Tagagamit:Kampfgruppe/burador

Mga isyu't suliranin: mungkahing solusyon at susog

baguhin

Magandang araw po, mga kasamang Wikipedista. Nais ko pong ilapit sa buong pamayanan ng Wikipediang Tagalog yaong mga isyu at suliranin natin hinggil sa:

  • Pagsasaling-wika ng mga pangalan ng mga bansa patungong Tagalog/Filipino,
  • 'Mga salitang siyokoy,' at
  • Tamang baybay ng ilang piling salitang Tagalog.

Ako po ay may mga mungkahing solusyon sa mga isyu at suliraning nabanggit. Gayundin naman po, may mga mungkahi rin akong susog (o amendment) sa ating mga panuntunan hinggil sa pagsusulat ng artikulo.

May kahabaan po ito, subalit nais kong bigyang pansin nating lahat para na rin sa ikabubuti ng ating pamayanan. Maraming salamat po.

Kampfgruppe (makipag-usap) 02:40, 12 Hulyo 2013 (UTC)

Pagsasaling-wika ng mga pangalan ng mga bansa patungong Tagalog/Filipino

baguhin

Napansin ko po, rito sa Wikipediang Tagalog, ang kawalan ng pagkakaisa at konsistensi hinggil sa kung ano baga ang dapat maging salin ng mga pangalan ng mga bansa patungong Tagalog. Totoong may mga panuntunan po tayo hinggil dito, ngunit ang kalayaan ng bawat isa sa atin na mamili kung ano'ng gusto nating gamiting pangalan, Ingles o Tagalog, sang-ayon na rin sa isinasaad ng panuntunan (Wikipedia: Mga pangalan ng mga bansa at ng mga mamamayan nito) ang siyang nagiging dahilan ng kawalan nga ng pagkakaisa at inkonsistensi.

Ibig ko pong bigyang patotoo at katwiran yaong mga salin ng mga pangalan ng bansa sa wikang Tagalog upang mawala ang ating alinlangan sa paggamit sa mga ito.

Sa pagsasalin pong ating isasagawa, ang mga sumusunod sa ibaba ang magiging gabay o saligan natin tungo sa maayos at tamang pagsasalin:

1. Ang una po nating preperensiya sa panghihiram ay mula sa wikang Espanyol sa halip o bago sa wikang Ingles. Ito po ay pinatutunayan ng paggamit natin ng pa-Espanyol na ensiklopedya (enciclopedia) sa halip na pa-Ingles na ensayklopedya (encyclopedia) na siya namang makikita natin sa kaliwang itaas ng web page ng ating pamayanan.

2. May mga pagkakataong pong hindi palaging literal ang pagsasalin; ang mahalaga'y naroon ang diwa ng isinasalin.

3. Sundin po natin ang isinasaad ng Ulat hinggil sa mga Forum sa Ispeling (2006) at 2008 Gabay sa Ortograpiya ng Wikang Pambansa.

4. Gamitin po nating gabay sa pagsasalin ang tuntunin para sa mga kambal-patinig sang-ayon sa Ulat hinggil sa mga Forum sa Ispeling (2006):

Ang mga patinig po ay nauuri sa malalakas at mahihina. Yaong malalakas ay ang /A, E at O/ at ang mahihina'y /I at U/.

4.1. Pinananatili po yaong pagtatambal ng malalakas na kambal-patinig sa mga salitang makikita sa ibaba kapag isinusulat:

(AE) Aegean, aerodromo, Gaeliko;

(AO) aorta;

(EA) empleado, idea, ideal, idealismo, real, realidad, teatro; asotea

(EO) estereo, heolohiya, kontemporaneo, koreo, leon, neon, teolohiya, teorya, torneo, video;

(OA) boa, loa, Zamboanga;

(OE) poema, poesiya, poeta.

4.2. Samantala, napapalitan naman po ng /Y/ ang mahinang /I/ at ng /W/ ang mahinang /U/ sa kombinasyon ng mahina at malakas na patinig. Narito po ang mga halimbawa:

(AI) ayre (aire), baylarina (bailerina), bayle (baile), bayna (baina), parakayda (paracaida), paysahe (paisaje), paysano (paisano);

(IA) barberya (barberia), barya (varia), baryo (barrio), baterya (bateria), memorya (memoria), paranoya (paranoia), trahedya (tragedia);

(EI) beynte (beinte), beysbol (beisbol), ley (lei), reyna (reina), treynta (treinta)

(IE) baryedad (variedad), Disyembre (diciembre), kinyentos (quinientos), meryenda (merienda), Nobyembre (noviembre), serye (serie), Setyembre (septiembre), yelo (hielo), yerba (hierba), yero (hierro);

