Saloobing seksuwal
Ang kaloobang seksuwal o seksuwal na saloobin (Ingles: sexual attitude) ay ang diposisyon, na kinasasamahan ng kaugalian, pagpapasya, pag-iingat o diskresyon, hinggil sa seksuwalidad at pakikipagtatalik. May iba't ibang sensitibidad ang mga tao hinggil sa seksuwalidad na batay sa relihiyon, paniniwala, edad, kasarian, oryentasyong seksuwal, kapasidad o kakayahang seksuwal, liberalisasyon at katayuang sibil. Sa saloobin ng tao hinggil sa seks nakabatay ang kung anong asal ang katanggap-tanggap o hindi katanggap-tanggap at kung ano ang maginhawa o hindi maginhawa sa kalooban (kung saan kumportable o hindi kumportable ang isang tao).[1]
Pananaw na pangkasaysayan
baguhinSa Kristiyanismo
baguhinPanahon ni Hesus
baguhinNoong panahon ng pagkapanganak kay Hesus, isang Palestinong Hudyo, nagkakaroon na ng mga pagbabago hinggil sa higit na mga pagbabawal o mga restriksiyon kaugnay sa kaasalang seksuwal. Lumaki siya sa isang kapaligiran na pinagtatalunan ang kaasalang seksuwal. Sa kaniyang pangangaral, kaunti ang mga bagay na negatibo na nasabi si Hesus hinggil sa pakikipagtalik, subalit nababahala siya sa kalabisang seksuwal, pati na sa kaluwagan ng mga batas na pangdiborsiyo ng mga Hudyo. Nagturo rin siya na laban sa pakikiapid ng lalaki at ng babae. Malinaw na negatibo ang mga pananaw na pang-ugaling seksuwal ang isinula ng mga tagasunod ni Kristo, katulad ng sa kay San Pablo Apostol. Ayon kay San Pablo, nakalalamang ang kalinisang-puri at buhay na walang asawa (pagkasoltero at pagkasoltera) kaysa sa kasal. Hinikayat ni San Pablo ang mga tao na huwag makilahok sa pakikipagtalik, at kung makikipagtalik man ay sa loob ng kasal. Isa itong uri ng asetisismo (mahigpit na pagpepenitensiya), isang pinaka matinding bersiyon ng negatibong pagharap sa seksuwalidad ng sinaunang mga Kristiyano, na bagaman ganito ay nagkaroon ng maraming mga tagasunod.[1]
Sinaunang Roma
baguhinNabago ng Kristyanismo ang sistemang pambatas at pampulitika ng Sinaunang Roma, mula sa isang nakabatay sa kaayusang panlipunan at kaasalang seksuwal papunta sa isang repormang pangmoralidad na hiningi ng mga mangangaral na Kristiyano mula sa Silangan. Sa una, mabangis na sinawata ng mga namumuno sa Sinaunang Roma ang mga Kristiyanong may ganitong pananaw, subalit sa pagdaka ay naging nangingibabaw ang Kristiyanismo sa Roma sa pamamagitan ng Simbahang Katoliko. Itinuring na mahalaga at matuwid ang kalinisan ng puri. Kung hindi ito maaaring iwasan, kinailangang ang pakikipagtalik ay gawin nang walang kasiyahan. Noong ika-8 daantaon, isang posisyon lamang ng pakikipagtalik ang marapat na gamitin - kung saan ang lalaki ang nasa ibabaw; may kaparusahan ang paggamit ng iba't ibang mga posisyon. Ang may pinaka mabigat na parusa (pitong taon na pagpipinitensiya) ay ang pakikipagtalik mula sa likuran ng babae. Kailangan din ang abstinensiya tuwing araw ng Linggo at mahahalagang mga okasyon ng simbahan.[1]
Noong 1050, ipinataw sa mga pari ang kalinisang-puri. Ipinagbawal ang mga ugaling heteroseksuwal, homoseksuwal, at autoseksuwal. Sa karaniwang mga tao naman ay ipinagbawal ang anumang gawaing hindi pamprokreasyon na nagpapahiwatig ng seksuwalidad, katulad ng may kaugnayan sa pagsasayaw, pagkanta, paghawak sa isa't isa, pagtanaw sa sari-saring mga bahagi ng katawan, at ang pagbabawal na mag-isip ng mga bagay na seksuwal. Noong ika-12 daantaon, kinuntrol ng simbahan ang mga batas sa kasal at ang pagbabawal ng diborsiyo.[1]
Pananaw na pang-edad
baguhinSa mga matatanda
baguhinAng pagpapadama at pagpapahayag na seksuwal ng mga may edad na tao ay nakabatay sa kanilang mga pananaw at sa impluwensiya ng kulturang kinagisnan nila. May kaugnayan ang kanilang disposisyong pangseksuwalidad sa kanilang kalusugan katulad ng epekto ng menopause sa kababaihan kapag nakipagtalik sila; ang paniniwala ng mga lalaki na makakasanhi ng atake sa puso ang pakikipagtalik bagaman naniniwala ang mga duktor na may benepisyo sa kalusugan ng mga matatanda ang pakikipagtalik; at mayroong paniniwala ang matatandang mga lalaki at mga babae na manghihina sila kapag nakilahok sa mga gawaing seksuwal. Ang gawaing seksuwal ng mga may edad na ay nakadepende hindi lamang sa kanilang saloobin hingging sa seksuwalidad bagkus ay nakasalalay din sa mga inaasahan ng lipunan at ng mga admonisyon o mga babala at paalala o paunawa ng sosyedad.[1]
