Tagagamit:IANNEJAYPEDROSA56/burador

Ang RMS Titanic ay isang barkong pampasahero ng White Star Line, na binuo sa pagkukusa ni Joseph Bruce Ismay noong 1907. Ito ay dinisenyo ng arkitektong si Thomas Andrews, sa baradero ng Harland & Wolff. Nagsimula ang pagbuo noong 1909 sa Belfast at natapos noong 1912. Ito ay nabibilang sa mga ''Olympic''-class ocean liner kasama ang dalawa nito kaparehas, ang Olympic at ang Britannic. Ang katawan nito ay mayroong 16 na kompartimento na di napapasukan ng tubig na ginagamit kung sakaling magkaroon ng alulusan o malaking pinsala. Ang media nang panahong iyon ay nagbigay ng isang mapagkakatiwalaang reputasyon sa barko, kahit na, pasalungat sa mga kuwentong kumalat matapos ang paglubog, hindi kailanman ito itinuring na hindi lumulubog.

Sa panahon ng unang paglalayag nito mula Southampton papuntang New York City sa pamamagitan ng daan sa Cherbourg at Cobh (kilala bilang Queenstown sa kapanahunang iyon), ay bumunggo ito sa isang iceberg sa kanang gilid nito noong 14 Abril 1912, 23:40 (lokal na orasan), at lumubog noong 15 Abril 1912, 02:20 (lokal na orasan), 600 milya timog ng Newfoundland. Pinaniniwalaang nasa 1, 490 katao hanggang 1, 520 katao ang tinatayang namatay sa trahedyang ito. Ito ang isa sa mga pinakamalubhang sakunang maritima sa panahon ng kapayapaan at pinakamalaki sa kapanahunan nito. Ipinapakita ng pangyayaring ito ang kahinaan ng mga barko sa panahong iyon sa limitadong dami ng mga bangkang pansagip at mga kakulangan sa mga pamamaraan para sa mga biglang paglikas. Nagkaroon ng mga internasyonal na pagpupulong pagkatapos noon, na nagreresulta sa mga pagbabago ng mga regulasyong sinusunod pa rin isang siglo matapos ang sakuna.

Ang labi ng RMS Titanic ay nadiskubre noong 1 Setyembre 1985 ni Dr. Robert Ballard. Ito ay namamalagi sa lalim ng 3, 843 metro, 650 kilometro timog-silangan ng Newfoundland. Ang alaala ng barko ay nababakas na sa kasaysayan, na nagreresulta sa pagsulat ng maraming mga aklat (makasaysayan o piksiyonal) at paggawa ng mga pelikula, pinakasikat na marahil ang pelikulang 1997 na Titanic ni James Cameron na ipinalabas noong 1997 at nagbigay ng muling pagbuhay ng interes sa barko at sa kasaysayan nito. Muling nagkainteres ang media sa barko bilang pag-alala sa sentenaryo ng paglubog ng barko noong 14 Abril 1912.