(IO) bakasyon (vacacion), basyo (vacio), bisyo (vicio), bisyon (vicion), bokasyonal (vocacional), desisyon (decision), demonyo (demonio), dibisyon (division), edukasyon (educacion), episodyo (episodio), henyo (genio), Hulyo (julio), Hunyo (junio), komisyon (comision), komposisyon (composicion), kondisyon (condicion), kumbersasyon (conversacion), misyon (mision), nasyon (nacion), nasyonal (nacional), internasyonal (internacional), nobyo (novio), pasyon (pasion), pisyologo (fisiologo), posisyon (posicion), presyo (precio), sekundaryo (secundario), sesyon (sesion), serbisyo (servicio), seryo (serio) sesyon (sesion), tradisyon (tradicion);

(AU) awditor (auditor), awto (auto), awtoridad (autoridad), bawtismo (bautismo), lawrel (laurel), hawla (haula bagaman may gumagamit dito sa anyo nitong haula at may tatlong pantig), maliban sa baúl na may tuldik sa mahinang patinig;

(UA) agwa (agua), agwador (aguador), biswal (visual), estatwa (estatua), karwahe (carruaje), kaswal (casual), manwal (manual);

(UE) entreswelo (entresuelo), konsekwensiya (consecuencia), poswelo (posuelo).

Liban na lamang po sa (EU), makiling po ang gamit sa pagpapanatili sa naturang kambal-patinig, kaya Europa ang kinikilingang baybay sa Europa sa halip na 'Yuropa' o 'Ewropa.' Gayundin po ang nangyayari sa eufemismo (eufemismo), eukaristiya (eucaristia), euforya (euforia) at eukalipto (eucalipto) bagaman binibigkas ang mga ito na 'yufemismo,' 'yukaristiya,' 'yuforya' at 'yukalipto.'

(Paningit: Ang dalawa pong tuntuning yaan ang dapat sundin kapag isinusulat yaong mga salitang nagtataglay ng kambal-patinig. Kaya naman po sa pagsusulat ng mga salita rito sa Wikipediang Tagalog, mainam pong isulat natin ang 'leon' kaysa 'liyon', 'empleado' kaysa 'empleyado', 'realidad' kaysa 'reyalidad, 'neutral' kaysa 'nyutral', 'Bibliya' kaysa 'Biblia' at marami pang iba.)

Dumako na po tayo sa pagsasalin.

A. Isaisip po natin ang unang gabay (Ang una nating preperensiya sa panghihiram ay mula sa wikang Espanyol sa halip o bago sa wikang Ingles.) Kaya ganoon din po ang dapat mangyari sa pagsasalin natin ng mga pangalan ng mga bansa mula Ingles patungong Tagalog, liban na lamang sa mga sumusunod:

  • Cape Verde
  • Ivory Coast
  • Iceland
  • salitang south mula South Africa

Ang salin po ng Cape Verde sa Espanyol ay 'Cabo Verde,' ang Ivory Coast naman ay 'Costa de Marfil,' ang Iceland ay 'Islandia,' at ang South Africa ay 'Sudafrica'. May tiyak pong katumbas sa Tagalog ang mga salitang cape, verde, ivory, coast, ice, land at south, at ito ay 'tangos,' 'lunti (nagiging 'luntian' kapag ginamit bilang pang-uri),' 'garing,' 'baybayin,' 'yelo,' 'lupa' at 'timog'. Samakatuwid, nararapat pong isalin ang Cape Verde bilang Luntiang Tangos sa halip na 'Kabo Berde.' Sang-ayon naman po ako sa pinaiiral na salin ng ating pamayanan para sa Ivory Coast, Iceland at South Africa: Baybaying Garing, Lupangyelo at Timog Aprika.

Ganito rin po ang dapat mangyari sa mga bansang nagtataglay ng mga salitang republic, east, islands,new, north, south, central, democratic, city, of at and. Gayundin ay muli nating isasaalang-alang ang unang gabay (Ang una nating preperensiya sa panghihiram ay mula sa wikang Espanyol sa halip o bago sa wikang Ingles.) sa pagsasalin para naman sa mga pangalang pantangi na kapag ating hiniram ay babaybayin naman natin sang-ayon sa estruktura ng wikang Tagalog/Filipino; kung ano ang bigkas ay siyang sulat at kung ano ang sulat ay siyang basa.

Ingles Espanyol Tagalog/Filipino
Antigua and Barbuda Antigua y Barbuda Antigwa* at Barbuda
Central African Republic República Centroafricana Republikang Gitnang-Aprikano
Democratic Republic of Congo República Democrática del Congo Republikang Demokratiko ng Konggo
Republic of Congo Republica del Congo Republika ng Konggo
Czech Republic Republica Checa Republikang Tseka
Dominican Republic Republica Dominicana Republikang Dominikana
East Timor Timor Oriental Silangang Timor
North Korea Corea del Norte Hilagang Korea*
South Korea Corea del Sur Timog Korea*
Marshall Islands Islas Marshall Kapuluang Marshal+
New Zealand Nueva Zelanda o Nueva Zelandia Bagong Selanda o Bagong Selandiya
Papua New Guinea Papua Nueva Guinea Papuwa* Bagong Ginea*
Solomon Islands Islas Solomon Kapuluang Solomon+
South Sudan Sudan del Sur Timog Sudan
Trinidad and Tobago Trinidad y Tobago Trinidad at Tobago
Vatican City Ciudad del Vaticano Lungsod ng Batikano