Ang mga pananaw ng lipunan hinggil sa seksuwalidad sa mga matatanda ay pangkalahatang negatibo at, kung minsan, ay may karahasan. Iniisip ng ibang tao na ang pakikipagtalik ay hindi na nararapat para sa mga matatanda na. Sa kalabisan, may mga taong nag-iisip na ang mga matatanda ay dapat na hindi na nakikilahok sa pakikipagtalik, at kung minsan ay itinuturing ang matatandang masigla pa rin ang seksuwalidad bilang pahiwatig ng pagkakaroon ng sikopatolohiya, dehenerasyon o kabulukunang moral, at marumi. Sa kasamaang palad, ang mga taong mayroong negatibong pananaw hinggil sa kalayaan ng mga matatanda na magpadama ng kanilang seksuwalidad ay iyong mga tauhang medikal, katulad ng mga nars. Ang aseksuwal (walang seksuwalidad) na katangian at kalidad na inaasahan ng lipunan mula sa mga matatanda ay marahil dahil sa nakatuon ang lipunan sa kabataan at reproduksiyon (prokreasyon). Ang pagiging bata at ang seksuwalidad ay karaniwang may kaugnayan sa isa't isa.[1]
Pananaw na pang-oryentasyon at liberalisasyon
baguhinHomoseksuwalidad
baguhinSa kasalukuyan, dahil sa liberalisasyon ng mga pananaw, mas tinatanggap na ng lipunan ang homoseksuwalidad. Makikita ito sa pagsasaliksik ng mga temang homoseksuwal sa mga magasin, sa mga pelikula, sa mga palabas na pangtelebisyon, at iba pang uri ng midya. Bagaman naging matanggapin na ang isang lipunan hinggil sa gawain ng mga homoseksuwal na tao, mayroon pa ring nananatiling negatibong mga saloobin o damdamin na laban sa homoseksuwalidad. Kaya't ang nangyayaring liberalisasyon ng mga pananaw ay maaaring mas angkop na tawaging isang polarisasyon ng mga kalooban sa halip na liberalisasyon. Sa isang dulo ay positibong mga pananaw na may katumbas na negatibong dulo (tingnan ang homopobya).[1] Matatanggap ng lipunan ang homoseksuwalidad partikular na ang mga homoseksuwal na hindi ipinananaig sa ibang tao (homoseksuwal man o hindi, partikular na sa mga bata) ang kanilang mga gawain at nakagawian.
Pagtatalik bago ang kasal
baguhinNaging mas katanggap-tanggap na sa kasalukuyang panahon ang saloobin ng lipunan hinggil sa pakikipagtalik na premarital o bago ikasal ang dalawang taong nagmamahalan, bagaman palaging hindi umaayon sa ganitong ugali at gawain ang mga kaugaliang pangmoralidad at pangrelihiyon. Ang mga lipunang may pagbabawal sa pakikipagtalik bago ikasal ay mayroong pagpapahalaga sa kabirhinan ng babae, katulad ng sa tradisyon sa Hudaismo at Kristiyanismo. Ang kalooban o pananaw ng mga tao hinggil sa gawaing seksuwal bago maikasal ay maaaring hindi tuwirang ipinapakita ng kanilang mga ugali. Isang bagay ang tanggapin o tanggihan ang mga asal na premarital ng ibang mga tao, subalit ibang usapan na ang kapag ang sarili ng isang tao ang mismong nakikilahok sa gawain ng pagtatalik bago siya ikasal. Ang pakikipagtalik bago ang kasal ay nagaganap nang higit na may kadalasan kaysa sa inaasahan. Mas maraming mga kabataan na umaabot na sa wastong edad sa kasalukuyan ang nakikilahok sa pakikipagtalik bago ikasal.[1]
Pananaw na panghinaharap
baguhinSa hinaharap, magpapatuloy ang pagiging liberal ng mga saloobin at mga ugaling seksuwal ng mga tao, ngunit mayroong pagbabago sa antas ng pagkakaiba ng katayuan ng mga lalaki at ng mga babae. Magiging makitid ang pagkakaiba ng dalawang mga kasarian ukol sa kanilang mga kagustuhan, mga kalooban, mga gawain, at kasiyahan na may kaugnayan sa pakikipagtalik, sa labas man o sa loob ng kasal. Isang kalakaran na maaaring humantong sa higit na kasiya-siyang buhay ng pakikipagtalik kaysa sa nakalipas at sa kasalukuyan.[1] Inaasahan na ang lahat ng mga tao ay magkakaroon ng hinog na pananaw hinggil sa sarili nilang seksuwalidad.
Tingnan din
baguhinMga aklat
baguhin- The Joy of Sex (Comfort, 1972)
- The Sensuous Woman (J, 1969)
- The Men's Health and Women's Health Big Book of Sex: Your Authoritative, Red-Hot Guide to the Sex of Your Dreams (and His!)/ Your Authoritative, Red-Hot Guide to the Sex of Your Dreams (and Hers!) (2011)