Si Salinta Monon (Disyembre 12, 1920 - Hunyo 4, 2009) ay isang Pilipinang manghahabi ng inabal mula sa komunidad ng Tagabawa Bagobo na idineklarang Manlilikha ng Bayan noong 1998 sa bisa ng Proklamasyon Bilang 1188 na pinirmahan noong Marso 27, 1998 ng Pangulo ng Pilipinas na si Pangulong Fidel V. Ramos dahil sa pagkakaroon niya ng pinakamataas na antas ng kahusayan sa paghabi ng abaca-ikat.[1][2]

Salinta Monon 2020 stamp ng Pilipinas

Siya at ang kanyang kapatid na lamang ang natitirang manghahabi sa kanilang komunidad bago siya namatay noong 2009.[1]

Unang yugto ng buhay

baguhin

Isinilang si Salinta Monon noong Disyembre 12, 1920 sa Barangay Bitaug sa munisipalidad ng Bansalan sa probinsiya ng Davao del Sur.[1][3] Siya ay ikinasal kay Agton Monon noong July 4, 1946 at nagkaroon sila ng anim na mga anak.[4][1] Mataas ang halagang ibinayad ni Agton Monon para siya ay mapangasawa dahil sa kagalingan ni Salinta Monon sa paghahabi.[1]

Manghahabi ng inabal

baguhin

Nagsimula siyang maghabi ng inabal noong iprinisinta niya sa kanyang ina ang kanyang sarili para magpaturo ng paghahabi sa edad na labingdalawang taong gulang.[1] Ang inabal ay tawag sa tradisyunal na tela mula sa komunidad ng mga Bagobo-Tagabawa.[3] Ito ay telang hinabi mula sa hibla ng abaka kung saan ang hibla ay tinitina muna bago gamitin sa paghahabi.[5] Magmula noon ay patuloy na siyang naghabi ng inabal kahit na isinasantabi muna niya ito pansamantala para makagawa sa bukid katulong ang kanyang asawa at mag-isa noong yumao na ang kanyang asawa.[1] Sa edad na animnapu't lima ay nakikilala niya ang disenyo at kung sino ang gumawa nito sa pamamagitan lamang ng pagsulyap sa hinabing bagay.[1]

Ang isang tela na may lapad na 42 sentimetro at haba na 3.5 metro ay natatapos niyang habiin sa loob ng tatlo hanggang apat na buwan.[1] Paborito niyang ihabi ang disenyo na ang tawag ay binuwaya na isa sa mga pinakamahirap na ihabi na disenyo.[1]

Itinuro niya sa mga nakababatang henerasyon ang kanyang kasanayan at pamamaraan sa paghabi ng abaka sa pamamagitan ng School of Living Traadition na matatapuan sa Barangay Bitaug sa munisipalidad ng Bansalan sa probinsiya ng Davao del Sur.[3]

Sa bisa ng Proklamasyon Bilang 1076 na pinirmahan noong Enero 15, 2021 ng Pangulo ng Pilipinas na si Pangulong Rodrigo Duterte, idineklarang Centennial Year of Manlilikha ng Bayan Salinta Mononsimula Disyembre 12 2020 hanggang Disyembre 11, 2021.[6][5]

Kamatayan

baguhin

Yumao siya noong Hunyo 4, 2009 sa edad na walongpu't walong taong gulang.[1][4]

Sanggunian

baguhin
  1. 1.00 1.01 1.02 1.03 1.04 1.05 1.06 1.07 1.08 1.09 1.10 "National Living Treasures: Salinta Monon". National Commission for Culture and the Arts. Republic of the Philippines. Inarkibo mula sa orihinal noong Pebrero 25, 2022. Nakuha noong Marso 14, 2022.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  2. "Proclamation No. 1188, s. 1998". Official Gazette. Republic of the Philippines. Inarkibo mula sa orihinal noong Marso 14, 2022. Nakuha noong Marso 14, 2022.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  3. 3.0 3.1 3.2 Delgado, Japoy. "A Weave to Honor: The Life of Salinta Monon". Municipal Government of Bansalan. Municipal Government of Bansalan. Nakuha noong Marso 14, 2022.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)[patay na link]
  4. 4.0 4.1 "The Last Bagobo Weaver Remembered". Philippine Morning Post. Philippine Morning Post. Nakuha noong Marso 14, 2022.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)
  5. 5.0 5.1 "Manlilikha ng Bayan Salinta Monon Tagabawa Bagobo Textile Weaver Bansalan, Davao del Sur 101st Birth Anniversary (b. December 12, 1920 – d. June 4, 2009)". Pambansang Museo ng Pilipinas. National Museum of the Philippines. Nakuha noong Marso 14, 2022.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)[patay na link]
  6. "Proclamation No. 1076 - Declaring 12 December 2020 To 11 December 2021 As The Centennial Year Of Manlilikha Ng Bayan Salinta Monon" (PDF). Official Gazette. Republic of the Philippines. Inarkibo mula sa orihinal (PDF) noong 14 Marso 2022. Nakuha noong Marso 14, 2022.{{cite web}}: CS1 maint: date auto-translated (link)