Mapapansin n'yo pong nilagyan ko ng asterik (*) ang mga salitang 'Antigwa,' 'Korea,' 'Papuwa' at 'Ginea.' Sa sitwasyon pong ito natin ipapasok ang tuntunin para sa mga kambal-patinig:

Ang /ua/ po ng Antigua ay dapat maging /wa/, ganoon din naman po para sa /ua/ ng Papua. Ang mga ito po ay sumasang-ayon sa ikalawang tuntunin ng kambal-patinig para sa mahihinang patinig (/I at U/): napapalitan ng /Y/ ang mahinang /I/ at ng /W/ ang mahinang /U/ sa kombinasyon ng mahina at malakas na patinig.

Ang pananatili naman po ng /ea/ ng Korea at Guinea kapag isinalin sa Tagalog ay kasang-ayon po ng unang tuntunin hinggil sa pagsasama-sama ng malalakas na patinig (/A, E at O/). Nawawala naman po ang /u/ ng Guinea kapag isinasalin sa Tagalog, kaya naging Ginea na lamang. Ang sitwasyon pong ito ay katulad din ng pa-Espanyol na 'sampaguita' na nawawala rin ang /u/ kapag isinasalin sa baybay-Tagalog na 'sampagita'.

(+) Ang literal pong salin ng islands (islas) ay 'mga pulo' sa Tagalog. Ngunit higit pong angkop na isalin na lamang ito sa 'kapuluan' tulad ng nangyari sa Kapuluang Marshal at Solomon. Ngunit 'di po ba na ang katumbas ng 'kapuluan' ay archipelago sa Ingles? Dito na po papasok ang ikalawang gabay (May mga pagkakataong pong hindi palaging literal ang pagsasalin; ang mahalaga'y naroon ang diwa ng isinasalin.).

Sa kaso naman po ng New Zealand, panatilihin na lamang na natin ang paggamit ng 'Bagong Selanda' tulad ng ginagamit sa Wikipediang Espanyol, at ituring na lamang ang 'Bagong Selandiya' bilang variant nito.

B. Hinggil sa mga bansang may salitang United.

Mapapansin po nating lahat na ang literal na salin ng United States sa Tagalog ay 'Mga Nagkakaisang Estado' o 'Mga Pinag-isang Estado'. Ngunit makiling po ang paggamit ng Espanyol na Estados Unidos sapagkat ito po ang nakikita't nababasa natin sa mga libro at babasahing nakalimbag sa ating wika. Kung gayon, tulad po ng kaso ng Europa na nabanggit sa naunang seksyon ng mga kambal-patinig, mag maigi pong panatilihin na lamang natin ang paggamit ng Estados Unidos.

Kapansin-pansin po ang pagkalito natin sa kung ano baga ang dapat maging salin ng United Kingdom sa Tagalog. Kapwa po tamang isalin ito sa 'Nagkakaisang Kaharian' o 'Pinag-isang Kaharian'. Sa libro pa nga pong Ang Kasaysayan ng Bayang Pilipino (1984) ni Teodoro Agoncillo ay 'Magkalangkap na Kaharian' ang nakita kong gamit niya - ngunit masyado namang mahaba kung tutuusin. May nabasa rin po akong panukala rito sa ating pamayanan na sundin na lamang ang katumbas nitong 'Reyno Unido' (Reino Unido) sa Espanyol kung ayaw gamitin kapwa ang 'Nagkakaisang Kaharian' at 'Pinag-isang Kaharian'. Ngunit tulad din po ng sitwasyon sa makiling na paggamit sa Estados Unidos at Europa, mas pinapanigan ko ang paggamit ng Nagkakaisang Kaharian sapagkat ito na ang madalas kong makita't mabasang ginagamit ng mga kababayan natin dito sa Internet. Samantala, ituturing na lamang natin ang 'Pinag-isang Kaharian', 'Reyno Unido' at maging ang 'Magkalangkap na Kaharian' ni Agoncillo bilang mga variant.

