Ang shabu-shabu (しゃぶしゃぶ, , na binabaybay din bilang shyabu-shyabu) ay isang lutuing Hapones na nagtatampok ng maninipis na mga hiwa ng mga karne na pinakuluan sa tubig. Ang kataga ay isang onomatopœia, na hinango mula sa tunog na nalilikha kapag ang mga sahog ay hinahalo sa loob ng isang palayok na lutuan. Ang pagkaing ito ay may kaugnayan sa estilo ng sukiyaki: kapwa sila nalalahukan ng maninipis na hiwa ng mga karne at mga gulay at inihahain na mayroong mga sawsawan. Subalit, ang Shabu-shabu ay itinuturing na mas malasa at hindi gaanong matamis kaysa sa sukiyaki.

Shabu-shabu
UriSabaw (Sopas)
LugarHapon
Pangunahing SangkapKarne, mga gulay, tokwa

Ang Shabu-shabu ay isang bersiyon ng tinatawag sa Ingles bilang hot pot o "mainit na palayok", na karaniwang tinatambalan ng mga sawsawan na mayroong ponzu (sarsang may limon, kalamansi, narangha o iba pang bungang citrus) at/o sarsa na gawa sa mga buto ng sesame (tinatawag na goma sa wikang Hapones). Ang uri ng mga karneng ginagamit ay baka, baboy. Ang uri ng mga gulay ay hakusai (puting repolyo ng Hapon), shungiku, kabuting enoki ng Hapon, at mga sibuyas na Welsh. Sa kasalukuyan, marami nang mga uri ng shabu-shabu. Bilang dagdag sa karne, gumagamit din ng mga pagkaing-dagat na katulad ng isdang lumolobo (kilala sa Ingles bilang pufferfish, blowfish o globefish), pugita at alimasag. Itinuturing ang shabu-shabu bilang isang lutuing pangtaglamig, subalit sadyang kinakain sa buong taon.

Maraming mga uri ng shabu-shabu sa ngayon. Sa Hokkaido ay mayroong "Takosyabu" na isang shabu-shabu na gumagamit ng pugita. Sa Nagoya, naroon ang "Torisyabu" na gumagamit ng "Nagoyacotin". Sa Toyama, mayroong "Sakesyabu" na gumagamit ng isdang salmon. Sa Kagoshima, naroon ang "Kurobutashabu" na gumagamit ng "itim na baboy ng Kagoshima.

Kasaysayan

baguhin

Ang Shabu-shabu ay ipinakilala sa Hapon noong ika-20 daantaon nang magbukas ang restauranteng "Suehiro"[1] sa Osaka, kung saan naimbento ang pangalan ng pagkaing ito. Ang pinagmulan nito ay mababakas mula sa Intsik na "mainit na palayok" na tinatawag bilang shuan yang rou. Ang Shabu-shabu ay mas pinaka kahalintulad ng orihinal bersiyong Intsik kapag inihahambing sa iba pang mga pagkaing Hapones (nabemono) katulad ng sukiyaki [kailangan ng sanggunian]. Ipinarehistro ng bahay-kainang Suehiro ang pangalan bilang isang trademark o tatak-pangkalakal noong 1955. Kasama ng sukiyaki, ang Shabu-shabu ay karaniwang pagkain sa mga pinaglalagiang mga lugar ng mga turista, lalo na sa Tokyo, ngunit pati na rin sa lokal na mga lugar ng mga Hapones sa ibang mga bansa na kung tawagin ay Japantown ("bayang Hapon") o Little Tokyo ("Munting Tokyo").

Mga sanggunian

baguhin