyo 2001.
- ↑ Hilburn, Robert. "Touch of Stones in Dolls' Album", Los Angeles Times. 7 Mayo 1974.
- ↑ Savage (1991), pp. 130-131.
- ↑ Savage, p. 131.
- ↑ Abbey (2006), p. 74.
- ↑ Sabin (1999), p. 157.
- ↑ Harrington (2002), p. 165.
- ↑ "Proto-punk" mula sa Allmusic.com
- ↑ Bangs, Lester. "MC5: Kick Out the Jams" rebyu, Rolling Stone, 5 Abril 1969.
- ↑ Marcus (1979), p. 294.
- ↑ Taylor, p. 49.
Sanggunian
baguhin- Abbey, Eric James (2006). Garage Rock and Its Roots: Musical Rebels and the Drive for Individuality (N.C: McFarland & Co).
- Gendron, Bernard (2002). Between Montmartre and the Mudd Club: Popular Music and the Avant-Garde (Chicago: University of Chicago Press).
- Harrington, Joe S. (2002). Sonic Cool: The Life & Death of Rock 'n' Roll (Milwaukee: Hal Leonard).
- Laing, Dave (1985). One-Chord Wonders: Power and Meaning in Punk Rock (Philadelphia: Open University Press).
- Marcus, Greil, ed. (1979). Stranded: Rock and Roll for a Desert Island (New York: Knopf).
- Sabin, Roger (1999). Punk Rock, so What? The Cultural Legacy of Punk (London: Routledge).
- Savage, Jon (1991). England's Dreaming: The Sex Pistols and Punk Rock (London: Faber and Faber).
- Shapiro, Fred (2006). Yale Book of Quotations (New Haven: Yale University Press).
- Taylor, Steven (2003). False Prophet: Field Notes from the Punk Underground (Middletown: Wesleyan University Press).