Hindi po tulad ng Marshall Islands na maaari nating isalin bilang 'Kapuluang Marshal' (sang-ayon sa unang gabay: May mga pagkakataong pong hindi palaging literal ang pagsasalin; ang mahalaga'y naroon ang diwa ng isinasalin.), sa tingin ko'y hindi na natin maiiwasan ang paggamit ng 'mga' kapag isinalin natin ang United Arab Emirates sa ating wika. Naririto po ang maaaring maging salin nito: ang pa-Espanyol na 'Emiratos Arabes Unidos,' 'Mga Nagkakaisang Emiratong Arabo,', 'Mga Nagkakaisang Arabong Emirato,', 'Mga Pinag-isang Emiratong Arabo' at 'Mga Pinag-isang Arabong Emirato.' (Paglilinaw: Mali po ang 'emirado' sapagkat ang emirate po sa Espanyol ay emirato (sumangguni po tayo sa mga diksiyonaryong Espanyol). Ngunit para po sa akin ay higit na tama ang 'Mga Nagkakaisang Emiratong Arabo' at 'Mga Pinag-isang Emiratong Arabo.' Kasang-ayon po ito ng Arab League na kapag isinalin sa ating wika ay nagiging 'Ligang Arabo' o 'Samahang Arabo' sa halip na 'Arabong Liga' at 'Arabong Samahan.' Kasang-ayon din po ito ng 'Filipino people' at 'American Army' na nagiging 'Mamamayang Pilipino' at 'Hukbong Amerikano' sa halip na 'Pilipinong mamamayan' at 'Amerikanong hukbo'. Sa nangyayari po, kapag isinasalin ang mga ganoong salita sa ating wika ay nauuna ang nagbibigay-turing (Emirato) kaysa sa tinuturingan (Arabo). Samakatuwid ay mali ang 'Mga Nagkakaisang Arabong Emirato' at 'Mga Pinag-isang Arabong Emirato' kaya't hindi maaaring ituring na angkop na salin ni variant ang dalawang ito para sa United Arab Emirates.

Mas pinapanigan ko po ang higit na paggamit ng Mga Nagkakaisang Emiratong Arabo. Ito'y kasang-ayon din ng pagpanig ko sa makiling na paggamit ng 'Nagkakaisang Kaharian' sa ngalan ng konsistensi. Samantala, ituturing na lamang natin ang 'Mga Pinag-isang Emiratong Arabo' bilang variant.

Ngunit bakit hindi na lamang po natin gamitin ang 'Emiratos Arabes Unidos' upang hindi na humaba pa ang usapan? Ngunit, mas maigi rin pong pairalin natin ang baybay-Tagalog/Filipino na Mga Nagkakaisang Emiratong Arabo at variant nito, una, sapagkat may tiyak na salin ang Arab o Arabes sa ating wika - iyon na nga po ay ang 'Arabo' at, ikalawa, yamang tayo (ang Wikipediang Tagalog) ang pasimuno sa mga bagay na ito, mas maiging magpakilala at magpalaganap tayo ng isang katutubong pangalan para sa United Arab Emirates nang sa gayon ay malaman naman ng sinumang naghahanap na mayroon pala itong salin sa ating wika. Hindi naman kasi ito tulad ng pangalang Estados Unidos na palasak nang ginagamit ng taumbayan; maaari nating ipakilala at ipalaganap ang 'Mga Nagkakaisang Emiratong Arabo' sapagkat ang pangalang United Arab Emirates ay bihira o marahil ay hindi nasusulat sa ating mga aklat-pangkasaysayan (nasusulat man ay sa pangalang Ingles pa ring United Arab Emirates) - walang gaanong mahalagang nangyari sa kasaysayan ng U.A.E. at Pilipinas ('di tulad ng ating malawak na karanasan sa piling ng Espanya't Estados Unidos) liban na lamang seguro sa relasyong diplomatiko ng dalawang bansa, sa pag-angkat natin ng langis doon, sa kilalang-kilalang Dubai, at mga OFW naghahanapbuhay at nakapaghanapbuhay na roon.

C. Hinggil sa mga bansang may mga pangalan ng santo't santa.

Malaya pong makapapasok ang mga hiram na titik sa ating isasagawang pagsasalin sa mga bansang may mga pangalan ng santo't a. Ito po ay tulad ng pagsasaling ginagawa natin sa mga pangalang Ferdinand Magellan, Christopher Columbus at iba pa na nagiging Fernando Magallanes at Cristobal Colon sa Espanyol at Tagalog/Filipino.

Ingles Espanyol Tagalog/Filipino
Saint Kitts and Nevis San Cristobal y Nieves San Cristobal at Nieves
Saint Lucia Santa Lucia Santa Lucia
Saint Vincent and the Grenadines San Vicente y las Granadinas San Vicente at ang Granadinas
San Marino San Marino San Marino
Sao Tome and Principe Santo Tome y Principe Santo Tomas at Prinsipe*

(*) Ang isa pa pong salin ng Sao Tome and Principe sa Espanyol ay ang literal ding 'Sao Tome y Principe' ('Sao Tome at Prinsipe' sa Tagalog). Ngunit sa Wikipediang Espanyol ay makiling po ang paggamit ng 'Santo Tomas y Principe' kaya't mas maiging sumabay tayo sa paggamit ng Santo Tomas at Prinsipe at ituring na lamang ang 'Sao Tome at Prinsipe' bilang isang variant. Makatutulong din po ito sa pagpapanatili ng pangalang 'Santo Tomas' na siyang higit na nakikilala ng taumbayan.

