Sigbin
Ang Sigbin o Sigben ay isang nilalang sa mitolohiyang Pilipino na siyang lumalabas sa gabi at humihigop ng dugo ng tao mula sa kanilang mga anino. Sinasabing ito ay naglalakad nang paatras, ang ulo ay nakababa sa pagitan ng kanilang mga binti at may kakayahan na maging invisible sa iba pang nilalang, lalo na sa mga tao. Ito ay maihahalintulad sa wangis ng kambing na walang sungay ngunit mayroong napakalaking tenga na kayang pumalakpak na tila mga kamay. Mayroon din itong mahabang buntot na maaring gamitin bilang latigo. Ang Sigbin ay sinasabing naglalabas ng nakasusukang amoy.
Pinaniniwalaang gumagala ang mga Sibgin tuwing Mahal na Araw at naghahanap ng mga batang mabibiktima, kukuhanan sila ng puso na siyang ginagawa nilang parang anting-anting.
Ayon sa mga alamat, mayroong mga pamilyang tinatawag na Sigbinan (“silang mga may pagmamay-aring Sigbin”) kung saan may kapangyarihan ang mga miyembro nito na utusan ang mga Sigbin. Itinatago raw nila ang mga ito sa isang tapayang luwad. Ang mga Aswang naman ay sinasabing nag-aalaga rin ng mga Sigbin. Mayroong sabi-sabi na ang mga Sigbin ay maaring hango sa mga tunay na hayop na hindi na ngayon nahahanap sa Pilipinas. Sa paraang paglalarawan ng popular na literatura sa mga Sigbin, maaring masabi na ang species nito ay may kaugnayan sa kangaroo.
Ang mitong ito ay kilala sa mga isla ng Visayas at Mindanao, lalo na sa mga lugar na rural. May sabi-sabi ring ang Sigbin ay kahawig ng aso na pagmamay-ari ng mga mayayaman at itinatago rin nila ito sa isang tapayan.