Shogi
Ang Shogi (将棋 shōgi, ahedres ng mga heneral) ay tinatawag ding ahedres na Hapones o ahedres ng Hapon. Isa itong larong may tablang inilalatag na pandalawang mga manlalaro na nasa katulad na pamilya ng pandaigdigang ahedres, at ng Intsik na Xiangqi. Ang Shogi ay ang pinakapopular sa isang mag-anak ng mga kahalintulad o baryante ng ahedres, at ito ay katutubo sa bansang Hapon. Ang Shōgi ay nangangahulugang laro ng mga heneral sa ibabaw ng tabla (na ang shō ay "heneral" at ang gi ay "boardgame"), kung kaya't tinatawag din itong laro ng mga heneral. Noong mga unang kapanahunan, ang shogi ay isinusulat bilang 象棋 (katulad ng Xiangqi, "ahedres ng elepante").
Ang pinakamaagang mga ninuno ng laro, na kung tawagin ay chaturanga, ay nagmula sa India noong ika-6 na daantaon AD, at lumaganap ito mula sa Tsina papunta sa Hapon, kung saan nagbinhi ito ng ilang bilang ng mga kahalintulad na laro. Sa kasalukuyang anyo nito, ang Shogi ay nilalaro na mula pa noong ika-16 daantaon, habang ang tuwirang ninuno na wala ang tinatawag na drop rule o "patakaran sa paghulog o pagbagsak" ay naitala mula 1210 sa isang kasulatang pangkasaysayan na pinamagatang Nichūreki, na isang na-edit na kopya ng Shōchūreki at Kaichūreki mula sa kahulihan ng panahon ng Heian (~1120).