D. Hinggil sa Sierra Leone

Ang 'sierra' (literal na kahulugan: mabatong bulubundukin) po sa Ingles ay 'sierra' rin sa Espanyol bagama't magkaiba po ang bigkas. Binibigkas po ito ng 'shira' sa Ingles at 'shera' naman sa Espanyol at maging sa Tagalog. Ang 'Leone' naman po sa Espanyol ay 'Leona'. Maigi pong panatilihin na lamang natin ang baybay na 'sierra' kapag isinalin sa Tagalog (tulad po ng baybay at bigkas ng bulubundukin ng 'Sierra Madre' dito sa ating bansa) samantalang gagamitin naman natin ang Espanyol na 'Leona'. Hindi na po natin gagawing 'Leyona' ang 'Leona' tulad po ng isinasaad ng unang tuntunin para sa mga kambal-patinig hinggil sa pagsasama-sama ng malalakas na patinig (/A, E at O/). Lalabas pong 'Sierra Leona' ang magiging baybay nito sa ating wika ngunit 'shera leyona' naman kapag binigkas.

E. Hinggil sa Puerto Rico

Ang pa-Ingles pong Puerto Rico ay 'Puerto Rico' rin sa Espanyol. Dalawa po ang maaaring kalabasan (opsyon) nito kapag isinalin sa Tagalog/Filipino: 'Puwerto Riko' at 'Puerto Rico' pa rin.

(1.) Kapag po ginamit natin ang 'Puwerto Riko' ay sumusunod po tayo sa Ulat hinggil sa mga Forum sa Ispeling 2006 (Hindi nasusunod ang ikalawang tuntunin at sa halip, isinisingit ang /Y/ at /W/ sa kambal patinig sa sumusunod na kaso... kayo na po ang pumindot at maghanap sa kawing na ito). Kung ganoon, ang /ue/ po ng magiging /uwe/ kaya't ang 'puerto' ay magiging 'puwerto', kasang-ayon ng 'puwerta' (fuerta) at 'puwesto' (puesto). Ang paggamit naman po ng 'puwerto' at mga kauri nitong 'puwerta' at 'puwesto' ay sasang-ayon din sa tuntunin ng 2008 Gabay sa Ortograpiya ng Wikang Pambansa (Pahina 7: Iayon ang Pagbaybay sa Katutubong Kayarian na KP at KPK at Pahina 8: Iwasan Hangga't Maaari ang Dalawa o Tatlong Magkakasunod na Katinig sa Loob ng Salita)

(2.) Kapag naman po pinanatili natin ang 'Puerto Rico', sumusunod po tayo sa makiling na baybay ng kilalang-kilalang Lungsod ng Puerto Princesa. Sumusunod din po tayo sa pagpapanatili ng hiram na titik ('Rico' sa sitwasyong ito sa halip na 'Riko') kapag naghihiram tayo ng mga pangalang pa-Espanyol.

Sa akin po'y panatilihin na lamang natin ang paggamit ng Puerto Rico alang-alang sa mga isinasaad ng ikalawang opsyon at ituring na lamang ang 'Puwerto Riko' bilang isang variant nito.

F. 'Pransiya' o 'Pransya,' 'Indiya' o 'Indya'? at mga katulad

Kapwa po tama ang 'Pransiya' at 'Pransya,' 'Indiya' at 'Indya' gayundin naman po ang 'Biyetnam' at 'Byetnam,' 'Pinlandiya' at 'Pinlandya,' 'Taylandiya' at 'Taylandya,' 'Serbiya' at 'Serbya,' 'Gambiya' at 'Gambya,' 'Heyorhiya' at 'Heyorhya,' 'Sambiya' at 'Sambiya,' 'Suwasilandya' at 'Suwasilandya,' at 'Kolombiya' at 'Kolombya'. Ngunit sang-ayon po sa 2008 Gabay sa Ortograpiya ng Wikang Pambansa (Pahina 7: Iayon ang Pagbaybay sa Katutubong Kayarian na KP at KPK at Pahina 8: Iwasan Hangga't Maaari ang Dalawa o Tatlong Magkakasunod na Katinig sa Loob ng Salita), mas pipiliin nating pairalin ang Pransiya (Francia), Indiya (India), Biyetnam (Vietnam), Pinlandiya (Finlandia), Taylandiya (Tailandia), Serbiya(Serbia), Gambiya (Gambia), Heyorhiya (Georgia), Sambiya (Zambia), Suwasilandiya (Suazilandia) at Kolombiya (Colombia); ito po'y kasang-ayon ng 'biyolin' (sa halip na 'byolin'), 'kolehiyo' (sa halip na 'kolehyo'), 'impiyerno' (sa halip na 'impyerno') at 'pasensiya' (sa halip na 'pasensya'). Samantala, ang 'Pransya,' 'Indya,' 'Byetnam,' 'Pinlandya,' 'Taylandya,' 'Serbya,' 'Gambya,' 'Heyorhya,' 'Sambya,' 'Suwasilandya' at 'Kolombya' ay ituturing na lamang po natin bilang mga variant.

Subalit lalabas na po sa mga tuntuning nabanggit ang Bolibya (Bolivia), Moldabya (Moldavia) at Namibya (Namibia) na hinding-hindi natin maaaring isulat bilang 'Bolibiya', 'Moldabiya' at 'Namibiya'. Bakit po? Mahirap pong bigkasin nang mabilis ang mga ito kapag isinulat natin sa anyong 'Bolibiya', 'Moldabiya' at 'Namibiya'. Kaiba po ito sa mga bansang nabigyang-linaw na sa naunang talata, halimbawa ang 'Pransiya' na madali nating mabibigkas nang mabilis kaya mayroong itong variant na 'Pransya'. Bakit naman po mahirap bigkasin nang mabilis ang mga anyong 'Bolibiya', 'Moldabiya' at 'Namibiya'? Sapagkat ang ikalawa pong pantig ng bawat anyong/salitang ito ay nagtatapos sa patinig (Bo-li-bya, Mol-da-bya at Na-mi-bya), 'di tulad ng mga bansang nabigyang-linaw sa naunang talata halimbawa na nga ang 'Pransiya' at mga katulad na ang nauunang pantig ay nagtatapos sa katinig (Pran-si-ya).

Susunod din po sa halimbawa ng 'Bolibya', 'Moldabya' at 'Namibya' ang Gresya (Grecia) at Kroasya (Croacia) sang-ayon sa mga paglilinaw na binigyang-diin sa ikalawang talata. Gayundin naman ay ganoon rin ang mangyayari para sa kilalang-kilalang Espanya (Espania). Ang mga nabanggit ay totoong hindi maaaring maging 'Gresiya,' 'Kroasiya,' ni 'Espaniya.' Susunod naman sa halimbawa ng 'Espanya' ang Albanya (Albania), Alemanya (Alemania), Armenya (Armenia), Eslobenya (Eslovenia), Estonya (Estonia), Litwanya (Lituania), Masedonya (Macedonia), Mawritanya (Mauritania), Polonya (Polonia), Rumanya (Rumania), Tansanya (Tanzania) at Ukranya (Ukrania).

Samantala, ang ngalang 'Bosnia' mula sa 'Bosnia and Herzegovina' ay maiging hindi sumunod sa halimbawa ng Espanya. Sa halip na baybayin bilang 'Bosnya', mas makabubuting baybayin natin ito bilang 'Bosniya' sang-ayon naman sa halimbawa ng Pransiya at mga katulad na nakaugat naman sa tuntunin ng 2008 Gabay sa Ortograpiya ng Wikang Pambansa (Pahina 7: Iayon ang Pagbaybay sa Katutubong Kayarian na KP at KPK at Pahina 8: Iwasan Hangga't Maaari ang Dalawa o Tatlong Magkakasunod na Katinig sa Loob ng Salita). Subalit maaari rin naman pong baybayin ito bilang 'Bosnya,' bilang pagsunod sa ikalawang tuntunin hinggil sa mga kambal-patinig (napapalitan ng /Y/ ang mahinang /I/ at ng /W/ ang mahinang /U/ sa kombinasyon ng mahina at malakas na patinig.). 'Yun nga lamang po e dapat manaig ang dalawang tuntuning nakapaloob sa 2008 Gabay sa Ortograpiya ng Wikang Pambansa kaya't ang 'Bosnya' ay ituturing na lamang natin bilang variant ng 'Bosniya'. Samakatuwid ay gagamitin natin bilang unang preperensiya ang Bosniya at Hersegobina (Bosnia y Herzegovina) samantalang ituturing naman natin ang 'Bosnya at Hersegobina' bilang ikalawang preperensiya at/o variant.

G. Konsistent ang baybay

May mga bansa pong nasusulat kapwa sa wikang Ingles at Espanyol na kapag isinalin sa Tagalog ay hindi nababago ang baybay ni bigkas. Wala pong duda na ang mga sumusunod ang siyang pinakamadaling 'hiramin' sa lahat:

Ingles at Espanyol Tagalog/Filipino
Bahamas Bahamas
Barbados Barbados
Benin Benin
Burundi Burundi
Gabon Gabon
Guyana Guyana
Honduras Honduras
Iran Iran
Israel Israel
Kiribati Kiribati
Laos Laos
Mali Mali
Malta Malta
Montenegro Montenegro
Nepal Nepal
Oman Oman
Pakistan Pakistan
Panama Panama
Portugal Portugal
Sri Lanka Sri Lanka
Sudan Sudan
Togo Togo
Tonga Tonga
Uganda Uganda
Yemen Yemen

Mayroon naman pong konsistent ang baybay sa Ingles ngunit nagiging semi-konsistent kapag isina-Espanyol. Sa gayon pong sitwasyon ay susundin naman natin ang baybay-Ingles*:

Ingles Espanyol Tagalog/Filipino
Kenya Kenia Kenya
Libya Libia Libya

(*) Papaano naman po ang Rwanda ('Ruanda' sa Espanyol)? Hindi po ba konsistent para sa ating wika ang pa-Ingles na baybay ng 'Rwanda'? At 'di po ba ay tumutugon din ito sa ikalawang tuntunin hinggil sa mga kambal-patinig (Napapalitan ng /Y/ ang mahinang /I/ at ng /W/ ang mahinang /U/ sa kombinasyon ng mahina at malakas na patinig: mula pa-Espanyol na 'Ruanda' patungong 'Rwanda'). Ngunit isaalang-alang naman po natin ang iba pang tuntuning nakapaloob sa Ulat hinggil sa mga Forum sa Ispeling 2006 (Hindi nasusunod ang ikalawang tuntunin at sa halip, isinisingit ang /Y/ at /W/ sa kambal patinig sa sumusunod na kaso... kayo na po ang pumindot at humanap sa kawing na ito) at 2008 Gabay sa Ortograpiya ng Wikang Pambansa (Pahina 7: Iayon ang Pagbaybay sa Katutubong Kayarian na KP at KPK at Pahina 8: Iwasan Hangga't Maaari ang Dalawa o Tatlong Magkakasunod na Katinig sa Loob ng Salita). Kung susundin po natin ang mga isinasaad sa dalawang nabanggit, gagamitin natin ang Ruwanda bilang unang preperensiya at ituturing na lamang ang 'Rwanda' bilang ikalwang preperensiya o variant. Ang paggamit din po ng 'Ruwanda' ay sasang-ayon sa paggamit ng 'kuwento' (sa halip na 'kwento'), 'ortograpiya' (sa halip na 'ortograpya'), 'kolehiyo' (sa halip na 'kolehyo') at 'pasensiya' (sa halip na 'pasensya') bilang mga unang preperensiya.

Ang Myanmar naman po susunod din sa halimbawa ng 'Ruwanda' at ng 'Biyetnam' bilang pagsang-ayon at pagsunod din sa 2008 Gabay sa Ortograpiya ng Wikang Pambansa (Pahina 7: Iayon ang Pagbaybay sa Katutubong Kayarian na KP at KPK at Pahina 8: Iwasan Hangga't Maaari ang Dalawa o Tatlong Magkakasunod na Katinig sa Loob ng Salita). Kaya, ang kapwa pa-Ingles at pa-Espanyol na Myanmar ay magiging Miyanmar (Myanmar) sa Tagalog bilang unang preperensiya sa paggamit samantalang ang baybay na 'Myanmar' naman ay ituturing na lamang bilang ikalawang preperensiya at/o variant.

H. Ang Angola

Ang 'Angola' sa Espanyol ay binibigkas bilang 'Ang-go-la.' Ang ganoong pagbigkas ay tumutugma sa ating dila sapagkat sang-ayon sa librong Filipino ng mga Filipino (2009) ni Virgilio S. Almario, "sa lumang Tagalog, kapag magkasunod ang /N/ at /G/ ay nadaragdagan ng /NG/ ang /N/ kapag binigkas." Samakatuwid, marapat ngang bigkasin at isulat sa Tagalog/Filipino ang kapwa pa-Ingles at pa-Espanyol na baybay ng 'Angola' bilang Anggola. Samantala, ang bigkas at baybay na 'Anggola' ay sumasang-ayon din sa estruktura ng wikang Tagalog/Filipino: kung ano ang bigkas ay siyang sulat at kung ano ang sulat ay siyang basa.

I. Marshall Islands, Andorra at Ghana

Ang ngalang 'Marshall' mula Marshall Islands, Andorra at Ghana, kapag hiniram mula Espanyol, ay babaybayin sang-ayon sa estruktura ng wikang Tagalog/Filipino: kung ano ang bigkas ay siyang sulat at kung ano ang sulat ay siyang basa. Kaya't ganito po ang kalalabasan ng mga sumusunod na bansa kapag isinalin sa ating wika: Kapuluang Marshal (Islas Marshall), Andora (Andorra) at Gana (Ghana).

J. Slovenia at Slovakia

Sang-ayon po sa unang gabay (Ang una nating preperensiya sa panghihiram ay mula sa wikang Espanyol sa halip o bago sa wikang Ingles.), mas pipiliin nating pairalin ang pa-Espanyol na Eslobenya (Eslovenia) at Eslobakya (Eslovakia) sa halip na ang pa-Ingles na 'Islobenya' (Slovenia) at 'Islobakya' (Slovakia). Dahil dito ay ituturing na lamang po natin bilang mga variant ang pa-Ingles na 'Islobenya' at 'Islobakya.'

K. Unggarya o Unggriya?

Kapwa po tama ang 'Unggarya' (Hungaria) at 'Unggriya' (Hungria) bilang panumbas sa Ingles na 'Hungary'. Kaya nga lamang po e makiling ang paggamit ng 'Hungria' sa wikang Espanyol at maging sa Wikipediang Espanyol. Nasasaatin na pong mga Wikipedista kung alin sa dalawa ang higit nating paiiralin bagama't sang-ayon ako para sa Unggriya bilang pagsunod sa halimbawa ng Wikipediang Espanyol.

L. Hinggil sa Seychelles

Ang 'Seychelles' po ay binibigkas bilang 'Sey-shels' sa Ingles at 'Sey-tsel-liyes' (i-set lamang po ang language papuntang Spanish at i-type sa kahon ang 'Seychelles' saka pindutin ang button na Say it sa Espanyol. Ngunit sa UP Diksiyunaryong Filipino (2010) ay may laang katumbas ang Seychelles sa ating wika na sa tingin ko'y mainam na mainam gamitin; ito ay ang Seselas, bagama't nagtataka pa rin ako kung paano o saan nila kinuha ang 'Seselas'. Ang mabuti pa'y sumunod na po tayo sa nasabing diksiyunaryo upang makaiwas na sa gulo kung 'Seyshels' baga o 'Seytselliyes' ang paiiralin yamang akmang-akma po sa ating dila ang 'Seselas' sapagkat mas madaling bigkasin ito. Ituring na lamang po natin ang pa-Ingles na 'Seyshels' at ang pa-Espanyol na 'Seytselliyes' bilang mga variant ng 'Seselas.'

M. Hinggil sa Liechtenstein

Ang Ingles, Espanyol at orihinal na Alemang Liechtenstein ay binibigkas bilang 'Lik-tens-tayn.' Ang panukala ko po'y pairalin natin ang anyong Liktenstayn sapagkat ito ang pinakaakmang kalalabasan ng Liechtenstein kapag isinulat sa ating wika. Maaari pong marami sa inyo ang magsabing nakakaasiwa o nakakailang tingnan ang anyong 'Liktenstayn'. Ngunit narito po ang paliwanag ni Virgilio S. Almario sa mga ganiyang sitwasyon sa kanyang librong Filipino ng mga Filipino (2010):

"Palagay ko, problema lamang ito ng mga marunong bumasa sa Ingles. Nahirati na kasi ang ating mata sa anyong Ingles kaya't nabibigla sa bagong anyo sa Filipino. Biswal ang problema, hindi wika. Kaya natatanggap natin at balewala sa atin ang mga pumapasok na salitang Ingles sa pag-uusap ngunit nasisindak tayo kapag nakitang nakasulat o nakalimbag. Hindi ito dapat maging sagwil sa pagsasa-Filipino ng baybay sa mga salitang Ingles. Kung magiging konsistent tayo sa ating tuntunin (kung ano ang bigkas, siyang sulat), dapat nating igpawan ang panimulang "paninibago" ng ating mata. Darating na ang panahon na masasanay tayo sa pagtunghay sa anyo ng vays (vice), jads (judge), at iba pang papasok na migranteng salita mula Amerika."

(-Banyaga sa dulo ng ating dila (7), pahina 82)

Sang-ayon po ako sa kanya at naniniwala akong siya'y nasa katwiran bagama't hindi natin mapapayagan ang mga anyong 'vays' at 'jads' dito sa ating pamayanan batay na rin sa itinakdang alituntunin ng 2008 Gabay sa Ortograpiya ng Wikang Pambansa (Pahina 8-10: Ang Panghihiram).

N. Hinggil sa Lebanon at mga katulad

Mapapansin po nating konsistent ang baybay ng Ingles na Lebanon para sa ating wika kaya't maaari nating mapagpasiyang ito na ang gamitin at pairalin dito sa ating pamayanan. Ngunit sa ngalan po ng pagkakapantay-pantay o konsistensi, kailangan nating sundin ang unang gabay: Ang una po nating preperensiya sa panghihiram ay mula sa wikang Espanyol sa halip o bago sa wikang Ingles - kaya't ang dapat nating pairalin bilang unang preperensiya sa paggamit ay ang konsistent ding Libano ng wikang Espanyol.

Ganoon din po ang dapat mangyari sa Cambodia at Antarctica. Sa ngalan po muli ng unang gabay ay kailangan nating sundin, gamitin at pairalin ang pa-Espanyol na Kamboya (Espanyol na Camboya) at pa-Espanyol na Antartida (pa-Espanyol ding Antartida) sa halip na ang pa-Ingles na Cambodia at Antarktik. Mali po ang salin at ang kasalukuyang ginagamit natin dito na 'Antartiko' sapagkat kung hihiram tayo sa Espanyol, ito po ay Antartida (sumangguni po tayo sa mga diksiyonaryong Espanyol) at kapag naman hihiram tayo sa Ingles at babaybayin natin alinsunod sa estruktura ng ating wika (kung ano ang bigkas ay siyang sulat at kung ano ang sulat ay siyang basa), ito ay magiging Antarktika.

Ñ. Hinggil muli sa mga bansang nagtataglay ng mga 'kambal-patinig'

Nauna na pong naitalakay at nabigyang-patotoo ang salin ng